Masaker sa Ampatuan, isang taon makaraan: Wala pa ring kaligtasan
Isang taon ang lumipas mula nang maganap ang masaker ng 58 katao sa Ampatuan, Maguindanao. Takot at hinagpis pa rin ang nararamdaman ng mga nakaligtas at kaanak ng biktima. At ang kultura ng impunidad sa bansa, walang kasingtindi.

Maaaring nakaligtas si Aquiles Zonio, correspondent ng Philippine Daily Inquirer, sa masaker na kumitil sa buhay ng marami sa kanyang mga kasamahan sa midya. Ngunit isang taon makaraan ang masaker sa Ampatuan, Maguindanao, malayo pa rin siya sa ligtas.
Katunayan, nagsusuot siya ng peluka at bulletproof vest tuwing naglalakbay sa General Santos City. Nitong Oktubre 27, nakatanggap siya ng impormasyon na gusto siyang patahimikin ng hindi pa nakikilalang mga tao. Sa halagang P200,000, ipinagpiyansa na umano ang isang kriminal na inupahang pumatay sa kanya. Mula noon, napansin niyang dumaraan sa kanyang bahay ang mga lalaking naka-motor, na kinuhanan pa siya ng litrato sa isang pagkakataon.

Hinala ni Zonio, nagmumula ang banta sa mga nagpapatakbo ng ilegal na pagmimina sa probinsiya, o ’di kaya sa pamilyang Ampatuan na naging target ng kritikal niyang mga ulat.
Hindi tumugon ang Philippine National Police (PNP) sa hiniling na proteksiyon ni Zonio. Pakiramdam niya, nag-iisa siya at hindi maprotektahan ng gobyerno. “Eventually I am on my own, surviving on my own contacts…More and more I feel that the government is helpless in protecting its own citizens,” aniya sa isang porum sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman noong Nobyembre 18.
Patunay ang karanasan ni Zonio na isang taon makaraan ang masaker sa Ampatuan, wala pa ring kaligtasan ang mga mamamahayag, at maging ang ordinaryong mga sibilyan, mula sa karahasan ng maiimpluwensiyang warlord sa kanayunan.
Sabwatang binalewala
Sa parehong porum, sinabi ni Maria Ressa, dating hepe ng ABS-CBN News and Current Affairs, na ang masaker ng 58 katao noong Nob. 23, 2009 ay isang matingkad na ehemplo ng “blowback” o kung papaano sumasabog sa mukha ng gobyerno ang isang problemang ito mismo ang may likha. Paala niya, “military-sponsored warlordism” ang umiiral sa mga probinsiya gaya ng Maguindanao.
Unang inalyado ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ilalim ng gobyernong Marcos ang pamilyang Ampatuan para tumulong sa pagsugpo ng rebeldeng Moro National Liberation Front (MNLF). Noong huling bahagi ng dekada ’80, sinuportahan ng AFP ang pagtakbo sa pagkagobernador ni Ampatuan Sr. laban sa isang kandidatong alyado naman ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), na kumalas sa MNLF.

Mula noon, ginamit na ng mga puwersa ng gobyerno ang pamilyang Ampatuan sa giyera laban sa mga rebeldeng Moro. Hinayaan at inayudahan ang paglago ng private army nito, lalo ng dating administrasyong Arroyo, na inilabas ang Executive Order 546 para itakda ang pagbubuo ng mga Civilian Volunteer Organization (CVO) – mga private army sa esensiya – para katuwangin ang AFP at Philippine National Police (PNP) sa kontra-insurhensiya.
Ano na nga ba ang ginagawa ng bagong administrasyong Aquino para mabuwag ang mga private army na ito, nang masigurong hindi na mauulit ang karumal-dumal na masaker, at masusugpo ang panganib sa buhay ng mga katulad ni Zonio? Nang tanungin ng Pinoy Weekly si Sek. Sonny Coloma, hepe ng Presidential Communications Office na dumalo rin sa porum, inihayang niyang ang tugon dito ng administrasyong Aquino ay ang pagpapalakas sa PNP.
“We have employed resources to build them up (PNP)…It has been directed to pursue a more resolute campaign to monitor where these armies are operating and if they are committing acts detrimental to public welfare,” ani Coloma. Wala siyang binanggit hinggil sa pagbawi ng EO 546.
Sa ganitong pahayag, tila naisasantabi ang matagal nang problema ng pakikipagsabwatan ng mismong mga puwersa ng gobyerno sa mga warlord. Sa tinukoy na 196 na suspek sa masaker, 16 ang opisyal ng PNP na ngayo’y humaharap sa paglilitis. Sa kabuuang bilang ng mga suspek, 130 pa ang nananatiling at large o hindi pa nahuhuli, kabilang ang mga pulis at miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (Cafgu).
Kamakailan, inirekomenda ni Sek. Leila de Lima ng Department of Justice na buhayin muli ang Zenarosa Commission, na itinayo ng administrasyong Arroyo para sa pagbuwag ng mga private army, na ayon sa ulat nito noong Mayo 2010 ay nakapagkumpiska ng 127 armas at nakapag-aresto ng 130 katao. Tila kapos ang resultang ito, lalo at walang panibagong direktiba mula kay Aquino hinggil sa pagbuwag ng mga private army, na ayon mismo sa grupong Human Rights Watch (HRW) ay “may basbas mula sa itaas.”