Pagbawi sa nakaw na yaman 

Nitong Set. 4, natalo si President Ferdinand Marcos Jr. sa pag-apela upang maangkin ang 57 ektaryang lupain sa Paoay sa Ilocos Norte. Ibinasura ito ng Korte Suprema dahil isa ito umanong ill-gotten wealth at mula sa unconstitutional lease ng yumaong diktador.

Nakalaan ang mga ari-arian ng bansa para pakinabangan ng masa. Ngunit pilit kinuha at patuloy na kinakamkam ang mga yamang ito para sa pansariling interes ng iisang pamilya—ang pamilyang Marcos.

Sinimulan noong taong 1986 ang pagbawi sa mga ninakaw na yaman ng pamilyang Marcos mula sa taumbayan matapos silang mapatalsik sa poder. Umabot sa higit-kumulang $10 bilyon ang ninakaw nila batay sa pagtataya ng dati at namayapang si Sen. Jovito Salonga, unang tagapangulo ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) noong 1986. Subalit sa pag-aaral nina Bernardo Villegas at Jesus Estanislao, mga ekonomista ng Center for Research and Communication of the University of Asia, aabot pa sa higit $30 bilyon ang ninakaw ng mga Marcos. 

Tantiya ni Manny Mogato, isang premyadong peryodista, maaaring mas mataas na ngayon sa $30 bilyon ang halaga ng mga ninakaw ng diktador at kanyang pamilya dahil sa appreciation ng mga ari-arian o pagtaas ng halaga habang tumatagal ang panahon.

Nitong Set. 4, natalo si President Ferdinand Marcos Jr. sa pag-apela upang maangkin ang 57 ektaryang lupain sa Paoay sa Ilocos Norte. Ibinasura ito ng Korte Suprema dahil isa ito umanong ill-gotten wealth at mula sa unconstitutional lease ng yumaong diktador.

Nakasaad sa desisyon ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang pinirmahang 25 taong kontrata sa pagitan ni Marcos Sr. at ng Philippine Tourism Authority (PTA), ngayo’y Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority, noong 1978.

Nilalaman ng kontrata ang mababang halaga na P1 nang pagpapaupa ng PTA kada araw sa loob ng 25 taon. Gayunpaman, sabi ng Korte Suprema, isa itong taktika upang maiwasan ng yumaong diktador ang pagbabawal ng Konstitusyon laban sa interes sa pananalapi sa isang ahensiya ng gobyerno.

Layunin sana ng kontrata na gawing isang destinasyon ng mga turista ang Paoay. Kasama rito ang pagpapatayo ng Malacañang of the North at isang sports complex.

Ngunit bahagi ng isang pambansang parke ang lawa ng Paoay at ang mga karatig na lugar nito. Dahil dito, isa itong pampublikong ari-arian at pagmamay-ari ng masang Pilipino. Marapat na hindi ito mapasakamay ng iisa o iilang indibidwal at gawing pribadong ari-arian.

Nakasaad rin ang probisyon sa kontrata na kung nagkataon ay mapupunta sa mga Marcos ang mga nabuong establisimyento sa Paoay matapos ang kontrata.

Saad ng Korte Suprema, pilit na nais gamitin ng petisyoner na si Marcos Jr. ang isang deklaradong pampublikong ari-arian. Dagdag dito, walang ebidensiyang nagpapatunay na legal na pagmamay-ari ni Marcos Sr. ang lupain sa Paoay bago nabuo ang kontrata.

Ipinataw ng Korte Suprema na ibalik ng pamilyang Marcos ang lupain sa Paoay sa pamahalaan, maliban sa mga tinaguriang free patent. Subalit giit ng Korte Suprema na labas na sa kanilang hurisdiksyon ang pagreresolba ng mga ito. Maaari itong gawin ng Department of Environment and Natural Resources at Office of the Solicitor General, ngunit hindi nila ito maaaring gawin kung walang pahintulot ng kasalukuyang pangulo.

