Kawani ng gobyerno kay P-Noy: ‘Wag kami lokohin, P6,000 dagdag-suweldo hiling namin
Nagpiket sa harap ng tarangkahan ng Malakanyang sa Mendiola Bridge, Manila ang mga kawani ng gobyerno, guro sa mga pampublikong paaralan at pampublikong manggagawang pangkalusugan upang igiit ang panawagan nilang P6,000 na dagdag sa kanilang buwanang suweldo.

Nagpiket sa harap ng tarangkahan ng Malakanyang sa Mendiola Bridge, Manila ang mga kawani ng gobyerno, guro sa mga pampublikong paaralan at pampublikong manggagawang pangkalusugan upang igiit ang panawagan nilang P6,000 na dagdag sa kanilang buwanang suweldo.
Binatikos din ng mga nagprotesta, na pinangunahan ng Wage Fight Alliance, ang idineklara ni Pang. Benigno Aquino III na paglabas ng ikatlong tranche ng Salary Standardization Law (SSL) ngayong Hunyo. Sinabi nilang ipinalalabas ng administrasyong Aquino na nagbigay sila ng dagdag-suweldo, samantalang matagal nang dapat ibinigay ito sa mga kawani ng gobyerno.
“Wala talagang ginawa si Aquino para paunlarin ang kalagayan ng 1.4 milyong empleyado ng gobyerno, guro sa mga pampublikong paaralan, at pampublikong manggagawang pangkalusugan ng bansa,” deklarasyon ni Gerdinand Gaite, tagatipon ng Wage Fight Alliance at pambansang pangulo ng Confederation for Unity, Recognition, and Advancement of Government Empolyees (Courage).
Inilinaw ni Gaite na panahon pa ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo inilabas ang ikatlong tranche ng SSL3. Ipinagpatuloy lamang ito ni Aquino sa bisa ng Executive Order 40.
“Itigil na niya (Aquino) ang pagmamayabang hinggil dito kasi kahit ang SSL ay hindi sapat para matugunan ang pangangailangan ng mga kawani ng gobyerno na nahihirapan sa tumataas na mga presyo ng batayang mga bilihin at serbisyo,” sabi pa ni Gaite.
Hangga’t hindi ipinapatupad ang P6,000 minimum pay adjustment, aabot lamang sa P9,000 kada buwan ang minimum pay ng mga kawani sa 2012, ani Gaite.

“Malayung malayo ito sa tinatayang Family Living Wage na P29,640 kada buwan,” paliwanag pa niya.
Samantala, hiniling din ni Robert Mendoza, pangkalahatang kalihim ng Alliance of Health Workers (AHW) sa administrasyong Aquino na agarang ipatupad na ang Nursing Act 0f 2002 na nagsasabing kailangang iangat sa Salary Grade 15 ang mga nars sa pampublikong mga institusyon, ospital at pasilidad. Bagamat matagal nang naisabatas, ani Mendoza, hindi pa rin magawang ipatupad ito ni Aquino.
Sa tulong sana ng naturang batas, mas maraming nars na napilitang mangibang-bansa dahil sa mababang sahod sa Pilipinas ang mahihikayat na manatili na lamang sa bansa, sa piling ng kanilang mga kaanak, paliwanag ni Mendoza.
Itinutulak din ng Wage Fight Alliance ang pagpasa ng House Bill 3746 na pinangunahan ng Anakpawis Party-list. Sa naturang panukalang batas, hinihiling ang P6,000 dagdag-suweldo sa mga kawani ng gobyerno, gayundin ang P125 na “makabuluhang dagdag-sahod.”