Magsasaka

Lider-magsasaka sa Hacienda Looc ilegal na inaresto


Kinondena ng iba’t ibang grupo ang diumano’y ilegal na pag-aresto sa isang lider-magsasaka ng Hacienda Looc, kasama ang tatlong miyembro ng pamilya niya. Inaresto ng aabot sa 100 na elemento ng magkasanib na puwersa ng Regional Mobile Group Philippine National Police (RMG-PNP) at 733rd Squadron Philippine Air Force (PAF) sina Armando Lemita, tagapagsalita ng Ugnayan […]

Si Alaiza mula sa kanyang facebook Account.
Si Alaiza mula sa kanyang Facebook account.

Kinondena ng iba’t ibang grupo ang diumano’y ilegal na pag-aresto sa isang lider-magsasaka ng Hacienda Looc, kasama ang tatlong miyembro ng pamilya niya.

Inaresto ng aabot sa 100 na elemento ng magkasanib na puwersa ng Regional Mobile Group Philippine National Police (RMG-PNP) at 733rd Squadron Philippine Air Force (PAF) sina Armando Lemita, tagapagsalita ng Ugnayan ng mga Mamamayan Laban sa Pangwawasak sa Kalupaan ng Hacienda Looc (Umalpaska), Rosenda Lemita; asawa ni Armando at lokal na lider ng grupong Gabriela, ang kanilang anak na si Alaiza Lemita; na pangalawang tagapangulo naman ng Anakbayan-Timog Katagalugan, ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Samahang Magbubukid sa Batangas (Sambat).

Kasama ring inaresto ang kapatid ni Armando na si Anatalio Lemita.

Ayon sa KMP, puwersahang pinasok ng RMG-PNP at PAF ang mga bahay nina Armando, Natividad (ina ni Armando) at Randy Flores, na isang kagawad ng barangay, noong Abril 15 ng umaga, dahil daw sa pag-iingat iligal na baril at bala. Walang umanong nakitang baril sa bahay nina Armando at Randy, pero ibinintang naman kay Anatalio ang diumano’y nakitang baril sa bahay ni Natividad.

“Tahasan itong panunupil at halatang may kaugnayan sa pakikibaka ng mga magsasaka ng Hacienda Looc para sa kanilang karapatan sa lupa,” pahayag ni Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP.

Pangunahing tumututol ang pamilyang Lemita sa pang-aagaw ng kompanyang SM Development Corporation(SMDC) ni Henry Sy na planong ipaloob sa land use conversion ang 6,800 ektaryang Hacienda Looc at gawing premium beach resort, kasama na ang ibang karatig na lugar na sakop ng Hamilo Coast.

Sa kabila na ang kategoryang produktibong lupaing agrikultural ang asyenda, hindi ito sinaklaw ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms o Carper

“Mga higanteng real estate developer, na suportado ng gobyernong Aquino na isang haciendero, ang tanging makikinabang sa pag-atake sa mga magsasaka ng Hacienda Looc,” ani Mariano. Dagdag pa niya, paiigtingin ng pandarahas ng gobyerno ang suliraning agraryo sa asyenda.

Sinabi pa ng grupo na ang ilegal na pag-aresto sa pamilyang Lemita ay naganap bago ang planog pagbisita ni Aquino sa Batangas ngayong Abril para sa proyekto na Batangas International Port.

Binabatikos ng KMP at iba pa ng grupo ang pagtatayo ng naturang port, na anila’y magdudulot ng malawakang demolisyon at dislokasyon hindi lamang sa Batangas City maging sa iba pang munisipyo.

“Dagdag ito sa madugong rekord ng rehimeng Aquino na hindi lamang bigo sa pagtaguyod sa karapatan ng mga kabataan at magsasaka,” sabi naman ni Diego Torres, tagapangulo ng Anakbayan-Timog Katagalugan.

Kasalukuyang nakakulong sina Armando, Rosenda at Alaiza sa Camp Vicente Lim na kinasuhan ng obstruction of justice at direct assault, samantalang si Anatalio na kinasuhan ng illegal possession of firearms ay nakakulong sa Nasugbo. Panawagan din ng KMP at Anakbayan ang kagyat na pagpapalaya sa pamilyang Lemita.