Pagwasak ng MTerra Solar sa sakahan ng Nueva Ecija


Mainam ang mataba at patag na lupain ng Nueva Ecija para sa agrikultura, ngunit sinisira ang lupaing pinagyayaman ng mga magsasaka kapalit ng mga solar farm.

Kaunlaran ba o pinsala ang dala ng dambuhalang Meralco PowerGen Terra Solar Philippines Project (MTerra Solar) sa mga magsasaka ng Gapan City, Nueva Ecija?

Ayon sa mga opisyal ng pamahalaan sa lugar at maging ng mga opisyal ng MTerra Solar, lumikha ng trabaho at kaunlaran para sa mamamayan ng Gapan City ang naturang proyekto. 

Subalit hindi mga tiwangwang na lupa ang tinatayuan ng solar farm ng Meralco PowerGen Corporation (MGen), ang power generation arm ng Manila Electric Company (Meralco). Sakahan ang mga lupaing ito na pinagyayaman ng mga magsasaka sa lugar, mga produktong agrikultural ang inaani dito na umaabot hanggang pamilihan sa Kamaynilaan.

Isang kongresista mula sa umuusbong na political dynasty sa Nueva Ecija ang sinasabing nasa likod ng mga panggigipit sa mga magsasaka.

Mahigit 300 pamilya na nagbubungkal sa humigit-kumulang 1,000 ektaryang lupain ang apektado. Sila ang bumubuo sa Bayanihang Magsasaka ng Sangilo Association Inc. (BMSAI) at Sitio Sangilo United Farmers Association Inc. (SSUFAI).

Tatlong dekada nang nagsasaka sa Sitio Sangilo, Barangay Macabaklay, Gapan City ang mag-asawang Lucila Busalpa, 62, at Felicito Manuel, 62. Sari-sari ang kanilang itinatanim: saging, kape, gulay, kawayan at gmelina.

Umaga ng Ago. 17, 2024, dalawang bulldozer ang sumuro sa limang ektarya nilang sagingan.

“Hindi pa nga kami tapos mag-almusal, nagulat na lang kami nang bigla nilang simulan ang panunuro. Walang paalam o paabot man lang. Wala ring silang ipinakitang kasulatan. Basta na lang nila sinagasaan ang mga puno ng saging,” kuwento ni Lucila.

Sa kabila ng pagmamakaawa ni Lucila, walang pakundangang sinuro o binuldoser ang kanilang sakahan sa pangunguna umano ng dating kapitan ng Barangay Macabaklay na si Flaviano Gregorio.

Kilalang tauhan ni Nueva Ecija 4th District Rep. Emerson Pascual si Gregorio ayon sa mga magsasaka. Ipinost ni Lucila sa social media ang ginawang pagwasak sa kanilang sakahan.

Noong Okt. 29, 2024, nagsampa ang mga magsasaka ng kasong forcible entry laban kay Pascual at sa mga umano’y sangkot sa panunuro. Nagsampa rin sila ng mga kasong malicious mischief at usurpation of real rights in property sa piskalya sa Gapan City.

Samantala, nagsampa si Pascual ng cyberlibel case laban kay Lucila. 

Nabasura ang mga kasong isinampa laban sa kongresista, habang nagpapatuloy ang cyberlibel case laban kay Lucila.

Sa pagdami ng solar farm ng MTerra Solar sa Nueva Ecija, siya namang pagliit ng lupang sakahan. Francis Villabroza/Pinoy Weekly

Noong Dis. 15, 2025 nang maglabas ng desisyon ang Regional Trial Court ng Gapan City. Bagaman ibinalik nito sa Municipal Trial Court ng General Tinio ang kasong forcible entry, kinilala rin ng korte ng Gapan City ang karapatan ng mga magsasaka ng BMSAI sa lupang kanilang sinasaka.

Ayon kay Mary Jean Mabalay, tagapagsalita ng BMSAI, “Klasipikado bilang Alienable and Disposable Land at may aprubadong land survey plan mula sa DENR (Department of Environment and Natural Resources) noon pang 2017 ang mga sakahan namin.”

