Obrero umalma sa taas-singil sa Philhealth simula ngayong araw
Sa unang araw ng pagpapatupad ng 200% na pagtaas ng singil sa PhilHealth, sumugod ang mga manggagawa sa opisina ng Philhealth sa Pasig City para kondenahin ang bagong polisiyang ito gobyernong Aquino. Inanunsiyo ng Philhealth na simula Oktubre 12, tataas na ang kontribusyon ng Individually Paying Member (IPM) ng Philhealth, na sumasaklaw sa 40 tipo […]
Sa unang araw ng pagpapatupad ng 200% na pagtaas ng singil sa PhilHealth, sumugod ang mga manggagawa sa opisina ng Philhealth sa Pasig City para kondenahin ang bagong polisiyang ito gobyernong Aquino.
Inanunsiyo ng Philhealth na simula Oktubre 12, tataas na ang kontribusyon ng Individually Paying Member (IPM) ng Philhealth, na sumasaklaw sa 40 tipo ng propseyunal at mga indibidwal na self-employed, gaya ng mga manininda, drayber, at maliliit na entrepreneurs.
Mula sa dating P300, tataas sa P600 ang kontribusyon ng mga IPM kada kuwatro ng taon. Tataas ito sa P900 sa susunod na taon. Magiging eksempsiyon lamang dito ang mga kumikita ng mas mababa sa P25,000 kada taon, ayon sa Circular 4 Series of 2010 ng Philheath.
Ayon kay Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno (KMU), hindi makatarungan na tatlong beses ang inilaki ng ibinabayad ng mga mamamayan para sa kalusugan, habang tatapyasan naman ni Pangulong Aquino ang badyet sa kalusugan.
Sa panukalang badyet para sa 2011, mula sa P5.17 Bilyon ay gagawing P3.5-B na lamang ang badyet ng Philhealth. Ibababa rin sa P38.6-B, mula sa P40-B noong 2010, ang kabuuang badyet sa kalusugan.
“Ang karapatan sa kalusugan ay karapatan na mabuhay. Kaya ang isang gobyerno na hindi sinusubsidyuhan ang kalusugan ay ayaw na mabuhay ang kanyang mga mamamayan,” ani Soluta.
Pinabulaanan ng KMU ang pahayag ng Philhealth at ng tagapagsalita ni Aquino na hindi maaapektuhan ng pagtaas ng singil sa Philhealth ang mga minimum wage earner at kontraktuwal na manggagawa.
“Halimbawa, ang isang accountant na may tatlong-buwan na kontrata ay nasa kategorya ng mga propesyunal. Pero hindi babayaran ng kanyang employer ang kanyang Philhealth dahil wala siyang mga benepisyo. Kaya mag-a-aplay siya bilang IPM sa Philhealth. Kahit pa minimum wage ang kanyang kinikita, ang suweldo niya sa tatlong buwan ay kwalipikado sa bagong singil,” paliwanag ni Soluta.