Pasanin at laban ng mamamayan sa SONA 2026
Sa mga pangako ng administrasyong Marcos Jr. sa nagdaang taon, may makabuluhan bang napala ang mamamayan?
Napakabilis ng isang taon. Sinalubong tayo ng korupsiyon sa flood control projects, krisis sa enerhiya at langis at bangayan ng mga naghaharing paksiyon. Matulin ang takbo ng problemang pambayan pero ang mga pasan ng karaniwang mamamayan, hindi maagapan at pabigat nang pabigat.
Muling mag-uulat si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ngayong 2026. At kung sasalain naman natin ang mga mababangong salita, maaari sigurong masilayan ang katotohanan sa likod nito.
Hindi naman nagsisinungaling ang mga bulsa’t bituka natin. Kung ang handang magpalabas ang administrasyon, handa ring maningil ang mamamayan sa iba’t ibang porma ng pahirap na pumatong pa sa pinapasan na niya.
Nangurakot sa flood control, malaya pa rin

Naunsiyaming flood control project sa may Northville, Barangay Lambakin, Marilao, Bulacan. Joanna Robles/Pinoy Weekly
Hunyo 28, pinangunahan ng mga relihiyosong grupo at organisasyon ng mamamayan ang White Ribbon March sa EDSA People Power Monument para muling manawagan ng pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), dapat ding panagutin ang mga mastermind at benepisyaryo sa likod ng iskemang pork barrel.
Isang taon mula nang sumambulat ang katiwalian at tila totoo ang kasabihan: mauuna pang pumuti ang uwak bago may aktuwal na managot sa mga kinurakot.
Sa paghagupit ng bagyong Carina noong 2024, higit kumulang 40,000 na residente ng Northville, Barangay Lambakin sa Marilao, Bulacan ang nasalanta. Ayon sa mga residente, umapaw ang Ilog Marilao at umabot lampas-bubong ang tubig-baha. Dalawang taon mula sa trahedya, hindi pa rin tapos ang flood control project sa kanilang lugar.
Nasa P1.2 trilyon ang inilaan mula 2022 hanggang 2025 ng administrasyong Marcos Jr. para sa mga proyektong ito. Pero magkakaparehas ang eksena sa komunidad tuwing sasapit ang panahon ng bagyo: lumulubog na mga bahay, kalsadang nagiging ilog at mga kaswalti na sana’y naiwasan.
Sa halos 8,000 proyektong flood control sa buong bansa, nasa 421 ang kumpirmadong peke o ghost projects.
Kalakhan ng proyekto ay napunta sa mag-asawang kontraktor na Curly at Sarah Discaya na nagkakahalaga ng P31.3 bilyon. Sabit rin sa katiwalian si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, na konektado sa Sunwest Inc. na may P10 bilyong kontrata habang siya rin mismo ang dating chairperson ng House Appropriations Committee.
Mula sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism, natuklasang nasa 18 kasalukuyang senador at kongresista ang may hawak o konektado sa mga kontraktor na nagbigay ng kikbak.
Sa kanyang SONA noong 2025, naningil si Marcos Jr. sa mga opisyal na kumubra sa mga proyektong flood control. “Mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino,” aniya.
Bilang tugon, binuo niya ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) para mag-imbestiga, tukuyin ang mga responsable sa korupisyon at magrekomenda ng mga legal na aksiyon.
Natapos ang trabaho ng ICI nitong Marso 31. Base sa rekomendasyon nito, may siyam na referral na sumasaklaw sa 65 na mga abogado, kontraktor, at mga dati at kasalukuyang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Commission on Audit (COA) ang kakasuhan ng mga kasong kriminal o administratibo. Kasama rin dito ang walong mambabatas at pitong senador.