Gayunpaman, paulit-ulit silang tinanggihan ng City Assessor’s Office ng Gapan upang pormal na maideklara ang lupa at makapagbayad ng amilyar.

Akala ng mga magsasaka ng Sitio Sangilo, matapos nilang kasuhan si Pascual at mailabas ang desisyon ng korte, titigil na ang panunuro. 

Hindi.

Nitong Marso 2026, bumalik ang mga manunuro para tuluyang wasakin ang sakahan ng mag-asawa. Walang itinira sa 400 puno ng kawayan, 200 puno ng kape, mga gulay at mga puno ng gmelina nina Lucila at Felicito.

Pinangungunahan umano ni Rey Tan, contractor at umano’y maaasahang galamay ni pascual, ang mga operasyon. Si Tan din umano ang pumopronterang namimili ng mga lupain.

Madalas, habang nanunuro, naka-escort at nanonood lang ang mga pulis ng Gapan City sa kabila ng paghingi ng tulong ng mga magsasaka.

Isa si Noel Bote, 55, sa mga magsasaka sa Sitio Sangilo na nakaranas ng pagwasak sa kanilang sakahan.

Noong Marso 3, 2026, binuldoser ang kanyang tatlong ektaryang sakahan na may 400 puno ng kape, 800 rambutan, 200 kalamansi, tubo, guyabano at niyog.

Isa’t kalahating ektarya naman ng sagingan, gulayan at niyugan ni Robert “Obet” Quijano Fajardo, 56, ang winasak noong Marso 28, 2026. Si Fajardo ang pinuno ng SSUFAI.

Sa Sitio Sangilo na ipinanganak at nagkapamilya si Mang Obet. Hangad niyang dito rin lumaki at matutong magsaka ang lima niyang anak.

Ang nakababatang kapatid ni Noel na si Jerry Bote, 53, ang isa sa mga magsasakang hindi tuluyang nasuro ang sakahan.

Si Marvin Resilva, 66, sa kanilang sakahan sa Barangay Macabaklay, Gapan City. Francis Villabroza/Pinoy Weekly

Noong Abril 18, 2026, tatlong bulldozer ang ipinadala umano ng mga nang-aagaw ng lupa. Sa apat na ektarya niyang sakahan, isang ektarya lang ang nasira dahil sa matatag na pagharang ng mga magsasaka sa Sitio Sangilo.

Marami pang insidente ng panunuro ang nangyari. Bukod dito, may ilang magsasaka ring umano’y napilitang ibenta ang kanilang lupain.

Nasa 10 ektarya ang sakahan ng ama ni Marvin Resilva, 66, sa Barangay Macabaklay. Dahil sa takot sa nangyari sa ibang magsasaka, napilitan umano ang kanyang ama na pumayag na ibenta ang lupa sa halagang P800,000.

Maliit ang halagang ito kung isasaalang-alang ang lawak at yaman ng lupang tinatamnan. Ngunit nang magbayaran, P200,000 lang umano ang natanggap ng kanyang ama.

Ayon sa ilang magsasaka sa ibang barangay, P2 milyon hanggang P4 milyon kada ektarya ang bilihan ng MTerra Solar sa mga lupa.

Kung sino-sinong opisyal at ahensiya ng gobyerno, lokal man o pambansa, ang nilapitan ng mga magsasaka ng Sitio Sangilo: ang alkalde ng General Tinio, mga korte sa Nueva Ecija, Department of Agriculture, DENR, pulisya ng General Tinio at maging ang Office of the President.

Wala umano sa mga ito ang nakapagbigay makabuluhang tulong.

Bagaman nag-aalangan, sinubukan din nilang lumapit sa Philippine National Police (PNP) sa Gapan City. Sa halip na dinggin ang kanilang hinaing, sila pa umano ang ikinulong at kinasuhan.

