‘Terror-grooming,’ panibagong anyo ng gaslighting ng estado
Nakahihindik pa rin ang kawalan ng hangganan ng estado sa paglikha ng mga pamamaraan upang lumikha ng mga naratibo at, sa pagkakataong ito, ay basagin ang realidad.
Noong nakaraang taon, inilabas ng National Security Council (NSC) ang unang isyu ng Philippine Journal on National Security na naglalaman ng mga artikulong may layuning ipaliwanag ang konsepto ng “terror-grooming.”
Sa introduksiyon pa lang ng aklat, inilatag nito ang maaaring pagpapakahulugan sa konsepto mula sa kanilang mga pag-aaral, “It is the influence, deception, subterfuge, and manipulation of vulnerable individuals to radical ideologies. This happens because of the victims’ psychological disposition, brain design, and unique emotions to embrace radical and extremist views as well as carry out violent acts against the State and its citizens.”
Sa mga unang pangungusap pa lang ng aklat na ito, suson-suson na ang manipulasiyon sa konseptuwalisasiyon ng “terror-grooming”—ang mga iniimpluwensiyahan ay bulnerable, ang impluwensiya ay nakabatay lang sa isang eksternal na salik at may layunin itong manlinlang, at ang sikolohikal at biyolohikal na katangian ng indibidwal ang dahilan kung bakit niya tinatanggap ang mga “radikal” na paniniwala at ang paggawa ng karahasan.
Ang mga susing konseptong nabanggit tulad ng bulnerable, radikal, extremist at karahasan ay nabibigyang kahulugan mula sa punto-de-bista ng NSC at ng gobyerno. Samakatuwid, maaaring tukuyin na nagte-terror grooming ang mga may paniniwalang taliwas o tumutuligsa sa gobyerno.
Bagaman hindi na nakakagulat, nakahihindik pa rin ang kawalan ng hangganan ng estado sa paglikha ng mga pamamaraan upang lumikha ng mga naratibo at, sa pagkakataong ito, ay basagin ang realidad.
Sa panahong tumataas na ang kamulatan ng mga tao hinggil sa halaga ng mental health sa pangkalahatan o holisitikong kalusugan ng mga tao, sinasamantala at binabaluktot ito ngayon ng gobyerno.
Malaon nang napatunayan sa kasaysayan na ang pangongondisiyon gamit ang takot ay isang pamamaraan upang lumikha ng histeriya sa mga tao.
Sinasakyan nito ang neoliberal na psychobabble na nakatuon sa indibidwalistang pakikitungo sa mga usapin hinggil sa mental health. Umaayon ito sa idealistikong pagtingin sa mental health sa halip na iniuugnay ito sa materyal na kondisyon ng mga mamamayan na nagdudulot ng mga suliranin sa ating kalusugan.
Sa pagtatangkang ito ng NSC, tinatanggal sa usapan ang dalawang mahalagang salik kung bakit umiiral ang mga organisasiyong kritikal sa gobyerno: ang agency ng indibidwal na magpasya para sa kanyang sarili na naaayon sa mga tinatanggap niyang prinsipyo at ang sistemikong krisis sa lipunang kinapapalooban ng mga indibidwal na may agency.
Sa halip na pagsikapang solusyunan ang huli, babaguhin na lang ng gobyerno ang persepsiyon natin sa realidad at sasabihing ang ugat ng radikalisasiyon ay bunga lang ng panlilinlang o brainwashing.
Dahil din sa ganitong konseptuwalisasiyon ng gawa-gawang problemang “terror-grooming,” magsisilbi itong hakbang upang gawing lehitimo ang militarisasiyon sa mga paaralan. Tatanawin nilang ang solusyon upang hindi maimpluwensiyahan ang kabataan ay kung palalakasin ang presensiya ng mga pulis at militar na magdadala ng “kaayusan” dito.
Ito rin ang nakikitang solusyon sa sunod-sunod na insidente ng pamamaril sa loob ng mga eskuwelahan. Ang nakagigimbal na pangyayari sa Tacloban City, Zamboanga City at South Cotabato ay ginagamit nang dahilan upang likhain ang pangangailangan maghigpit sa mga paaralan at magtalaga ng mas malaking bilang ng mga security guards at pulis sa mga ito.
Kataka-takang hindi sinasabi ng kinauukulan na isolated cases ang mga insidenteng nabanggit ay sa halip at bigyang diin ang “lumalaganap” na karahasan sa mga eskuwelahan. Ang tila itinatagong rason ay ang kapabayaan ng mga indibidwal kung kanino nakaisyu ang mga baril na ginamit at ang masaklaw na pagsusuri sa mga salik na maaaring nagbigay-daan sa mga trahedyang ito.
Habang lalong nararamdaman ng mamamayan ang papatinding krisis sa lipunan at lumilinaw ang mga dahilan kung bakit, gagawa at gagawa ng pamamaraan ang estado upang palabuin ang ugnayang ito.
Malaon nang napatunayan sa kasaysayan na ang pangongondisiyon gamit ang takot ay isang pamamaraan upang lumikha ng histeriya sa mga tao.
Layon nitong itulak silang tanggapin ang anumang tipo ng tugon sa decoy na problema bilang solusiyon. Dahil dito, hindi ba’t ang estado ang tunay na terror-groomer?