Isa pa lang ang naaresto: si Sen. Jinggoy Estrada, dahil sa diumano’y pagtanggap ng P573 milyon payout. Si Co ay malayang nagtatago sa France at humihiling ng sa asylum. Hindi man lang umabot ang imbestigasyon sa mga personalidad na malapit sa presidente, tulad ng kanyang anak na si Rep. Sandro Marcos at ng pinsan niyang si Rep. Martin Romualdez. Pareho silang nakatanggap ng allocated funds na aabot sa P1.2 trilyon kapag pinagsama.
Isang taon na ang nakalipas. Trilyon-trilyong piso ang nakulimbat, daan-daang buhay ang nasalanta ng baha na dapat sana’y napigilan. Kung maayos lang ginamit ang pondo ng bayan, hindi na mangangamba ang mga taga-Marilao na muling masalanta sa panahon ng tag-ulan.
Pangakong trabaho, binarat sa realidad

“Maayos na hanapbuhay talaga ang mabisang pantiyak laban sa kahirapan at laban sa gutom,” diin ni Marcos Jr. sa SONA noong 2025.
Kasabay nito, nangako siyang magpupursigi ang Department of Labor and Employment upang mabigyan ng oportunidad ang natitirang 4% ng labor force na walang trabaho.
Isang taon matapos ang naturang pangako, lumalaki ang suliranin ang kawalan ng seguridad sa hanapbuhay ng mga manggagawang Pilipino.
Halos dalawa’t kalahating taon nagtrabaho si Joshua Sales bilang IT contractor sa Terratek Business Consulting & Services, isang IT outsourcing company, nang walang pinipirmahang kontrata. Berbal na kasunduan lang bilang contractor na binabayaran kada site.
Dahil dito, hindi siya kinilalang regular na empleyado. Wala siyang natanggap na mga benepisyo tulad ng SSS, PhilHealth at Pag-IBIG, at wala ring nakasulat na kasunduang maaari niyang sandigan nang tanggalin siya sa trabaho.
Noong una, umaabot sa tatlong site ang natatapos ni Sales kada araw kaya mas malaki pa ang kaniyang kinikita kaysa sa ilang regular na empleyado. Ngunit kalaunan, naitalaga siya sa proyektong umabot ng 12 hanggang 14 oras sa isang site habang nananatiling pareho ang bayad, sa kabila ng mas mahabang oras ng trabaho at kawalan ng karampatang kompensasyon.
“Mas pipiliin pa namin ‘yong setup na ‘yan kahit mas dehado kami sa job security,” sabi ni Sales.
Nang iginiit ni Sales ang pagbabayad ng overtime at holiday pay, naibigay man ang mga ito, tinanggal naman siya sa trabaho makalipas lang ang isang linggo. Dahil wala siyang pormal na kontrata, wala siyang dokumentong maaaring mapanghawakan para ireklamo ang employer niya.
Hindi hiwalay ang karanasang ito sa mas malawak na kalagayan ng paggawa. Sa tala ng Philippine Statistics Authority, umabot sa 5.8% ang unemployment rate noong Enero 2026, pinakamataas mula noong 2022.
Ayon naman sa Ibon Foundation, nadagdagan ng 790,000 ang mga walang trabaho at 859,000 ang mga nasa kontraktuwal na trabaho.
Pagsapit ng Abril 2026, umakyat naman sa 7.4 milyon ang mga underemployed, indikasyong patuloy na nabibigong lumikha ang ekonomiya ng sapat na trabaho.
Iginiit ng Kilusang Mayo Uno na hindi sapat ang P85 dagdag-sahod sa National Capital Region dahil nananatili itong malayo sa kinakailangang P1,305 family living wage. Anila, mabilis ding kinakain ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin ang anumang umento sa sahod.
Para naman sa Ecumenical Institute for Labor Education and Research, ang tunay na tugon sa krisis sa kabuhayan ay ang pagpapatupad ng mga patakarang magpapaunlad sa lokal na produksiyon, lilikha ng nakabubuhay na trabaho at magtataguyod ng pambansang industriyalisasyon.
