Padron ng pangongondisyon
Inaakala ng mga masusugid na red-tagger ng estado na malilikha pa nila ang takot sa mamamayan upang ibaling natin ang ating atensiyon palayo sa matinding krisis na nararanasan natin.
Maaaring asahan na sa mga susunod na buwan, hangga’t hindi pa pinal na naaaprubahan ang pambansang badyet ng 2027, dadagsa na naman ang walang habas na red-tagging at iba pang tipo ng pangongondisiyon upang gamiting dahilan para sa panukalang P9.4 bilyon alokasyon para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).
Magkatono ang mga pahayag kamakailan nina Lorraine Badoy at Emjay Chico hinggil sa persepsiyon nilang “terror-grooming” sa loob ng akademya.
Lantarang ni-red-tag ni Badoy ang Gabriela Women’s Party at Migrante at idinawit ang nagsulat ng textbook na nag-feature sa dalawang grupo sa mga babasahin dito.
Kasama sa kanyang post ang paggamit sa salitang “violent extremism” bilang paglalarawan sa mga aktibidad ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP).
Ang terminong ito’y ginagamit ngayon bilang bahagi ng “terror-grooming” ayon sa National Security Council.
Dagdag pa, sinabi ni Badoy na napasok na raw ng organisasiyong ito ang mga eskuwelahan, midya, entertainment world, pook paggawa, sektor ng kultura at sining, Philippine National Police at maging ang Armed Forces of the Philippines. CPP-NPA-NDFP na raw ang nagpapatakbo ng bansa!
Sa pahayag naman ni Chico, sinabi niyang ginagamit at minamanipula ng University of the Philippines Rural High School (UPRHS) sa Laguna ang mga estudyante nito para sa politikal na interes. Iginigiit niya ang pangangailangang protektahan ang kabataan mula sa “political exploitation.”
Hindi na makokondisiyon ang mga mamamayang marunong bumasa sa sitwasyon at kritikal sa ugnayan ng mga bagay. Matagal nang nalantad ang mga taong ginagawa nang kabuhayan ang paglalagay ng mga tao sa panganib.
Nilalantad ng dalawang pahayag na ito ang pagpapatuloy ng naratibo na isang porma ng “violent extremism” ang mga aktibidad at prinsipyo ng CPP-NPA-NDFP at sinumang mahihikayat sumapi sa mga organisasyong ito ay resulta ng “terror-grooming” na laganap diumano sa loob ng akademya.
Ngayon, kailangan higit pang patingkarin ito, lalo na at dinudumog na ng kritisismo at pagtuligsa ang pondong ilalaan sa NTF-Elcac, confidential at intelligence funds gayong marami na ring pahayag ang gobyerno na tinalo na nila ang communist party sa bansa at ang NPA.
Ang paggigiit pa sa ugnayan ng mga kaso ng shooting sa mga eskuwelahan bilang epekto ng “terror-grooming” ay isang desperadong pagtatangkang maghanap ng mga dagdag na rason upang pondohan ang mga ito.
Inaakala ng mga masusugid na red-tagger ng estado na malilikha pa nila ang takot sa mamamayan upang ibaling natin ang ating atensiyon palayo sa matinding krisis na nararanasan natin.
Galit, sa halip na takot, ang nararamdaman ng mga taong tinatanggalan ng tinig, ipinagpapalagay na walang sariling pag-iisip at pinagkakaitan ng espasyo para sa makatwirang pagtunggali.
Pinatunayan ng mga reaksiyon online ang paninindigan ng mga taga-UPRHS sa kanilang aktibidad, maging ang mga magulang at guro sa paaralang ito’y ipinagtanggol ang naging pagkilos at ipinagmalaki pa ang kanilang mga anak at mga estudyanteng lumahok rito.
Para kina Chico at Badoy, anumang balita tungkol sa pagtunggali sa gobyerno ay magsisilbing stimulus sa kanila upang muling maglabas ng paninira at man-red-tag. Ginagamit na dahilan ito para patuloy na pondohan ang mga programa at ahensiyang kontra-insurhensiya na sila-sila lang din naman ang nakikinabang.
Hindi na makokondisiyon ang mga mamamayang marunong bumasa sa sitwasyon at kritikal sa ugnayan ng mga bagay. Matagal nang nalantad ang mga taong ginagawa nang kabuhayan ang paglalagay ng mga tao sa panganib.
Hindi kailangang iligtas ang mga kabataang nagiging mapangahas, kritikal at mapagpasyang baguhin ang kanilang kinabuksan.