Kababaihan, umalma sa kontrol sa populasyon bilang solusyon sa kawalang-trabaho
Umalma ang kababaihang grupo na Gabriela sa anunsiyo ng Department of Labor and Employment (DoLE) na magpapatupad ito ng polisiya ng population control o pagkontrol sa populasyon para solusyunan ang kawalan ng trabaho at kahirapan sa bansa. Sa pagbubuo ng Philippine Labor and Employment Plan (PLEP) para sa 2011-2016 ng administrasyong Aquino, lumalabas na kontrol […]

Umalma ang kababaihang grupo na Gabriela sa anunsiyo ng Department of Labor and Employment (DoLE) na magpapatupad ito ng polisiya ng population control o pagkontrol sa populasyon para solusyunan ang kawalan ng trabaho at kahirapan sa bansa.
Sa pagbubuo ng Philippine Labor and Employment Plan (PLEP) para sa 2011-2016 ng administrasyong Aquino, lumalabas na kontrol sa populasyon ang “pinal na estratehiya” ng gobyerno para solusyunan ang problema sa kawalan ng trabaho at kahirapan, ayon kay Labor Assistant Secretary Ma. Teresa Soriano. Isinumite na ng DoLE ang PLEP sa National Economic Development Authority para aprubahan.
Pero ayon kay Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, tila sinisisi pa ang mahihirap na kababaihan para sa umano’y kabiguan ng gobyerno na isulong ang tunay na pang-ekonomiya at panlipunang kaunlaran.
“Ang kailangan ng kababaihan ay magkaroon ng mga trabaho na kayang tustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya para sa pagkain, tirahan, edukasyon, kalusugan, at iba pang serbisyong sosyal…Kailangan ng mga manggagawa ang dagdag-sahod, labas sa usapin kung nagsasagawa sila ng family planning o hindi,” pahayag niya.
Dagdag pa ni Linaban, ipinalalaganap ng gobyerno ang maling kaisipan na overpopulation ang sanhi ng kahirapan, isang kaisipan na umano’y “kontra kababaihan” at “kontra-mamamayan.”
Samantala, binatikos naman ni Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan ang pahayag ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na mga “terorista” ang mga grupong nagsusulong ng Reproductive Health Bill. Sang-ayon ang Gabriela sa komprehensibong RH Bill na hindi nakalimita sa pagkontrol sa populasyon, kundi nagsisiguro ng batayang serbisyong pangkalusugan para sa kababaihan.
“Dapat hindi mauwi sa name-calling ang mga tumututol sa RH Bill, kundi bigyang-pansin ang mga isyu at argumento,” ani Ilagan.
Aniya pa, kung “terorismo” lang ang pag-uusapan, ilang dekada nang nabubuhay ang milyun-milyong kababaihang Pilipino sa “terror” o matinding takot sa panganganak dahil sa kawalan ng mga pre-natal check-up at serbisyo ng mga propesyunal pangkalusugan dahil sa patuloy na pagkaltas ng gobyerno ng badyet para sa serbisyong sosyal.