Mula sa karanasan ni Sales at sa lumalalang datos sa paggawa, makikita ang agwat sa pagitan ng pangako ng administrasyong Marcos Jr. ng “maayos na hanapbuhay” at ng binarat na realidad ng mga manggagawang Pilipino.
Mahirap maging mahirap

Nitong Hulyo 1, binansagan ng World Bank ang Pilipinas bilang “upper middle-income” na bansa pagkatapos ng halos apat na dekadang klasipikasyon bilang “lower middle-income” ngunit palubog pa rin ang ekonomiya nito.
Sa unang SONA ni Marcos Jr. noong 2022, pinagmayabang niyang aabutin ang 6.5% 8% gross domestic product hanggang 2028. Ayon sa Development Budget Coordination Committee (DBCC), 3.5% to 4.5% lamang ang inaasahang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa 2026.
Ayon kay Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation, hindi sumasalamin ang klasipikasyon ng World Bank sa totoong pamumuhay ng ordinaryong Pilipino. Ang batayan ng institusuon ay nagmula sa gross national income (GNI) imbis na sa karaniwang kinikita at purchasing power ng ordinaryong Pilipino.
Ang $4,850 GNI per capita ng Pilipinas ay ipinahahayag na katumbas ng P1.2 milyon kada taon sa bawat pamilyang mayroong 4.1 katao. Sa kabila nito, mas maraming pamilya ang kumikitang P10,000 hanggang P30,000 kada buwan.
Nitong Marso lang, sa sarbey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS), 52% ng mga pamilya ay tinuring ang kanilang sarili na mahirap. Nasa 72 milyong Pilipino ang hindi nakakamit ang mga pangunahing pangangailangan.
Sa loob ng isang taon, tumaas ang presyo ng bigas mula P42 patungong P50. Tumaas din ng halos P11 hanggang P15 kada kilowatt-hour kada buwan ang kuryente. Ang presyo ng LPG ay tumaas ng 37.5% at diesel na tumaas ng hanggang 106.89%.
Ang antas ng implasyon ayon sa Consumer Price Index sa kabuuang pamumuno ni Marcos Jr. ay mayroong premedyo na 4.3% na tumaas ng halos tatlong beses sa loob ng isang taon. Mula sa 1.7% noong 2025 ay 4.8% ngayon. Sa unang taon pa lang ay umakyat patungo 5.8% ang implasyon mula sa 3.9% noong 2021.
Ang pagtaas ng implasyon at pagbaba ng halaga ng piso ay patuloy na nagpapakita ng kondisyon ng pamumuhay sa bansa.
Bagaman itinaas ang klasipikasyon ng Pilipinas, maaaring pang-ibabaw lang ito at hindi tunay na larawan ng kalagayan ng mamamayan. Kung tumaas ang pangkalahatang kita ng bansa, pero lalong nagigipit ang tao, anong ibig sabihin nito? Hindi kaya’y lumang istorya pa rin na lalong yumayaman ang mayayaman at laong naghirap ang dati nang mahirap.
Pambansang plano ng terorismo ng estado

Inilunsad ng rehimen ang National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) noong Mayo 2025. Kapansin-pansin na naiiba ang titulo nito sa mga naunang kontra-insurhensiyang operation plan (Oplan) ng mga nagdaang rehimen. Naiba man ang pangalan, walang pagkakaiba at mas mabangis pa nga ang NAP-UPD sa sunod-sunod na paglabag sa mga karapatang pantao sa loob ng isang taon nito.
Ayon sa Malaya Movement, “recycled” o ni-rebrand na counterinsurgency program ang NAP-UPD sa pagpapalakas ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na matagal nang iniuugnay sa red-tagging, arbitrary arrests, enforced disappearances, at iba pang paglabag sa mga karapatang pantao.
