Kababaihang migrante itinutulak ng gobyerno na mangibang bansa sa kabila ng mga panganib


Sa pagsiwalat sa kalagayan ng mga Pinoy sa Libya at kawalan ng aksiyon ng gobyerno sa aktuwal na repatriation nila, nasisiwalat din ng Gabriela at Migrante ang polisiya ng gobyernong Aquino na nagtutulak sa mga migranteng mangibang bansa sa kabila ng mga panganib.

Nagpiket ang kababaihan ng Gabriela sa harap ng pambansang tanggapan ng Department of Foreign Affairs para igiit ang agarang ebakwasyon ng libu-libo pang manggagawang Pinoy sa bansang Libya, na dumaraan sa matinding krisis pampulitika ngayon. Ayon sa Gabriela, inutil ang DFA sa aktuwal na pagtulong sa Overseas Filipino Workers (OFW) sa Libya, habang todo umano ang "papogi" sa nakauwi nang mga OFW mula sa naturang bansa. Sinabi ng Migrante International na aabot sa 6% pa lamang ng mga Pinoy sa Libya ang nakalilikas doon, karamiha'y tinulungan pa ng mga employer nila. (KR Guda)
Nagpiket ang kababaihan ng Gabriela sa harap ng pambansang tanggapan ng Department of Foreign Affairs para igiit ang agarang ebakwasyon ng libu-libo pang manggagawang Pinoy sa bansang Libya, na dumaraan sa matinding krisis pampulitika ngayon. (KR Guda)

Ipagdiriwang ngayong Marso 8 ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis.  Okasyon ito para bigyang pansin ang kalagayan ng mga maralita at manggagawang kababaihan: ang kanilang mga tagumpay at ang kinakaharap pa ring mga problema’t pagsasamantala sa kanila. Kung kaya marapat na binigyang pansin ng mga militanteng kababaihan ang kalagayan ng mga migranteng Pilipina, ang ilan sa kanila’y nahaharap sa seryosong panganib dahil sa pagsiklab ng mga sigalot sa Gitnang Silangan.

Sa piket na ito ng Gabriela at Migrante International sa Department of Foreign Affairs at Malakanyang, sinikap bigyang pokus ng mga grupo ang pananagutan ng kasalukuyang gobyerno sa pagkakasalang ng mga migranteng Pilipino at Pilipina sa seryosong panganib sa ibang bansa. Sinikap iugat ng mga grupo ang problema sa di-deklarado ngunit matagal-nang-ipinapatupad na polisiya ng pag-eksport ng lakas paggawa ng gobyernong Pilipino bilang pag-ampat sa walang habas na krisis pang-ekonomiya sa bansa.

Kawalan ng makabubuhay na sahod at matatag na batayang mga industriya sa bansa ang itinuturong ugat ng pagtulak sa mga Pilipino na mangibang bansa. At sa patuloy na pagtaas ng presyo ng batayang mga bilihin, pasahe, at iba pang gastusin ng kababaihan at mamamayang Pilipino, hindi masisisi ang mga Pilipino na naghahangad isugal ang buhay sa ibang bansa — sa kabila ng mga panganib.