Nawawalang magsasaka sa Albay pinaslang diumano ng militar, 2 katutubo sa Mindanao pinaslang din


Pinaslang umano ng mga elemento ng militar sa Bikol si Rodel Estrellado, 34 anyos na miyembro ng Bayan Muna, sa Buluang, Bato, Camarines Sur.

Mapa ng Davao del Sur
Mapa ng Davao del Sur

Pinaslang umano ng mga elemento ng  militar sa Bikol si Rodel Estrellado, 34 anyos na miyembro ng Bayan Muna, sa Buluang, Bato, Camarines Sur.

Naunang nabalitang dinukot si Estrellado sa Malilipot, Albay ng apat na kalalakihan noong Pebrero 25. (Basahin ang kaugnay na artikulo)

Ayon kay Vince Casilihan, tagapagsalita ng Karapatan-Bikol, dinukot diumano at pinaslang ng militar si Estrellado. Taliwas ito sa pahayag ni Major Razeleigh Cabunoc na napatay si  Estrellado sa isang engkuwentro sa pagitan ng mga rebeldeng New People’s Army at ng mga militar sa lugar.

Samantala, isang lider-katutubo ng mga  B’laan  at kanyang anak ang pinaslang sa Sta. Cruz, Davao. Del Sur.  Ang biktimang sina Rudy Yalon Dejos, 50 taong gulang, lider-katutubo at pangalawang tagapangulo ng Zone-1 Farmers Association (ZOFA), isang lokal na tsapter ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at Rody Rick, ay natagpuang patay sa loob ng kanilang bahay, at may tama ng bala at saksak.

Diumano, matagal nang biktima  ng pananakot at harassment ang pamilyang  Dejos ng mga elemento ng 39th Infantry Batallion at mga paramilitar na Citizens’ Armed Forces Geographical Unit (Cafgu).

Kinondena din ng grupong pangkarapatang pantao na Karapatan ang tatlong magkakasunod na pamamaslang.  “Kasuklam-suklam ang mga krimeng ito at dapat lamang na kondenahin ng buong sambayanan at ng internasyunal na komunidad,” ani Jigs Clamor, tagapagsalita ng Karapatan.

Ayon pa sa Karapatan, ang panibagong kaso ng pamamaslang ay bahagi umano ng kontra-insurhensiyang programang Oplan Bayanihan ng gobyernong Aquino.  Diumano, wala itong pagkakaiba sa Oplan Bantay Laya ng AFP sa ilalim ng administrasyong Arroyo, na mayroon diumanong “piling target.”

“Habang nagsasalita ang gobyernong Aquino ng kapayapaan, ang kanyang puwersa naman ay muling naghahasik ng kamatayan,” ani Clamor.  Hinamon din ni Clamor si Pangulong Aquino na kung nais nito ng kapayapaan, dapat umanong kagyat na ipatigil ang pamamaslang.