Para naman sa National Union of Peoples’ Lawyers, isinasantabi nito ang armadong tunggalian kabilang ang kawalang lupa at trabaho, panunupil at sistemikong kapabayaan kundi pinapatindi lang ang kriminalisasyon ng pagtutol ng mga kritiko ng pamahalaan.
Mula nang maupo si Marcos Jr. hanggang nitong Marso, nakapagtala ang bantay-karapatang pantao na Karapatan ng 137 na extrajudicial killing, 873 na ilegal o arbitraryong aresto, 16 na sapilitang pagkawala, 579 na sapilitan o pekeng pagpapasuko, at laksa-laksang walang habas na pamamaril, pambobomba at sapilitang pagpapalikas.
Sa nakalipas na mga buwan, naging laman ng mga balita ang mga operasyong militar laban umano sa rebeldeng New People’s Army sa mga isla ng Mindoro noong Enero 1 at Negros noong Abril 19.
Ngunit sa mga insidenteng ito, kapansin-pansing mga sibilyan ang karamihan sa mga pinuntirya: mga mag-aaral, kabataan, mananaliksik at aktibista.
Sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro, binomba at pinagbababaril mula sa himpapawid ng militar noong Enero 1 ang komunidad ng mga Mangyan-Iraya sa Barangay Cabacao na nagresulta pagkamatay ng tatlong kabataang katutubo at isang kabataang mananaliksik at sapilitang pagpapalikas sa nasa 188 pamilya.
Sa fact-finding mission nitong Mayong iba’t ibang organisasyon sa pinangyarihan ng masaker sa Toboso, Negros Occidental, nakumpirma ang mga walang habas na paglabag ng militar sa international humanitarian law. Nagresulta sa pagkasawi ng 19 na katao ang operasyon ng militar, 10 dito ang sibilyan.
“Nais ng mga tao na umalis na ang militar sa kanilang mga komunidad. Walang anumang sertipikasyon mula sa militar ang makapagbubura ng kanilang mga salaysay,” ani Karapatan secretary general Cristina Palabay matapos ang fact-finding mission.
Naghahasik din ng panunupil ang estado sa mga grupong naglilingkod sa pinakamahihirap na mamamayan sa laylayan.
Nariyan ang pagbabansag na terorista sa mga manggagawang pangkaunlaran tulad ng nangyari kamakailan sa isang dating staff ng Kalasan People’s Center for Environmental Concerns, Inc. sa Mindanao. Nariyan din ang patuloy na laban ng mga lider-katutubo sa Kordilyera sa “terrorist-tagging” ng Anti-Terrorism Council.
Samantala, tuloy pa rin ang mga pagpatay sa mga operasyong kontra-droga sa kabila ng sinabi ni Marcos Jr. na “bloodless” ito sa kanyang rehimen.
Sa tala ng Dahas Project ng University of the Philippines Diliman Third World Studies Center nitong Hulyo 7, nasa 269 ang biktima ng ang biktima sa mga operasyong kontra-droga sa 2025 at 1,280 mula nang manungkulan si Marcos Jr.
Ipit sa mababang badyet, suweldo

Itinambol ng administrasyon ang makasaysayang badyet para sa sektor ng edukasyon. Sa kauna-unahang pagkakataon, nakapaglaan ang gobyerno ng P1.35 trilyon o 4.4% ng gross domestic product, pasok sa 4% hanggag 6% na rekomendasyon ng UNESCO na dapat ilaang pondo ng isang bansa para sa edukasyon.
Ngunit, puna na noon pa ng Ibon Foundation, lumobo ang badyet dala ng “infrastructure spending and pork barrel.” Sa panahon na wala pang nananagot sa pangungurakot sa pondo sa imprastruktura, patunay umano ito na ‘di nagtatanda ang Marcos Jr. administrasyon na may mga ‘di pa maresolbang isyu sa korupsiyon.
May nakalaan na P85.39 bilyon para sa Basic Education Facilities at nangako ang administrasyon na makakapagpatayo ng 40,000 dagdag na klasrum bago magwakas ang 2028. Wala pa ito sa kalahati ng kakulangang 145,000 na klasrum sa buong bansa.