“Bakit mo ibabalik ang isang nakaw sa isang magnanakaw?” wika ni Mody Floranda na biktima ng martial law at tatakbong senador sa halalan sa 2025.

Isa si Floranda sa mahigit 30,000 tinortyur at ikinulong noong panahon ng batas militar. Bukod sa pisikal na pananakit na kanyang dinanas kasama ang kanyang pamilya sa kamay ng rehimeng Marcos Sr., nakuha rin nilang pag-interesan ang mga pananim sa bukid ng kanilang pamilya na nagsisilbing pangunahing kabuhayan.

Bukod kay Floranda, inilahad rin ng biktima ng batas militar at dating Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo ang sinapit niya noong panahon ni Marcos Sr.

Dalawang beses ikinulong si Taguiwalo. Hindi rin siya nakatakas sa tortyur at pagmamaltrato ng mga ahente ng gobyerno ng dating diktador. Ginamitan siya ng tinatawag na water cure, kung saan sapilitan pinapasok ang tubig sa bibig ng biktima. 

Nag-iwan ng matinding epekto sa kanya ang karanasang ito dahil hindi lang pisikal na pananakit ang sinapit niya dahil bukod dito, ininda rin niya ang sikolohikal na tortyur na bunsod ng interrogation.

Kung kaya’t natuwa si Taguiwalo sa desisyon ng Korte Suprema na hindi ibigay kay Marcos Jr. ang lupain sa Paoay.

“Nagulat tayo pero natuwa rin dahil malinaw na sinabi ng Supreme Court na ang property sa Paoay ay nakaw [ng mga Marcos] at pag-aari ng bayan iyon,” aniya.

Bukod sa lupain sa Paoay, malaki ang halaga ng mga ari-arian na ninakaw ng pamilyang Marcos. Ayon kay Taguiwalo, maaaring gamitin ang mga ito upang magkaroon ng badyet para sa land reform at kompensasyon sa mga naging biktima ng batas militar. 

Sinang-ayunan naman ito ni Floranda. Aniya, nararapat lang makatanggap ng tulong mula sa mga kinumpiskang nakaw ng mga Marcos ang taumbayan lalo na ang mga biktima ng martial law. Subalit, nangangamba siya na hindi ito agarang mangyayari dahil isang Marcos ang kasalukuyang pangulo.

Tinatayang aabot lang sa 11,000 ang mga nabigyan ng kompensasyon. Samantala, aabot pa sa 70,000 ang kabuuang bilang ng dapat makatanggap nito. 

Sinabi naman ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel na responsibilidad ng gobyerno bigyan ng kompensasyon ang mga biktima at survivor ng Martial Law. Aniya, dapat lang isulong sa kongreso ang House Bill 3505 upang matiyak ang kasiguraduhang matatanggap ito ng mga biktima. 

Bukod naman sa pagbibigay ng danyos sa mga biktima, binanggit din ni Taguiwalo na dapat rin bigyan ng access ang mga dating bilanggo sa Department of Education at Department of Health. Giit niya, matagal na itong inilalakad ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin umuusad.

Nasa 38 taon na mula ng sinimulan ang pagbawi sa mga ninakaw na yaman ng pamilyang Marcos.

Para sa mga naging biktima ng martial law, itinuturing nilang mainam ang desisyon at utos ng Korte Suprema na ibigay sa estado ang lupain sa Paoay. Gayunpaman, umaasa sila na hindi dapat maging kampante ang mga ahensiya ng gobyerno sa pagbawi ng mga yaman na pagmamay-ari ng masang Pilipino.

”Dapat maging mapagsiyasat tayo lalo na’t kailangan nating paigtingin ang pakikialam sa mga hindi pantay na batas para sa interes ng mamamayan. Dapat kumilos din ‘yong mamamayang Pilipino,” ani Floranda.