Pag-absuwelto ng Korte Suprema kay Imelda Marcos, binatikos


Sa desisyon ng Supreme Court First Division na may petsang Hunyo 10, 2026, binaliktad nito ang naunang desisyon ng Sandiganbayan Fifth Division noong 2018 na maysala sa kasong graft ang asawa ng diktador na si Imelda Marcos.

Kinondena ng mga kontra-batas militar at tanggol-karapatan ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng mga nakaw na yaman na kinamal ng pamilya Marcos noong panahon ng diktadura.

“Naganap na ang hangarin ni Ferdinand Marcos Jr. sa pagtakbo niya sa pagkapangulo—ang mabawi ang lahat ng nakaw na yaman ng kanyang pamilya na kinumpiska ng gobyerno at burahin ang anumang natitirang mga kaso ng katiwalian laban sa kanyang pamilya,” pahayag sa Ingles ng manunulat na si Kris Lacaba, convenor ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (Carmma).

Sa desisyon ng Supreme Court First Division na may petsang Hunyo 10, 2026, binaliktad nito ang naunang desisyon ng Sandiganbayan Fifth Division noong 2018 na maysala sa kasong graft ang asawa ng diktador na si Imelda Marcos.

Sa nasabing kaso, nahatulan ng anim na taong pagkakabilanggo ang dating unang ginang ngunit pinayagang magpiyansa.

Ayon sa Carmma, nagdesisyon ang Korte Suprema walong araw matapos ibasura ng Sandiganbayan noong Hunyo 2 ang mga natitirang kaso sa mga nakaw na yaman ng mga Marcos.

Paliwanag ni Lacaba, hindi malabong gagamitin ng mga Marcos ang desisyon ng korte para lalo pang palaganapin ang “baluktot na naratibo at rebisyon sa kasaysayan.”

Kahina-hinala rin aniya ang panahon ng pagsasapubliko sa desisyon ng korte.

“Malamang na nagbigay ng pahintulot si Ferdinand Marcos Jr. na ilabas ang desisyon ng Korte Suprema sa panahong ito sa pagsisikap na lalong ilayo ang kanyang sarili at ang kanyang pamilya mula sa malalapit na kamag-anak, tulad ng kanyang pinsan na si Martin Romualdez na kamakailan ay naaresto dahil sa pandarambong kaugnay ng anomalya sa mga proyektong flood control,” ani Lacaba.

Ipinunto rin ni Lacaba na hindi inosente si Marcos Jr. sa malawakang korupsiyon sa pamahalaan sa kasalukuyan.

“Isiniwalat mismo ni dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo na P8 bilyon ng perang kinurakot ang naibigay sa matataas na opisyal ng Malacañang sa unang kuwarto ng 2025 lamang,” aniya.

Si Lacaba ay anak ng martial law survivor, peryodista at manunulat na si Pete Lacaba na nakaranas ng matinding toryur sa piitan noong panahon ng batas militar; at pamangkin ng aktibista at makatang si Eman Lacaba na pinaslang sa Davao del Norte noong 1976.

Inilarawan naman sa magkasamang pahayag ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda) at bantay-karapatang pantao na Karapatan na “pinakamatinding dagok sa ilang dekadang pakikibaka para sa hustisya at pananagutan sa malawakang pandarambong na iniuugnay sa diktadurang Marcos” ang desisyon ng korte.

Ang grupong Selda ang nanguna sa pagsasampa ng makasaysayan at matagumpay na class suit laban kay Marcos Sr. sa korte sa Hawaii, United States kung saan namalagi ang diktador matapos patalsikin noong 1986.

Ayon sa Selda at Karapatan, hindi nabura ng pagbabalik ng pamilyang Marcos sa kapangyarihan ang kasaysayan nito.

“Hindi mabubura ng desisyong ito o ng mga pagsisikap na pilipitin o baguhin ang talaang pangkasaysayan ang pagdurusa ng mga biktima ng batas militar o ang patuloy na pakikibaka upang mabawi ang lahat ng nakaw na yaman ng mga Marcos,” pahayag ng dalawang grupo.

Nanawagan din ang Selda at Karapatan sa mamamayan na sumama sa kilos-protesta sa darating na Set. 21, anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar, para ipakita ang malawak na paninindigan na hindi makalilimot sa tunay na kasaysayan ang taumbayan sa mga krimen ng mag-asawang Marcos hanggang sa anak na kasalukuyang pangulo.

“Nananawagan kami sa sambayanang Pilipino na huwag hayaang burahin ng ganitong walang pakundangang rehabilitasyon sa mga Marcos ang mga krimen ng diktadura o pagtakpan ang pandarambong sa pondong pampubliko sa ilalim ng kasalukuyang rehimeng Marcos Jr.,” ayon sa Selda at Karapatan.