Istorya ng Linggo

Mga batang biktima ng kalupitan ng militar


Sina Joseph, Tina at Mica, Erwin at Lara, at iba pang bata ang mga biktima ng abuso ng mga ahente ng militar sa pagkondukta nito ng giyera kontra-insurhensiya. Hiling ng child rights advocates tulad ng Children’s Rehabilitation Center na pakinggan naman ng bibisitang kinatawan ng UN ang boses nila.

Mga batang bakwit (evacuees) sa isang evacuation center sa Surigao del Sur. (KR Guda / PW File Photo)
Mga batang bakwit (evacuees) sa isang evacuation center sa Surigao del Sur. (KR Guda / PW File Photo)

Hindi sila batang palaboy na namamalimos at nanghihingi ng pagkain. Hindi sila batang manggagawa na banat na ang katawan sa murang edad. Sila’y mga batang naghahangad ng katarungan, mga anak ng mga magsasakang tahimik na namumuhay ngunit pilit na ginugulo ng mga puwersa ng estado na magtanggol dapat sa kanila.

Galing umano sa taniman ng abaka ang isang grupo ng magsasaka sa Mahaba, Surigao del Sur noong Agosto 26, 2010. Kasama rito si Joseph at ang kanyang ama. Patungo sana sila sa kanilang kubo upang mananghalian nang diumano’y makarinig sila ng mga putok.

Umiwas sila sa direksiyon ng pinanggalingan ng putok, at nakasalubong nila ang aabot sa 30 kataong kasapi ng 36th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Diumano tinutukan sila ng baril ng mga sundalo, itinali, pinakain ng panis na pagkain, hinayaang maulanan at habang iniinteroga, inaapakan ang tiyan, likod at nilagyan ng plastik sa ulo hanggang sa hindi makahinga. Pinipilit sila ng mga sundalo na isiwalat kung saan nila itinatago ang kanilang mga armas. Inihiwalay din si Joseph at pinakitaan ng P1,000 at dagdagan pa umano ito ng P20,000, sabihin lang kung nasaan ang mga baril nila. Dahil sa hindi alam ni Joseph ang binibintang ng mga sundalo, tinakot umano siyang ililibing ng buhay o kaya’y ihuhulog mula sa helikopter.

Matapos ito, lumikas ang mga taga-Brgy. Mahaba at tumigil sa gym ng munisipyo ng Marihatag bilang evacuation center. Matapos ang mahigit isang buwan dito, bumalik si Joseph sa pag-aaral. Sa eskuwela, isinumbong ng isang kaklase ni Jospeh ang hinahanap daw siya dito ng mga militar. Dahil sa takot at kaligtasan na rin ni Joseph, muling lumikas ang pamilya at hanggang sa pagkakasulat ng artikulo’y nasa kanlungan ng isang organisasyong nagtataguyod ng karapatang pantao.

Pagdalaw ng kinatawan ng UN

Isa si Joseph sa batang ihaharap umano ng child rights advocates kay Radhika Coomaraswamy, ang United Nation Special Representative to the Secretary General (UNSRSG) on the Working Group of Children in Armed Conflict, na dumating sa bansa kamakailan upang muling imonitor ang paglabag sa karapatan ng mga bata ang Pilipinas sang-ayon sa tinaguriang “Paris Principles.”

Nagsumite ang Children’s Rehabilitation Center (CRC), organisasyong pambata na nangangalaga sa mga batang biktima ng paglabag ng karapatang pantao, kay Coomaraswamy ng ulat hinggil sa paglabag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa karapatan ng mga bata, laluna sa mga batang biktima ng karahasan dulot ng implementasyon ng mga kontra-insurhensiyang programa ng gobyerno.

“Ihaharap namin sa kanya ang apat na batang biktima ng karahasan ng mga militar, at sa aming nakalap na datos, pangunahin pa rin na lumalabag sa karapatan ng mga bata ang AFP,” ani Jaqueline Ruiz, deputy director ng CRC.