Noong Marso 3, 2026, pinigilan at isinumbong ng mga magsasaka ng Sitio Sangilo si Nemencio Quijano sa Gapan Police Station. Si Quijano umano ang nangunguna sa panunuro. Dinala nila si Quijano sa presinto upang ipa-blotter at ireklamo.

Sa halip na maimbestigahan ang reklamo, tatlong araw na ikinulong umano ang walong magsasakang humingi ng tulong at kinasuhan ng mga kasong sinasabi nilang gawa-gawa.

Kabilang si Mang Obet sa mga kinasuhan ng PNP Gapan. Umabot sa P21,000 ang ibinayad na piyansa niya para makalaya.

“Perang ipambibili na lang sana ng pagkain, nauubos pa sa pampiyansa sa gawa-gawang kaso,” aniya.

Sa ngayon, pinataniman na umano ni Tan ng mangga at kalamansi ang mga lupang sinasabi nakuha sa mga magsasaka. Ayon sa kanila, taktika ito upang tuluyan silang mawalan ng karapatang maghabol o makapasok sa mga lupang matagal nilang sinasaka at pinagyaman.

Wala ng 100 metro ang layo ng mga solar farm ng MTerra Solar sa mga sakahan ng mga magsasakang patuloy na naninindigan para sa kanilang karapatang magbungkal.

Kung hindi lalabanan, inaasahan nilang lalawak pa ang proyekto at masasakop ang iba pang lupain sa Nueva Ecija hanggang sa Bulacan.

Screenshot mula sa isang video post ng Nueva Ecija Chronicle sa Facebook kung saan kasama ni Pascual ang kanyang batang anak na sumasayaw ng “Jumbo Hotdog” bilang bahagi ng election sortie para manghingi ng boto sa mga botante ng Ika-4 na Distrito ng Nueva Ecija.

Ilang buwan bago ang pagwasak sa sakahan nina Lucila at Felicito, may mga nakapagsabi sa Pinoy Weekly na binalaan umano ni Gregorio si Lucila na nabili na ni Pascual ang kanilang taniman. Makabubuti raw sa kanila na anihin na ang lahat ng maaari pang pakinabangan.

Tubong Gapan City si Pascual. Ang kanyang ama na si Rodrigo “Boy” Pascual ay negosyante at matagal nang punong barangay ng Barangay Pambuan, Gapan City.

Sinasabing pag-aari ni Pascual ang Emerson Pascual Security Agency at Gapan Cockpit. Noong 2006, naging kontrobersiyal ang naturang sabungan nang mangyari doon ang pamamaril na ikinamatay ng limang indibidwal, kabilang ang dalawa niyang nakatatandang kapatid na sina Erikson at Ebertson.

Ayon sa mga ulat, nag-ugat ang insidente sa tunggalian ng mga political dynasty sa probinsiya.

Bago naging alkalde ng Gapan City, tulad ng kanyang ama, naging punong barangay ng Pambuan si Pascual. Naging alkalde siya ng dalawang termino, noong 2016 at 2019, bago mahalal bilang kinatawan ng Ika-4 na Distrito ng Nueva Ecija. Nasa ikalawang termino na siya ngayon bilang kongresista.

Ikalawang termino na rin bilang alkalde ng Gapan ng kanyang nakababatang kapatid na si Emary Joy Pascual, habang unang termino naman bilang bise-alkalde ng kanyang pamangkin na si Maximus Rodrigo P. Howley. Nanatili ring punong barangay ng Pambuan ang ama ng kongresista.

Sa isang artikulong inilabas ng Rappler noong Enero 2025 hinggil sa reklamo ng mga magsasaka ng BMSAI, itinanggi ni Pascual na mayroon siyang lupa sa nasabing lugar.

Binakurang lupang sakahan para gawing solar farm sa Barangay Pias, General Tinio, Nueva Ecija. Francis Villabroza/Pinoy Weekly

Taliwas umano ito sa naging pahayag niya sa mga magsasaka ng BMSAI.

