Isang milyong lagda para sa ‘tunay na reporma sa lupa’


Naglunsad ng signature campaign ang Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK) para makalikom ng isang milyong pirma na isusumite sa Kongreso bilang suporta sa pagsasabatas ng House Bill 374 o Genuine Agrarian Reform Bill (GARB).

"Tunay na reporma sa lupa" ang hangad pa rin ng magsasakang Pilipino. (Macky Macaspac / PW File Photo)
"Tunay na reporma sa lupa" ang hangad pa rin ng magsasakang Pilipino. (Macky Macaspac / PW File Photo)

Naglunsad ng signature campaign ang Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK) para makalikom ng isang milyong pirma na isusumite sa Kongreso bilang suporta sa pagsasabatas ng House Bill 374 o Genuine Agrarian Reform Bill (GARB).

Laman ng GARB, na isinumite sa Kamara ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano, ang walang kondisyon at libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang siyang nagbubungkal nito at nagtatanim.

Sinabi ni Nestor Villanueva, tagapagsalita ng Kasama-TK, na wala na silang ibang nakikitang dahilan para antalain pa ang pagsasabatas ng HB 374 matapos mapatunayang bigo ang kasalukuyang Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (Carper) at nagdaang mga reporma sa lupa ng gobyerno.

Ayon sa pag-aaral ng Kasama-TK, sa loob ng dalawampung 20-taong pag-iral ng CARP at magdadalawang taon nang Carper, hindi nito nabuwag ang monopolyong kontrol sa malalawak na lupain ng malalaking landlord sa bansa na pinangungunahan mismo ni Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III at mga kaanak niya.

Sa Timog Katagalugan pa lamang, may kalahating milyong ektaryang lupain pa ang kontrolado lamang ng 835 na mga panginoong maylupa, habang nasa 70 porsiyento pa ng kabuuang populasyon sa kanayunan ang walang pag-aaring lupa.

“Tatagal nang 100-araw ang kampanyang pagpapapirma ng mga magsasaka at plano naming isumite sa Kongreso ang nakalap na lagda sa ikalawang taong anibersaryo ng Carper sa Agosto,” pahayag pa ni Villanueva.

Lalahok din sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sa Mayo 1 ang mga magsasaka sa naturang rehiyon. Sinabi ni Villanueva na sa pagkilos na ito, inaasahan nilang na makakakalap agad sila ng hindi bababa sa 5,000 pirma mula sa mga manggagawa.

“Naghahangad rin ang mga manggagawa ng tunay na pagbabago sa lipunan at kapanalig namin sila sa paniniwalang ang tanging matuwid na daan tungo rito ay ang pagkumpiska sa mga lupaing kontrolado ng malalaking panginoong maylupa at libreng pamamahagi nito sa mga maralita sa kanayunan,” dagdag ni Villanueva.

Samantala, inanunsiyo rin ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na mangangalap rin sila ng mga lagda sa buong bansa, kasabay ng malalaking kilos-protesta ng mga manggagawa para sa kahilingang umento sa sahod.

Kumpiyansa si Villanueva na makukumpleto nila ang isang milyong pirma bago ang Agosto.