Walang sustansiya, puro drama
Madrama nga naman, akala mo bida sa teleserye na pinili ang kanyang kapwa kaysa sa kamag-anak na may masamang budhi. Palapakpakan para sa eksena, pero nasaan ang gawa na karugtong ng salita?
Marahil dahil naipit ang pamilyang Marcos at dahil lantad na lantad na ang papel ni Martin Romualdez sa pagnanakaw at korupsiyon, kaya napilitan si Ferdinand Marcos Jr. na sabihing hindi naman siya presidente ng kanyang pamilya kundi ng buong bayan.
Madrama nga naman, akala mo bida sa teleserye na pinili ang kanyang kapwa kaysa sa kamag-anak na may masamang budhi. Palapakpakan para sa eksena, pero nasaan ang gawa na karugtong ng salita?
Isang taon makalipas mula noong pumutok ang kontrobersiya ng korupsiyon sa flood control, nasaan na ang mga hatol, pagbawi sa mga ninakaw, o malawakang reporma at paghihigpit? Higit sa lahat, kailan nga ba tayo makakakita ng mataas na opisyal na ipapakulong?
Sa araw mismong ng State of the Nation Address (SONA), lalong tumingkad ang pagkakaiba ng pagtrato ng rehimen sa krimen. Ang mga bigating magnanakaw sa kaban ng bayan, nakapakinig pa sa talumpati ng pangulo, nakakain ng sinasabing “simpleng” putahe kagaya ng “Longganiza de Pollo” o ng “Muscovado Glazed Pusit” habang rumarampa sa red carpet ng Batasang Pambansa.
Pero sa lansangan, sa gitna ng libo-libong napoprotesta, may ilegal na inarestong 51 na kabataan dahil lang sa pahayag nilang “Meralco Sindikato.” Tinortyur at binugbog sa presinto at pinagkaitan pa ng abogado. Siguro nasaktan si Meralco chairperson at chief executive officer Manny Pangilinan, kilalang negosyante at malapit sa pamilyang Marcos.
Hindi nga naman pangulo ng kanyang pamilya si Marcos Jr. Baka mas tamang sabihin, pangulo siya ng mayayaman at kasosyo niya.
Naratibo ng pagbibida talaga ang dala ng pangulo dahil ilang araw bago ang SONA, inanunsiyo ang P85 na dagdag sa minimum na pasahod sa Metro Manila. Baryang dagdag kung ikukumpara sa itinaas ng inflation at presyo ng mga bilihin. Pero sapat na ang halaga para gamiting papogi ng mga opisyal.
Lutang sa halos lahat ng pinagmamalaki ng administrasyon ang kanilang estilo: magmukhang tumutulong habang ipinagkait ang magtagal nang hinihiling ng tao.
Nang matapos ang SONA at ang seremonya ng pagpapabango, agad namang pinasuspinde ang dagdag-sahod. Nag-alok lang ng kaunting tikim ng munting ginhawa, sabay babawiin din pala!
Pinakamahal na ang kuryente ng Pilipinas sa buong Timog Silangang Asya, mas mataas pa sa Singapore kung saan anim na beses na mas malaki ang basic pay. Mula nang maupo si Marcos Jr., halos dumoble na ang singil sa kuryente.
Dahil sa inflation, sa pagkain at yutilidad pa lang, nauubos na ang kalahati ng kakarampot na kita ng karaniwang pamilyang Pilipino.
Kung tax relief lang sa iilang manggagawa ang panukala ng pangulo para dito sa kanyang SONA, malamang hindi rin mararamdaman ito.
Lutang sa halos lahat ng pinagmamalaki ng administrasyon ang kanilang estilo: magmukhang tumutulong habang ipinagkait ang magtagal nang hinihiling ng tao.
Palaban raw ang pangulo at hindi niya “isusuko” ang West Philippine Sea sa China. Pero ang 1,600 ektarya ng lupang ninuno mga Aeta sa Tarlac, at maging ang mga likas-yaman at enerhiya ng bansa, isusuko naman niya sa United States para itayo ang isang technology hub sa ilalim ng kasunduang Pax Silica.
Sa sarbey ng Pulse Asia, kita ang bumubulusok na tiwala ng mamamayan sa rehimen. Bumagsak sa 28% ang approval rating kung saan 51% sa mga sumagot ng sarbey ang nagsabing hindi mapagkakatiwalaan ang pangulo.
Salamin ito ng nagpapatuloy na ribalan sa politika ng mga kampong Marcos at Duterte, kapwa mga kriminal na mandarambong na nagbabangayan, at sa lumalalang kahirapan sa buong bansa.
Kung inaakala ng pangulo na nabawi niya sa magagandang salita ang lumalalang galit ng tao, baka hindi niya pa nauunawaan na sanay na panonood ng drama ang publiko. Alam nating lahat ang totoo, sa acting lang.