Para kay Cyris Christy de Leon, 48, guro sa Quezon City, hindi pantay-pantay at depende sa lugar ng eskuwelahan ang pagpapatupad ng pangako ng pangulo.
Dalawampu’t isang taon nang nagtuturo si de Leon. May mga paaralan aniya na sapat na ang mga silid ngunit walang mga kagamitan at may mga paaralan namang kulang pa ang mga klasrum.
At kahit paulit-ulit ipinangako na pagagaanin ang trabaho ng mga guro at kahit nararamdaman niya na mas nakatuon na siya ngayon sa pagtuturo, kapos pa rin aniya ang pagkilala sa sobra-sobrang oras sa trabaho ng mga guro.
Sa kanyang dalawang dekada, karaniwan na ang mga kuwento ng mga guro na ‘di nakakatanggap ng kahit anong overtime compensation kahit na garantisado dapat ito sa ilalim ng Department of Education Order No. 26, Series of 2025.
Kapag may guro na hindi muna makakapasok, halimbawa dahil sa pagbubuntis, “ang nangyayari, ibang teachers ‘yong hawak ng load, tapos ‘pag pumasok, saka pa lang ulit magagaanan ‘yong teacher na ‘yon,” sabi niya.
Ayon kay de Leon, dapat dagdagan ang sahod ng mga guro, isang isyu na tingin niya hindi masyadong napagtutuunan ng pansin ng adminstrasyon.
“Sa [Executive Order] 107 tumaas ang suweldo ng pulis at militar ng 15% samantala ‘yong mga guro po natin, halos walang ibinibigay [na umento] sa kanila,” sabi ni Jesther Mariano, tagapangulo ng ACT-Education Students UP Diliman.
Bahagi ang mga guro sa mga pampublikong paaralan sa makakatanggap ng pagtaas ng sahod na nasa 4% hanggang 6%, depende sa antas, ayon sa Executive Order 64. Pero hindi ito sasapat para sa nagtataasang presyo ng mga bilihin at serbisyo, ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT).
“Paulit-ulit kaming binibigo at isinasangkalan ng ahensya sa oraoradang mga reporma, samantalang kapos pa rin ang sweldo, napag-iwanan ang benepisyo, at pahirapan at limitado ang promosyon,” sabi ni Ruby Bernardo, tagapangulo ng ACT.
Pasan pa nila ang ipinagmamalaki ng administrasyon na programang Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL.
Anunsiyo ni Marcos Jr. sa SONA noong 2025, “Naging matagumpay ang isinagawang tutoring at remedial program para sa mga mag-aaral nitong nakalipas na taon at nitong summer break.”
Pero ang realidad, “walang katapat na adjustment sa staffing, workload o compensation,” sabi ni Bernardo. Marami anila silang natanggap na report ng mga ARAL tutor noong bakasyon na ‘di pa rin nakakatanggap ng bayad hanggang ngayon.
Ganito ang sasalubong sa mga pre-service teacher tulad ni Mariano, kung hindi magkakaroon ng tunay na pagkiling sa edukasyon ang gobyerno.
“Madalas po namin nagiging talakayan at napag-uusapan, may mababanggit na paano natin gagamitin ang makabagong instructional materials, kung sa deployment e siksikan ang classroom, walang kagamitan,” sabi niya.
Para kay Mariano na nag-aaral para sa kanyang Batsilyer ng Sekundaryang Edukasyon, “ironic” at ipokrito ang administrasyon dahil sa panahon na sunod-sunod ang resulta ng mga test na nagpapakitang kapos ang kakayahan ng mga mag-aaral sa pagbabasa at kritikal na pag-iisip, saka pa ihahain ang pagbabago sa curriculum na magbabawas sa mga asignatura sa humanidades, general education, sining at iba pa.