Inklusyon sa salita at gawa
Kailangang maunawaan na sa kahit anong lipunan, kahit saang may takdang populasyon, natural ang pag-iral ng pagkakaiba-iba ng kakayahan.
Tuwing ika-23 ng Setyembre ng taon ipinagdiriwang ang International Day of Sign Languages upang pataasin ang kamalayan ng mga tao sa buong mundo hinggil sa mga wikang senyas. Ayon sa United Nations, bahagi ng tema ngayong taon ang pagsusulong sa karapatan ng Deaf people sa iba’t ibang bansa, kasama na rito ang pagkakaroon ng access sa mga wikang senyas.
Taong 2018 pa noong isinabatas ang Filipino Sign Language (FSL) na naghihirang dito bilang pambansang wikang senyas. Kabilang sa mga nakasaad dito na dapat magamit ang FSL bilang wikang panturo para sa Deaf education, dapat ituro ito bilang hiwalay sa subject para sa Deaf learners at lumikha ng training materials para sa paggamit ng FSL.
Dapat matiyak na may access ang mga Deaf sa mga ospital at iba pang pasilidad pangkalusugan, kasama na rito ang pagkakaroon ng access sa mga FSL interpreter. Ganito rin sa mga pamahalaang lokal, mga GOCC, mga korte, at mga ahensiya at institusiyong bahagi ng hudikatura. Kinakailangang may mga kwalipikadong FSL interpreter sa mga pagdinig ng kaso at iba pang proseso kaugnay nito.
Naglabas noong nakaraang taon ang Commission on Human Rights ng situation report hinggil sa inabot ng implementasiyon ng FSL sa bansa. Ayon dito, nariyan pa rin ang mga hadlang para sa mga Deaf upang makamit nila ang mga karapatang tinitiyak sa kanila ng FSL Act.
Kabilang sa mga tampok na iniulat ng CHR ang kakulangan ng at pagkalito sa mga materyal pampagkatuto para sa FSL, kakulangan pa rin sa mga guro para sa Deaf learners, maging mga guro na Deaf.
Tila ba nililikha ang mundo na hindi sila kasama at hinahayaan pang uminog ito kahit hindi nila alam ang nangyayari at hindi sila makasabay. Ibang iba ang hugis ng realidad para sa mga iba ang kakayahan.
Sa empleyo, maraming Deaf workers ang nananatiling kontraktuwal at nasa mabababang posisyon lang. Hindi rin angkop para sa Deaf ang pamamaraan ng pagkuha ng civil service examination.
Sa sektor ng kalusugan, ang mga impormasiyon noon hinggil sa Covid-19 ay nasa pormat na audio-visual at walang inset na interpreter o kaya naman ay nakasulat sa Tagalog o Bisaya kaya hindi nila nauunawaan ang ipinababatid ng mga ito.
Ang mga kababaihang Deaf ay hindi nababahaginan ng impormasyon hinggil sa family planning at maternal health. May mga nakapanayam pa silang nagbahaging may mga kababaihang namatay habang nanganganak dahil walang nakuhang interpreter.
Lahat ng ito at marami pang ibang obserbasyon pitong taon matapos maisabatas ang FSL Act. At sa maraming ahensiya ng gobyerno, tila hindi nagmamadali na ipatupad ang mga nakasaad dito at ng nasa implementing rules and regulations nito na apat na taon pa inilabas matapos isabatas ang FSL Act noong 2018.
Noong Oktubre ng nakaraang taon lang nagkaroon ng desisyon ang Korte Suprema na mag-appoint ng mga accredited interpreter sa lahat ng korte sa bansa. Isang welcome development na ito, ika nga, bagaman ilang taon din ang inabot.
Kung iisipin, marami na ang disenfranchised na Deaf sa bansa bago pa man maisabatas ang FSL Act. Sa kasamaang palad walang signipikanteng pagbabago pagkalipas ng walong taon.
Hindi naman masosolusyunan ng batas lang ang ganitong kalagayan dahil walang pagbabagong nangyayari kung polisiya lang ang mayroon tayo. May iba pang maggigiit na dahil lang din sa kakulangan ng badyet kaya hirap na hirap ang gobyerno at iba pang institusiyon na ipatupad ang mga programa para sa tao.
Sa ngayon, alam nating hindi ito dahil lang sa kakulangan ng badyet kundi dahil din sa labis na korupsiyon. Lahat ng mga programang hindi napakikinabangan ng mamamayan ay dahil sa korupsiyon.
Dagdag pa rito, may pundamental na pananaw na kailangang baguhin sa hanay ng mga lider na mapagpasya—hindi sapat na pagsasapraktika ng inklusyon ang pagdadagdag lang sa mga nakikitang kulang.
Dapat nagdidisenyo tayo ng mga programa at estruktura na nasa isip natin ang likas na pagkakaiba-iba ng mga tao. Halimbawa, kapag magdidisenyo ng isang gusali, natural na dapat na kasama rito ang mga rampa para sa mga gumagamit ng wheelchair. Kapag maglalabas ng mga informative na materyal, mailalabas dapat ito na gumagamit ng higit sa isang wika at may iba’t ibang modalidad.
Nananatiling “espesyal” na kaso ang mga Deaf at ang iba pang persons with disabilities dahil hindi sila isinasama sa mga plano sa simula pa lang. May paghihiwalay pa rin sa pagitan ng mga bagay na itinuturing na “normal” sa “hindi normal,” o ang “regular” sa hindi.
Tila ba nililikha ang mundo na hindi sila kasama at hinahayaan pang uminog ito kahit hindi nila alam ang nangyayari at hindi sila makasabay. Ibang iba ang hugis ng realidad para sa mga iba ang kakayahan.
Kailangang maunawaan na sa kahit anong lipunan, kahit saang may takdang populasyon, natural ang pag-iral ng pagkakaiba-iba ng kakayahan. Ang dangal ay kinikilala at hindi iginagawad ng mga taong “may kakayahang” maggawad nito. Ito sana ang mahalagang diwa ng inklusiyon na dapat isaisip at isagawa lalo ng mga nasa pamunuan.