‘Kontra-mamamayang’ NGO nananakot lamang, monopolyo sa langis dinedepensahan – Courage
Binatikos ng militanteng organisasyon ng mga kawani ng gobyerno ang non-government organization na Foundation for Economic Freedom (FEF) na nagsisilbi umanong “prophets of doom”sa pananakot sa publiko para tanggapin ang pagbayad ng mataas na buwis at kakarampot na sahod ng mga manggagawa.

Binatikos ng militanteng organisasyon ng mga kawani ng gobyerno ang non-government organization na Foundation for Economic Freedom (FEF) na nagsisilbi umanong “prophets of doom”sa pananakot sa publiko para tanggapin ang pagbayad ng mataas na buwis at kakarampot na sahod ng mga manggagawa.
Layunin ng naturang NGO na siraan ang laban ng mga manggagawa at kawani sa gobyerno para sa makabuluhang dagdag-sahod na makakaagapay umano sa kanila sa panahon ng matinding krisis sa ekonomiya, ayon sa Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), na kumakatawan sa mahigit 1.4 milyong empleyado ng gobyerno.
“Over a year after his election as President, Aquino has yet to implement any significant fiscal reform towards the eradication of hunger and poverty in the country; nonetheless, the members of the FEF are already rushing over themselves to present a doomsday scenario of supply shortages and price distortions, all in order to discredit the people’s legitimate demands for a substantial wage increase, the scrapping of the regressive Value Added Tax and the regulation of the oil prices,” paliwanag ni Ferdinand Gaite, pambansang pangulo ng Courage.
Sa pahayag sa midya, sinabi ng FEF na dudulot ng instabilidad sa ekonomiya tulad ng pagtaas ng presyo at kakulangan ng suplay sa batayang mga produkto ang panukalang suspensiyon sa implementasyon ng E-VAT sa langis at regulasyon ng industriya ng langis.
Sinabi pa ni Gaite na ipinapakita lamang ng kanilang pahayag na layunin lamang ng FEF na protektahan ang interes ng mga kapitalista, sa kapahamakan ng mga manggagawa at empleyado ng gobyerno na nasa bingit na ng kahirapan.
Binatikos din ng Courage ang pahayag ng FEF na nakakatulong ang Oil Deregulation Law (ODL) sa “fostering a truly competitive market […] thereby providing better services to consumers.”
Ipinakita umano ng nakaraang 15 taon ng implementasyon ng ODL na tumindi lamang ang pagmomonopolyo ng iilang kompanya ng langis sa lahat ng aspekto ng industriya. Dahil dito, malaya silang namamanipula ang pagtaas ng presyo ng langis.
“Over the years, the Oil Deregulation Law has served as justification for skyrocketing oil prices. In fact, oil prices have increases approximately 139 times or once every two weeks since the oil industry was deregulated in 1996,” paliwanag ni Gaite.
Naniniwala umano ang Courage na makakamit lamang ang tunay na kaunlaran kung makakamit ang hustisyang panlipunan. Unang hakbang na nito ang pagkilala sa karapatan ng mga manggagawa at empleyado sa security of tenure, makataong kondisyon sa paggawa at makabuluhang dagdag-sahod.
“We reiterate our demands for a substantial wage hike for both the public and private sectors, for the repeal of the Value Added Tax on oil and for the scrapping of the Oil Deregulation Law,” pagtatapos ni Gaite.
Samantala, sinagot din ng Ibon Foundation, Inc., independiyenteng institusyon sa pananaliksik, ang pahayag ng FEF na magdudulot ng “price distortions” ang pagkontrol sa presyo ng langis, tulad ng suspensiyon ng pangongolekta ng E-VAT sa langis.
Makakatulong umano ang pagtanggal ng VAT sa langis sa pag-usad ng pang-ekonomiyang aktibidad, sa pamamagitan ng savings sa mga konsiyumer sa kanilang binabayaran sa langis, ayon kay Sonny Africa, research head ng Ibon.
Tinataya ng Ibon na bababa ng P6 kada litro ang presyo ng langis kung tatanggalin ang 12% VAT dito.
“These savings mean more money for consumers to spend directly on their needs, and less production costs for fuel-intensive businesses,” paliwanag ni Africa.
Binubuo ang FEF ng mga neoliberal na ekonomista at akademiko, karamiha’y nagsilbi sa nakaraang mga gobyerno. Kabilang sa mga miyembro ng FEF ang mga miyembro ng gabinete ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo tulad nina dating National Economic Development Authority Chair Romulo Neri, dating Labor Sec. Patricia Sto. Tomas, Alexander Magno, at iba pa.