Main Story

Nasa ating mga kamay: Paglaban ng kababaihan sa e-commerce

,

Sa loob ng mga warehouse at sorting center, hakbang-hakbang na kumukuha ng espasyo at lumalakas ang boses ng manggagawang kababaihan para sa kanilang karapatan at kapakanan.

Si Paula Carreon, 32, ang kasalukuyang secretary ng United Rank and File Employees of J&T Express (URFE-FFW) sa Cabuyao City, Laguna. Apat na taon na siyang nagtatrabaho sa loob ng warehouse, at sa tulong ng unyon, naging regular siya sa trabaho noong 2024.

Sa kabila ng mga responsibilidad bilang solo parent at parcel sorter sa warehouse, tinanggap niya ang tungkulin sa unyon. Bukod sa malaki ang naitulong nito sa kanya, dama rin niya ang pang-aagrabyado ng kompanya sa kapwa manggagawa.

Sa tinatayang 600 manggagawa sa loob ng warehouse, 200 lang dito ang kasapi ng unyon ayon kay Paula, habang may 400 on-call worker (OCW) na nananatili sa ilalim ng mga manpower agency.

Malaking hamon sa unyon nila ngayon ang pagtanggol sa karapatan ng mga manggagawang hindi kinikilala ng kompanya bilang empleyado, habang ipinaglalaban ang kanilang panibagong collective bargaining agreement (CBA).

Sa e-commerce, hindi empleyado ang tawag sa manggagawa kundi “independent contractor,” “partner,” o iba pa. Sa ganitong paraan, naiiwasan ng mga kompanya ang employer-employee relationship na siyang batayan ng maraming proteksiyon sa ilalim ng batas paggawa.

“Mahalagang isyu para sa mga [e-commerce] workers ang ‘right to employment,’” ani Mark Vincent Lim, associate lawyer ng Pro-Legal Labor Assistant Center (Place) at consultant ng Solidarity of Asian Trade Unions (SATU). Aniya hindi mga teknikal na termino o mga probisyon sa kontrata ang namamayani sa relasyon ng manggagawa at kompanya, kundi kung ano ang mismong ginagawa sa trabaho. 

Ayon kay  Lim, mahalaga ang four-fold test, isa sa mga legal na batayan na nagtatakda ng tiyak na relasyon sa pagitan ng kompanya at manggagawa. Ito’y kung may kapangyarihan ang kompanya sa manggagawa na magpapasok sa trabaho, magpasahod, magtanggal o magpataw ng aksiyong pandisiplina, at mangasiwa ng kagamitan at magtakda ng pamamaraan ng trabaho. 

“Kapag na-establish ang employer-employee relationship, doon na papasok ang labor standards, minimum wage at social legislation benefits,” sabi ni Lim. 

Isang makasaysayang halimbawa ng legal na tagumpay ang laban ng mga delivery rider ng Lazada noong 2022 at 2024. Sa magkahiwalay na kaso ng illegal dismissal, kinilala sila ng Korte Suprema bilang mga regular na empleyado, taliwas sa bansag sa kanila ng kompanya na “independent contractor.” Iginawad din sa mga Lazada rider ang kanilang pagbalik sa trabaho at pagbayad ng sahod mula noong sila’y tanggalin.

Ang argumentong nagpanalo sa mga Lazada rider ang tinutuntungan ngayon ng mga manggagawa sa e-commerce, kabilang ang nabubuong pagkakaisa ng parcel sorters sa Bulacan. 

Dagdag ni Arman Hernando ng Place, may dalawang legal na daan na maaaring tahakin ng mga manggagawa: ang pagsampa ng kaso sa National Labor Relations Commission gamit ang ebidensiya mula sa four-fold test at paghingi ng inspeksiyon sa Department of Labor and Employment gamit ang “visitorial power” nito. Mahalaga rin ang pagsusulong ng mga patakarang nakaayon sa mga pamantayan ng International Labour Organization at iba pang pandaigdigang balangkas.

Ngunit diin ni Hernando, pinakamabisa pa rin sa lahat ang pag-uunyon. Walang ebidensiyang sasapat, aniya, kung walang kagustuhan at lakas ng loob ang mga manggagawa na ipaglaban ang kanilang karapatan.

Sa kasalukuyan, kakambal ng kalagayan ng mga unyon sa mga e-commerce hub ang kabuuang sitwasyon ng pag-uunyon sa Pilipinas, kakarumpot at nabubuo lang sa paisa-isang empresa. Walang pambansang unyon o pederasyon para sa e-commerce at logistics.

Para lalong masipat ang kalagayan ng manggagawang Pinoy sa digital economy, naglunsad ng konsultasyon ang Kilusang Mayo Uno (KMU) sa mga kababaihang platform at platform-adjacent workers. 

