Matapos magpakamatay si Reyes, mga opisyal ng AFP dapat makonensiya na – Karapatan
Ikinagulat ng grupong pangkarapatang pantao na Karapatan ang nabalitang pagpapakamatay ni dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Angelo Reyes at ikinalungkot na “nabahiran na ng dugo ang nailantad na korupsiyon sa loob ng AFP.”

Ikinagulat ng grupong pangkarapatang pantao na Karapatan ang nabalitang pagpapakamatay ni dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Angelo Reyes at ikinalungkot na “nabahiran na ng dugo ang nailantad na korupsiyon sa loob ng AFP.”
“Dapat maapektuhan ang konsensiya ng AFP, partikular ng mga opisyal nito, sa pagkamatay (ni Reyes),” sabi ni Jigs Clamor, tagapagsalita ng Karapatan.
Binigyang-diin ni Clamor na may malalim na pagkakasangkot si Reyes sa maraming polisiya at hakbang ng nakaraang administrasyon na nagdulot sa malawakang paglabag sa karapatang pantao.
“Kinatawan ni Reyes ang politisadong militar. Siya ang hepe ng AFP nang ipatupad nito ang madugong programang kontra-insurhensiya na Oplan Bantay Laya na sinuportahan ng (gobyernong) US,” paliwanag niya.
Isa umano sa mga susing personalidad si Reyes sa pag-aalsa ng mga militar noong 2001 EDSA Dos, nang iatras nito ang suporta sa noo’y Pang. Joseph Estrada. Matapos magretiro sa militar, nabiyayaan si Reyes ng pag-upo ni Gloria Arroyo sa poder, nang matalaga siya sa iba’t ibang departamento sa loob ng administrasyong Arroyo.
Tinangka rin ni Reyes na tumakbo sa halalang party-list bilang kinatawan ng 1-Utak ngunit iniatras din ang kanyang nominasyon ng naturang partido.
Sa kabila ng pagkamatay ni Reyes, na nasangkot sa maanomalyang paggamit ng pondo ng AFP, hinikayat ng Karapatan na ipagpatuloy ang imbestigasyon hinggil sa malawakang korupsiyon sa loob ng militar.
“Sa kabila ng seryosong mga akusasyon laban sa kanya, kinitil (ni Reyes) ang sariling buhay sa halip na mabuhay sa kahihiyan. Iiwan na natin sa AFP para pag-isipan kung marangal ba ito o hindi,” sabi pa ni Clamor.
Sinabi naman ni Kabataan Rep. Raymond Palatino na hindi dapat tumigil ang imbestigasyon sa Kamara at Senado hinggil sa korupsiyon sa AFP sa kabila ng pagkamatay ni Reyes.
“Mas malaking trahedya kung hindi mareresolba ang mga kaso ng korupsiyon at hindi maihaharap sa hustisya ang mga responsable. Hinihikayat ko ang mga kapwa ko opisyal ng gobyerno na maging mas determinadong wakasan ang korupsiyon. Nakasalalay dito ang kagalingan at interes ng mga mamamayan,” ani Palatino.