Ayon sa ilang miyembro ng samahan, noong Pebrero 2024, sa pulong na ipinatawag ni Pascual sa bahay nito sa Barangay San Vicente, sinabi umano ng kongresista na nabili na niya ang kanilang mga lupa. Gayunman, sinabi rin umano niyang wala siyang palalayasin at maaari pa rin silang magtanim sa lugar hanggang sa mga susunod na henerasyon.

Ayon naman sa isang artikulo ng Journal News Online, noong huling termino ni Pascual bilang alkalde, sunod-sunod ang reklamong isinampa laban sa kanya sa Office of the Ombudsman mula 2021 hanggang 2022.

Kabilang dito ang reklamong malversation of public funds and property na isinampa ni Apolinario G. Cabatuando, residente ng Gapan City.

Ayon sa complainant, batay sa ulat ng Commission on Audit sa gastusin ng lungsod noong 2020, umabot sa higit P365 milyon ang mga gastusing umano’y walang kaukulang disbursement vouchers sa pagitan ng Hulyo at Disyembre 2020.

Nagpatayo rin umano si Pascual ng malapalasyong mansiyon sa Barangay Pambuan, gayundin ng iba pang bahay at lupa sa mga baranagay ng San Lorenzo, San Vicente at iba pang lugar.

Noong Hunyo 29, 2026, inilunsad ang Movement Against Destructive Solar Farms (Madsolar) sa Department of Agricultural and Biosystems Engineering Hall ng Central Luzon State University (CLSU).

Pinangunahan ito ng Agham-Central Luzon at CLSU University Supreme Student Council (CLSU-USSC), kasama ang Pangasinan and Central Luzon Ecumenical Assembly, BMSAI at SSUFAI. Dinaluhan ito ng mga organisasyon ng magsasaka, kabataan, estudyante, siyentista, tanggol-kalikasan at taong simbahan.

Sa naturang pagtitipon, ibinahagi nina Mang Marvin at Mang Obet ng SSUFAI at Mary Jean ng BMSAI ang kanilang karanasan sa pakikibaka para sa kanilang lupa.

“Tahimik sa lugar namin noon. Nagulo lang mula nang magsimulang pumasok ’yang solar farm ng MTerra.”

Nagpaabot din ng pakikiisa sa mga magsasaka si Jerome Medina ng Propel (Pro-Peoples Engineers and Leaders), habang tiniyak ni Fr. Ernie Pesimo ng Sto. Niño de Puncan Quasi-Parish na maaasahan ng mga magsasaka ang Simbahan sa pagtatanggol sa kanilang karapatan.

Si Robert “Obet” Quijano Fajardo at ang kanyang gulayan sa Sitio Sangilo. Francis Villabroza/Pinoy Weekly

Sa panayam ng Pinoy Weekly kay Mang Marvin, sinabi niya na mula nang magsimula ang panunuro, marami sa kanilang mga kasamahan ang tumigil sa pagtatanim.

“Halos dalawang taon na rin akong hindi nagtanim dahil nga sa takot. Pero nang malaman ko na marami rin pala kaming kakampi, mga taong handang tumulong sa labang ito, saka lang uli ako nagtanim. Mahalaga talaga kasi sa akin ang pagsasaka. Buhay na namin ito,” aniya.

Sa pagbisita ng Pinoy Weekly sa sakahan ni Mang Marvin, ilang araw na lang at maaari nang anihin ang kanyang mga talong. Nagsisimula na rin mag-ani ng pipino si Mang Obet.

“Palay sana ang itatanim ko, kaso sa sitwasyon ngayon, kailangan ko ‘yong mabilisan [maaani],” wika ni Mang Obet.

Sa gitna ng mga pambu-bulldozer, pagkakaso at pagbabanta ng pagkawala ng lupa, patuloy silang nagtatanim, nagkakaisa at lumalaban.

Para sa kanila, ang bawat tanim sa kanilang sakahan ay hindi lang kabuhayan, ito rin ang kanilang buhay at kinabukasan.