Taong 2008 sa unang pagbisita ni Coomaraswamy sa Pilipinas, tinukoy na ng CRC ang militar bilang pangunahing lumalabag sa karapatan ng mga bata. Sa opisyal na ulat ng UNSRSG na inilabas sa huling kuarto ng taong 2010, nakasaad sa ulat na “consistent violator” ang New People’s Army (NPA) ngunit ang nakalagay na mga kaso sa ulat ay mga paglabag ng AFP. Wala kahit isang kaso ng paglabag ang NPA.

Sinabi pa ni Ruiz na nakapagtatakang hindi nailagay ang AFP bilang pangunahing lumalabag sa karapatan ng mga bata.

“Kung sinsero si Coomaraswamy sa pagmonitor sa mga paglabag sa karapatan ng mga bata, dapat niyang kilalanin at ilagay sa Annex 2 ang AFP. Dahil kita naman sa datos na sila ang lumalabag sa guideline ng Paris Principles,” ani Ruiz

Pangunahing lumalabag sa karapatan ng bata

Sa panibagong ulat ng CRC, na tinagurian nilang “Children of the Raging Storm” at isusumite kay Coomaraswamy, lumalabas na AFP ang pinakamaraming paglabag sa karapatan ng bata.

Naitala ng grupo ang 1,001 kaso ng iba’t ibang tipo ng paglabag na sumasaklaw sa taong 2009 hanggang sa unang anim na buwan ng administrasyong Aquino. Pinakalamaking bilang ng paglabag ang panghaharas sa mga bata, sa bilang na 969 na kaso. Pinakamalala naman ang anim na kaso ng pagpatay dulot ng masaker, walang habas na pagpapaputok at summary execution – lahat umano nito’y kagagawan ng militar. Nakapagtala din ang grupo ng walong batang biktima nang bigong pagpatay.

Tulad ni Joseph, nakalagay din sa ulat ng CRC ang mga batang biktima ng ilegal na aresto at tortyur. Diumano, nakapagtala sila ng 73 kaso ng ilegal na aresto at 56 dito’y dumaan sa tortyur upang piliting paaminin na kasapi sila ng rebolusyonaryong mga grupo. At siyam na bata naman ang sapilitang isinama sa operasyong militar upang magsilbing guide.

Ibinigay na halimbawa ni Ruiz ang kaso ng limang magkapatid na sina Tina, 13 anyos; Mica, 9; at tatlong pa nilang kapatid na may edad 7, 5 at 2.

Diumano, pasado alas-12 ng tanghali noong Enero 5, 2011 sa Calinog, Iloilo, nagbabayo ng saging ang kanilang ina para sa pananghalian nang dumating ang aabot sa lima kataong miyembro ng 61st IB at tinutukan ang mag-iina.

“Walang kikilos, papuputukan ko kayo!” sigaw diumano ng mga sundalo. Ininteroga umano ng mga sundalo ang ina ng mga bata, tinanong kung nasaan ang mga NPA. Sapilitan rin umanong isinama ng mga sundalo sina Tina at Mica papunta sa barangay hall, sa katwirang papasok naman sa eskuwelahan ang mga ito. At diumano, kahit hindi pa nakakain ang dalawang bata, napilitan ang mga ito na sumama sa mga sundalo.

Matapos umanong makauwi ang dalawang bata kinahapunan, ibinalita ni Tina na sumuka ng dugo si  Mica sa loob ng eskuwelahan at inalok umano si Mica ng sundalo na ituro ang mga NPA sa halagang P50. Kinaumagahan, kinakitaan umano si Tina ng kakaibang kilos. Sumigaw siya: “Tay, d’yan dun sanda, tiruhon nanda kami!” (Tay, ayan na sila, papuputukan tayo!), habang umiiyak at lumulundag.