Magbubukid ng Hacienda Luisita, mangunguna sa malaking pagkilos
Pangungunahan ng mga manggagawang-bukid ng Hacienda Luisita ang tatlong araw na martsa na magsisimula sa Oktubre 18 at lulundo sa isang malaking kilos-protesta sa Mendiola sa Oktubre 21. Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), lalahok ang tinatayang 50,000 magsasaka at kanilang mga tagasuporta sa buong bansa sa martsang pinamagatang Lakbayan ng Magsasaka at Anakpawis […]

Pangungunahan ng mga manggagawang-bukid ng Hacienda Luisita ang tatlong araw na martsa na magsisimula sa Oktubre 18 at lulundo sa isang malaking kilos-protesta sa Mendiola sa Oktubre 21. Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), lalahok ang tinatayang 50,000 magsasaka at kanilang mga tagasuporta sa buong bansa sa martsang pinamagatang Lakbayan ng Magsasaka at Anakpawis para sa Lupa at Katarungan.
Sa press conference ng KMP, inihayag ng grupo na nakatuon ang Lakbayan laban sa tinagurian nilang “numero unong kaaway” (enemy number one) ng mga magsasaka na si Pang. Benigno Aquino III, isa sa mga may-ari ng Hacienda Luisita.
Magsisimula ang Lakbayan sa Hacienda Luisita sa Tarlac City para sa mga magsasaka sa Gitnang Luzon, at Calamba City, Laguna naman para sa mga magmumula sa Timog Katagalugan.
Ayon kay Axel Pinpin, pangkalahatang kalihim ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan, ibabandera ng mga magsasaka sa kanilang martsa ang isang effigy ni Aquino bilang pangulo ng “republika ng mga asyendero.” “Ang effigy ni Aquino ay political statement ng kapwa pagiging panginoong maylupa at numero unong tuta ng Washington ni Noynoy,” aniya.
Inihayag naman ni Joseph Canlas, tagapangulo ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon, na magmamartsa ang mga manggagawang-bukid ng Hacienda Luisita, mula sa Monumento, Caloocan patungong Korte Suprema upang ipanawagan ang pagbasura sa Stock Distribution Option.
Ipapanawagan din nila ang tuluyang pagbasura sa Temporary Restraining Order na isinampa ng Hacienda Luisita Inc., at ang “kagyat, walang kondisyon, at libreng pamamahagi” sa mahigit sampung libong magbubukid ang 6,453 ektaryang lupaina.
Kasabay nito, magdaraos din umano ang iba’t ibang pangrehiyong tsapter ng KMP ng mga kasabay na kilos-protesta sa Oktubre 21. Ayon kay Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng KMP, “Tatlong libong manggagawang-bukid at magsasaka ang lalahok sa Lakbayan sa Negros. Pangungunahan ito ng KMP-Negros at National Federation of Sugar Workers. Gayundin sa Bikol, 10,000 magsasaka sa pangunguna ng KMP-Bikol ang makikibahagi sa koordinadong protesta.”
Bukod sa rehiyon ng Negros at Bikol, sinabi din ng KMP na may kaparehong mga pagkilos na gaganapin sa Cagayan Valley, Leyte, Cebu, Iloilo, Davao, Cagayan de Oro, Butuan, at Surigao.