Mayor Binay ng Makati, ipinapanagot sa marahas na demolisyon sa Laperal
Ipinapanagot ng mga residente ng Laperal Compound sa Guadalupe Viejo, Makati City si Makati Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay Jr. sa marahas na pagdemolis ng kanilang mga tahanan noong Abril 28.

Ipinapanagot ng mga residente ng Laperal Compound sa Guadalupe Viejo, Makati City si Makati Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay Jr. sa marahas na pagdemolis ng kanilang mga tahanan noong Abril 28.
Dalawang residente, sina Natnat Maglente at Ramil Sagun, ang nabaril at isang bata ang napabalitang namatay matapos ma-tear gas sa marahas na pagdemolis ng mga tahanan sa lugar na pag-aari ng pamilyang Laperal ngunit nababalitang may interes ang lokal na pamahalaan ng Makati na idebelop.
Ayon sa Courage Party-list, na may tsapter sa Laperal, umabot sa 1,000 ang puwersa ng Mapsa noong araw ng demolisyon. Walo ang trak ng NCRPO, mahigit 500 ang miyembro ng demolition teams mula sa Helmark Construction Co. Tatlo ang Special Weapons and Tactics (SWAT) Teams, 200 ang tinaguriang goons, at tatlo ang firetrucks ang ginamit ng lokal na pamahalaan ng Makati laban sa mga residente ng Laperal na ayaw umalis sa kanilang mga tahanan. (Basahin ang kaugnay na istorya)
Kinondena ni William Balderas, presidente ng Courage Partylist-Laperal ang karahasang naganap sa demolisyon.
“Dinidepensahan lang namin ang komunidad. Kung tutuusin, sila ang may malaking pananagutan: na-tear gas kami, may dalawang kasamang naospital dahil sa tama ng bala at maraming kabataan ang dinampot at binugbog ng mga pulis. Na-bulldozer ang aming mga bahay, pinaulanan pa kami ng mga bumbero. Nasunugan na kami kamakailan lang at na-demolish pa. Ngayon, kami pa ang nasabihang marahas? Nasaan ang hustisya doon?” tanong ni William Balderas, presidente ng Courage Party-list sa Laperal.
Sinabi pa ni Balderas na napilitan ang marami sa mga residente na lumipat sa itinakdang relokasyon sa Montalban, Rizal. “Wala kaming dinatnan (doon) kundi kapirasong lupang pagtitirikang muli ng mga tirahan. Walang kuryente at tubig. Malalayo na kami sa aming mga trabaho, eskuwelahan ng aming mga anak at serbisyo-publiko gaya ng mga ospital. Sa gayon, unti-unti kaming pinapatay ng pamahalaan: magiging libingan na naming ang lupang pagtitirikan namin,” ani Balderas.
Ayon kay Elena Ordonez, bise-presidente ng Damayang Mahihirap sa Laperal, may ilan pang mga residente na napilitang matulog sa kalsada dahil ayaw silang palipatin kahit sa relocation site sa Montalban, Rizal dahil sila raw ang nanggulo noong Abril 28.
“Patuloy kaming magkakaisa upang masapol ang pangunahing usapin: ang patuloy na magkaisa, magtanggol at lumaban para sa aming mga interes at karapatan,” ani Ordonez.
Sumama rin ang mga miyembro ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) para makiisa sa mga residente ng Laperal na lumalaban para sa kanilang kabuhayan at para sa hustisya.
Sinabi ni Ferdinand Gaite, pambansang tagapangulo ng Courage na “kalunos-lunos na sinapit ng mga residente ng Laperal Compound ay nagpapakita lamang kung paano itinuturing ng administrasyong ito ang mga mahihirap: parang mga kriminal o hayop na puwedeng palayasin ng basta-basta.”
Hinamin ni Gaite ang administrasyong Aquino na kung talagang sinsero umano ito, dapat panagutin ng administrasyon ang mga element ng NCRPO, MAPSA at ng lokal na pamahalaan ng Makati na sangkot sa karahasang naganap sa Laperal at itaguyod ang interes ng mga maralita.