42 taon ng rebolusyon, ipinagdiwang sa Mindanao
Libu-libong mga mamamayan ang dumalo sa selebrasyon para sa ika-42 anibersaryo ng pagrerebolusyon ng Communist Party of the Philippines sa Surigao del Sur, Mindanao. Siyempre, minaliit ito ng AFP. Pero para sa mga dumalo at mga rebolusyonaryo, patunay ang selebrasyon ng ibayong paglakas diumano ng rebolusyon.
Libu-libong mamamayan ang tumahak sa maputik at makipot na daan patungo sa isang baryo sa paanan ng bundok Diwata, sa bayan ng San Agustin, Surigao del Sur. Iisa ang layunin: ang dumalo sa pagtitipon ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa ika-42 anibersaryo nito.
Sa kabila ng mga checkpoint na itinayo ng militar sa magkabilang dulo ng lugar ng pagtitipon, at sa mismong bungad ng baryo na dalawang kilometro lamang ang layo mula sa haywey, nakapasok ang mga tao. Hindi sila nagpatinag sa panghaharas ng mga militar, hindi rin nila ikinaila na dadalo sila sa nasabing pagtitipon.

Minaliit naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng gobyerno ang selebrasyon. Ayon kay Maj. Eugenio Julio Osias IV, commanding officer ng 4th Civil Military Operations Battalion ng Philippine Army, hindi naabot ng NPA ang target nito na 10,000 na bilang ng pagdalo, at dahil dito’y di “tagumpay” ang selebrasyon.
Pero nasaksihan ng Pinoy Weekly ang maraming tsekpoint ng mga yunit ng Army sa mga daanan papunta ng lugar ng pagdiriwang.
Sa inisyal na pagtataya ni George “Ka Oris” Madlos, tagapagsalita ng National Democratic Front (NDF) sa Mindanao, lampas 10,000 ang dumalo sa kanilang anibersaryo. “Sa ulat ng mga kasama, 120 sasakyan ang nakapasok,” ani Madlos. Diumano, ang karga ng bawat isang sasakyan ay 50 katao (siksikan at ang iba ay nasa topload pa). Maliban pa sa mga habal-habal at single motor na nakakapag-lulan lamang ng ilang katao. Sa rehistrasyon ng mga dumalo, ang bilang umano ay 8, 435. “Hindi pa kasama sa bilang ang mga hindi na nagpalista sa amin,” sabi ng isang miyembro ng NPA na naging abala sa rehistrasyon.
Maliban sa ilang personahe mula sa sektor ng akademiya, abogasiya, simbahan at lokal na pulitiko, kalakhan sa mga dumalo ay mula sa hanay ng mga magsasaka, kabataan, lumad at mga moro, sila diumano ang tunay na lakas ng rebolusyon.
Sa pananaw ni Madlos, ang ipinakita umanong gilas at katapangan ng mga mamamayan sa harap ng mga militar ang tunay na sukatan ng pag-arangkada ng kanilang rebolusyon sa buong Mindanao.
Sa naturang selebrasyon, niulat ni Madlos ang mga tagumpay diumano na nakamit ng rebolusyonaryong kilusan noong nakaraang taon. Inilatag din niya ang mga hamon para sa ibayong pagpapaigting ng armadong pakikibaka at pagrerebolusyon sa susunod na mga taon.
Sa kabila ng pagmamaliit ng AFP sa lakas ng rebolusyonaryong kilusan sa buong kapuluan, diumano’y mahina na ang rebeldeng grupo at malaki ang nabawas sa armadong puwersa ng mga ito.
Pero ayon kay Madlos, nagsimula umanong umarangkada ang rebolusyonaryong kilusan sa Mindanao simula noong taong 2001, sa kabila ng pamamayagpag ng kontra-insurhensiyang programa ng gobyernong Arroyo, ang Oplan Bantay Laya 1 at 2, kasama na ang ektensiyon nito noong nakaraang taon.
“Magkasabay ang perk-up ng rebolusyonaryong kilusan sa buong Mindanao at simula ng Oplan Bantay Laya noong 2001, after six years tuluy-tuloy ang OBL. Sumigla naman ang kilusan at patuloy ang paglaki,” aniya.
Dagdag pa ni Madlos, diumano’y hindi nabawasan ang lakas ng kanilang kilusan sa loob ng huling tatlong taon, bagkus lalo pa itong lumakas. “Napatunayan ito sa mga matatagumpay na taktikal na opensiba. Ngayong taon nga, 250 taktikal na opensiba ng NPA ang nailunsad sa buong Mindanao, at nakasamsam ng 200 high powered rifles,” ani Madlos.
Lumaki rin umano ang bilang ng mga organisadong masa, kasapian ng NPA at mga kasapi ng Partido Komunista na umaabot sa “libo-libong bilang.”