Pang-aabuso sa bata sa Willing Willie kinondena ng Gabriela
Mariing kinondena ng Gabriela ang insidente sa Willing Willie noong Marso 12 na nagpapakita sa isang anim na taong batang lalaki na paulit-ulit na pinasasayaw habang umiiyak. Ayon sa grupo isang akto ng pang-aabuso sa bata ang nangyari na ipinalabas sa lokal na telebisyon. Nauna nang hinarap ni Willie Revillame, host ng naturang palabas, ang […]
Mariing kinondena ng Gabriela ang insidente sa Willing Willie noong Marso 12 na nagpapakita sa isang anim na taong batang lalaki na paulit-ulit na pinasasayaw habang umiiyak. Ayon sa grupo isang akto ng pang-aabuso sa bata ang nangyari na ipinalabas sa lokal na telebisyon.
Nauna nang hinarap ni Willie Revillame, host ng naturang palabas, ang isyu laban sa kanya at sinabi nitong walang “pang-aabuso” sa pinagawa nila sa bata at layunin lamang nilang mang-aliw at makatulong.
Subalit sa kabila ng mahabang paliwanag, hindi umano naintidihan ni Revillame at ng mga prodyuser ang punto. “Nakapainsensitbo ni Revillame para sabihin niyang mas marami pang pambansang isyu ang dapat pag-usapan sa halip na kastiguhin ang kanyang palabas dahil lamang sa isang episode. Para na rin niyang sinabi na hindi gaanong importante ang karapatan ng mga bata kumpara sa ibang mga isyu,” pahayag ng Gabriela.
Nilinaw ng Gabriela na hindi pang-aaliw ang naganap kundi pang-aabuso. Ipinakikita lamang umano ng naturang episode kung paano pagsamantalahan ng mga palabas tulad ng Willing Willie ang kalagayan ng mahihirap para lamang tumaas ang reyting. “Dahil sa kawalan ng trabaho, ang pagpila sa mga game show ay naging isang alternatibong kabuhayan lalo na sa mga mahihirap na kababaihan at kanilang pamilya, kahit pa nangangahulugan ito ng kahihiyan,” dagdag ng grupo.
“Hindi ito nakakatawa kundi insensitibo. Ipinaliwanag ni Revillame na hindi niya alam na sasayaw ang bata pero hindi iyon ang isyu. Ang isyu ay kung bakit patuloy niyang pinagsayaw ang bata.”
Binatikosa pa ng Gabriela ang direktor at prodyuser ng palabas gayundin ang manedsment ng TV5 dahil sa pagkunsinti nito sa mga patawang nakakaabuso sa mga bata at kababaihan na siyang tatak ng mga palabas ni Revillame.
Dahil sa naturang insidente, nanawagan ang Gabriela sa manedsment ng TV5 at sa gobyerno na parusahan si Revillame at ang kanyang palabas. Nais rin ng grupo na humingi ng paumanhin si Revillame sa publiko dahil sa kanyang ginawa.
Hinimok pa ng Gabriela ang TV5 at iba pang television network na gumawa ng mga hakbang para matiyak ang respeto at proteksiyon ng mga karapatan ng mga bata at kababaihan sa kanilang mga palabas.