Maka-maralitang mga batas, hinamon na isama sa priority bills ni P-Noy
Pagkatapos iulat ng gobyerno na lumaki ng 970,000 ang bilang mga mahihirap sa bansa, higit na kinakailangan ngayon ang mga polisiyang makatutugon sa batayang pangangailangan ng mga mamamayan, giit ng Anakpawis Partylist. Inilabas kamakailan ng National Statistics Office na halos isang milyon ang nadagdag sa “mahihirap” na Pilipino. Umaabot ito sa 23.1 milyon ang bilang […]

Pagkatapos iulat ng gobyerno na lumaki ng 970,000 ang bilang mga mahihirap sa bansa, higit na kinakailangan ngayon ang mga polisiyang makatutugon sa batayang pangangailangan ng mga mamamayan, giit ng Anakpawis Partylist.
Inilabas kamakailan ng National Statistics Office na halos isang milyon ang nadagdag sa “mahihirap” na Pilipino. Umaabot ito sa 23.1 milyon ang bilang ng mahihirap na Pilipino noong 2009, mas mataas sa 22.2 milyon noong 2006.
“Sa sunud-sunod na pagtaas ng mga presyo ngayong taon, tiyak na mas maraming anakpawis pa ang nalulubog sa kumunoy ng kahirapan araw-araw,” ani Joel Maglunsod, executive vice-president ng Anakpawis Partylist.
Kaya aniya, “Higit na napapanahon ngayon na isulong ang mga batas at polisiyang makapag-aangat sa buhay ng mamamayan – gaya ng makabuluhang dagdag sahod, reporma sa lupa, pagpigil sa deregulasyon ng presyo ng langis at mahahalagang industriya.”
Binanggit ito ni Maglunsod kaugnay ng anunsiyo ng Malakanyang na mayroon na itong 17 priority bills na ilalako nito sa mga mambabatas ng Kongreso. Hindi pa ibinubunyag ng Malakanyang kung anu-ano ang panukalang batas na mga ito.
Babantayan ng Anakpawis kung makakasama sa mga prayoridad na batas ni Pangulong Aquino ang House Bill 374 o ang Genuine Agrarian Reform Bill, at ang House Bill 375 o ang P125 dagdag-sahod.
Isasalang ang dalawang naturang panukalang batas sa pagdinig sa Kongreso sa darating na Pebrero 16. Sasabayan ito ng mga grupo ng manggagawa at magsasaka ng pagkilos.
Bagong metodolohiya ng NSCB, kinuwestiyon
Samantala, kinukuwestiyon ng grupong panaliksik na Ibon ang bagong metodolohiya ng National Statistical Coordination Board (NSCB), na lalo pang pinabababa ang bilang ng mahihirap na Pilipino nang 5.3 milyon.
Ipinako ng NSCB ang opisyal na poverty threshold o hangganan ng kahirapan sa P46 kada araw lamang. Ito ang halagang tantsa nilang kailangan ng isang Pilipino upang matugunan ang lahat ng batayang pangangailangan.
Kung ginamit ang orihinal na metodolohiya, nasa 28.5 milyon na ang bilang ng mahihirap.
“Kailangan ding bigyang-diin na ang tantsa ng lumang metodolohiya ay mababang tantsa pa rin dahil ipinagpapalagay nitong kailangan lamang ng P52 kada araw para di mabilang na mahirap,” ayon sa Ibon.
Inihalintulad ng Ibon ang ginawang ito ng administrasyong Aquino sa pagbago ng administrasyong Arroyo sa depinisyon ng tantos ng disempleyo noong Abril 2005, kung saan pinababa ang bilang ng mga walang trabaho nang may 1.5 milyon.
“Dapat makitil ng gobyerno ang kahirapan sa pamamagitan ng pagpapataas ng kita ng mga Pilipino sa halip na pababain ang hangganan ng kahirapan,” dagdag pa ng Ibon.