Noong Mayo 23-24, 2026, tinalakay ng mga manggagawang kababaihan mula Luzon, Visayas at Mindanao ang epekto ng digitalisasyon sa kanilang iba’t ibang linya ng trabaho sa isang aktibidad ng KMU sa Quezon City. Kat Catalan/Pinoy Weekly

Nitong Mayo, tinipon nila ang mga manggagawa mula sa iba’t ibang bahagi ng digital economy—mga platform rider at driver, parcel sorter, at virtual assistant—upang talakayin ang mga isyu sa trabaho tulad ng kawalan ng seguridad at benepisyo at maging sa mga anyo ng diskriminasyon batay sa kasarian at seksuwalidad.

Itinayo din sa kumperensiyang ito ang pambansang alyansang Connect2Defend para bigkisin ang mga manggagawa sa digital economy na ikampanya ang karapatan sa disenteng trabaho.

Iba-iba man ang trabaho at lugar, iisa ang problemang kinakaharap: isang industriya na umaasa sa kanilang paggawa habang sinasadlak sila sa malaaliping kaayusan.

Patong-patong ang pang-aapi at pagsasamantala sa manggagawang kababaihan.

“Discriminated pa rin ang kababaihan mula pa lang sa job hiring,” sabi ni Joanne Cesario, secretary general ng KMU at focal person ng Asia Pacific Forum on Women Law and Development (APWLD) Labor Program Organizing Committee.

Limitado na nga ang maaaring pasukang pormal na trabaho, may diskriminasyon pa dahil sa posibilidad na mabuntis. Maraming employer ang mas pipiliin na lang huwag ipagkaloob ang mga benepisyo gaya ng paid maternity leave at suportang medikal. Nalulusutan nila ito sa ngayon dahil sa laganap na kontraktuwalisasyon at impormalisasyon ng trabaho.

Sa esensiya, ito ang kanilang pagtanggi sa employer-employee relationship at pagsamantala sa desperasyon ng kababaihan para sa kahit anong trabaho.

Liban sa ‘di pantay na sahod at benepisyo, karaniwan ding magkaiba ang uri ng trabahong napupunta sa mga babae.

Sa warehouse kung saan nagtatrabaho si Paula, umaabot sa 70% ng mga nagso-sort at nag-iiskan ng parcel ay kababaihan. Tinuturing itong “magaan” na trabaho kumpara sa loading at pagmamaneho ng delivery truck na mas karaniwang ginagampanan ng kalalakihan.

Sa obserbasyon ni Paula, kalalakihan ang mga namumuno sa unyon kahit karamihan sa mga kasapi ay kababaihan. Aniya, kailangan magkaroon din ng mas malaking puwang sa pagpapasya at pamumuno ang kababaihan sa loob ng unyon. 

Isa pang pasanin ng manggagawang kababaihan ang “care work,” mula sa pangangalaga sa pamilya hanggang sa gawaing bahay tulad ng pagluluto at paglilinis.

Para kay Cesario, karagdagang anyo ito ng pagsasamantala dahil pinapapasan ng kababaihan ang pangangalaga at mga pangangailangan ng pamilya. Inugnay niya rin ito sa kakulangan ng pondo ng pamahalaan para sa serbisyong panlipunan.

“Ang primary provider ng care dapat ay estado,” paliwanag niya. “Kung may sapat at libreng public services, hindi na kailangang isakripisyo ng mga babae ang kanilang oras at hanapbuhay para lang mag-alaga sa tahanan.”

Ayon sa datos ng Philippine Commission on Women (PCW) noong 2023, naglalaan ng 11 oras ang isang babae para alagaan ang kanilang pamilya. Umabot ito ng 13 oras noong pandemya. Kumpara sa kalalakihan, apat na beses na mas marami ang oras na inilalaan ng kababaihan sa care work.

Ganito ang pagpatong-patong ng pasanin ng manggagawang kababaihan, mula sa tahanan, lugar-paggawa, hanggang sa kanilang mga komunidad o organisasyon.  

Mano-manong nag-iiskan at nagsasalansan ng parcels ang mga manggagawang kababaihan sa isang sorting center. Contributed photo

Mahalaga ang tungkulin ni Paula bilang secretary at lider-kababaihan ng unyon. Nangunguna siya sa mga pagsasanay at pagbibigay kaalaman sa kapwa manggagawa tungkol sa kanilang mga karapatan sa loob ng sorting center. Aniya panangga nila ito sa abuso. 

Sa mga pagsasanay nila, tinatalakay ang mga kongkretong problema sa trabaho: Ano ang gagawin kapag minumura ng supervisor? Paano maghahain ng reklamo? Kailan maaaring tumulong ang unyon?

Tumutulong din si Paula na magtala ng mga ulat at hinaing ng mga OCW ukol sa trabaho. Dahil madalas ang mga aksidente sa warehouse, maging sugat man mula sa mga makina o diskriminasyon mula sa manedsment, patuloy na pinauunlad ng unyon ang kanilang grievance mechanism para sa mga manggagawa.

