Kahit pisikal na manghina, tuloy ang hunger strike ng Morong 43
Sa kabila ng mga pahayag ni Pang. Benigno Aquino III na wala siyang magagawa sa kaso ng Morong 43 at na ang korte ang dapat na magpasya kung sila ay papalayain, matibay pa rin ang paninindigan ng mga detinidong pulitikal na ituloy ang kanilang hunger strike na sinimulan noong Disyembre 3. Ayon kay Dr. Geneveve […]
Sa kabila ng mga pahayag ni Pang. Benigno Aquino III na wala siyang magagawa sa kaso ng Morong 43 at na ang korte ang dapat na magpasya kung sila ay papalayain, matibay pa rin ang paninindigan ng mga detinidong pulitikal na ituloy ang kanilang hunger strike na sinimulan noong Disyembre 3.
Ayon kay Dr. Geneveve Rivera, kasapi ng medical team na sumusubaybay sa mga detinidong Morong 43, diumano tanging pag-inom ng mga liquid ang nagpapalakas sa katawan ng mga detinido na hindi na kumain ng anumang solidong pagkain.
“Sa ika-anim na araw nang pagha-hunger strike ng Morong 43, nakitaan na sila ng panghihina ng katawan, pananakit ng ulo, panghihilo at pagsakit ng sikmura,” ani Rivera.
Umano’y inaasahan na ng mga detinido ang kasalukuyan nararamdaman nila at inirereserba ang kanilang lakas sa pamamagitan ng paghiga.
Ngunit isang detinido na ang dinala sa Pateros District Hospital kahapon ng umaga, ang ika-anim na araw ng hunger strike. Lubhang nanghina si Franco Remoroso na isang diabetic.
Sa kabila ng kasalukuyan nilang kalagayang pangkalusugan, determinado umano ang Morong 43 na ituloy ang hunger strike hangga’t hindi sila nakakalaya. “Buong-buo ang loob nila ng sinimulan nila ang hunger strike, at ngayon lalong sumisidhi ang kagustuhan nilang lumaya kahit nakikita nilang ilan sa mga kasamahan nila ang pisikal na nanghihina,” ani Rivera.
Nanawagan si Dr. Rivera kay Pangulong Aquino na kagyat na palayain ang Morong 43 at huwag nang hintaying umabot sa peligrosong kalagayan ang mga detinido.
Iginigiit ng mga abogado ng mga detinido na may kapangyarihan ang ehekutibo na i-withdraw ang kaso na nakabatay sa isang depektibong warrant of arrest.