Sinisikap din nilang abutin pa ang mga OCW para sumali sa mga aktibidad ng unyon kahit malalagay sa alanganin ang kanilang trabaho.

Kuwento ni Paula, unti-unting nagiging bukas ang ibang mga manggagawa sa kanilang mga inisyatiba dahil nakikita ang lakas at proteksiyon sa pag-uunyon. 

“Mali ‘yong nakukuhang information na ang unyon ay more on rebel side, manggugulo, mananakit,” sabi ni Paula. Kaya mahalaga para sa kanila na makinig at magmulat pa ng mas marmaing manggagawa. 

Ayon kay Propesor Cheryll Ruth Soriano ng De La Salle University, binago na ng teknolohiya kung ano, saan, paano at sino ang gumagawa ng trabaho.

Para sa maraming kababaihan, nangangahulugan ang pag-usbong ng smartphones, social media at e-commerce platforms ng mga bagong oportunidad. Ngunit kasabay nito ang mga bagong anyo ng pagsasamantala.

Ani Soriano, ang dating kailangang gawin sa opisina o tindahan ay maaari nang gawin sa loob ng bahay sa pamamagitan ng mga computer o cellphone. Karaniwang halimbawa rito ang pagiging virtual assistant, online freelancer, content creator at live seller sa online shopping platforms.

Para sa kababaihan, makabuluhang pagbabagong ito dahil naging posible ang sabay na pag-asikaso sa tahanan at trabaho. Ngunit dito rin nagiging komplikado ang hangganan ng bawat isa. Ang tahanan, na nagiging lugar na ng produksiyon, ay maaari nang ituring na bahagi ng digital economy.

Sa e-commerce, laganap ang mga kababaihang live sellers sa Shopee, TikTok at iba pang platforms. Hinalintulad ito ni Soriano sa trabaho ng mga saleslady. Ang kaibahan lang ay hindi nakikita sa screen ang kanilang buong paggawa. Lingid sa kamalayan ng mga konsyumer ang pag-ayos ng live seller ng kanilang bahay para sa livestream at pagtiyak ng kuryente, internet at iba pang kagamitan na kailangan sa trabaho.

Ito ang nakikita ng KMU na pinakamalaking epekto ng digitalisasyon sa manggagawa. Ginagamit ng mga kapitalista ang makabagong teknolohiya upang dagdagan ng trabaho ang manggagawa o ‘di kaya’y magbawas ng manggagawa, alang-alang sa pagpanatili ng dambuhalang tubo.

Sa halip na gumaan at umunlad ang produksiyon, danas ng mga manggagawa—mula e-commerce hubs, BPO call centers, hanggang pabrika ng semiconductors—ang kabaliktaran. Nagbubunga pa ito ng mas matinding pananamantala.

Para sa sentrong unyon, kailangang mas maging masugid sa pag-oorganisa ng mga manggagawang apektado ng digitalisasyon sa panahon ngayon na “normal” ang mga trabahong barat ang sahod at walang katiyakan.

Hindi alam ni Paula kung hanggang kailan siya mananatili sa J&T. Aminado siyang hangad niyang makapagtrabaho sa ibang bansa kung mas masusuportahan nito ang kanyang pamilya.

Sa ngayon, magtutuloy siya bilang sorter dahil malapit ang warehouse sa kanilang bahay. Nasusundo pa niya ang kanyang anak mula sa paaralan.

Maliit na bagay kung titingnan. Pero bahagi ang patong-patong na responsibilidad sa pang-araw-araw ng manggagawang kababaihan.

Sa kabila nito, pursigido si Paula sa pagpapalakas ng kanilang unyon. Simple ang mensahe niya sa kapwa kababaihang sorters, “Dapat hindi tayo magpa-discriminate dahil pantay-pantay lang tayong manggagawa. Hindi dapat ma-underestimate ang kakayahan bilang babae, kasi kaya din natin ang ginagawa ng lalaki.”

Habang pinabibilis ng mga conveyor belt, scanner at makina ang daloy ng pandaigdigang komersiyo, patuloy na hinahanap ng mga manggagawang kababaihan tulad ni Paula ang kanilang lugar.

Masalimuot para sa kasalukuyang henerasyon dahil sa halos walang tigil ang mga pagbabago sa mundo ng paggawa. Hindi gaya ng dati, mahirap nang habulin at aralin lahat ng bagong anyo ng trabaho at pagsasamantala habang pinapasan ang mga epekto ng krisis sa ekonomiya at politika.

Malinaw sa mga unyonistang kababaihan na hindi na nila dapat tiisin ang mapang-aping sistema. Sila ay mga manggagawang may dignidad, karapatan, at kakayahang mag-organisa–nasa kamay nila ang paghinto sa produksiyon kung kinakailangan.