Kabataan diskuntento kay PNoy


Diskuntento ang militanteng mga organisasyon ng kabataan kay Pang. Benigno Aquino III. Ito ang inihayag nila, sa pagtitipon ng iba’t ibang grupo ng mga kabataan bago ang gaganaping State of the Nation Address ni Aquino sa Hulyo 25. Inisa-isa ng bawat grupo ang kanilang basehan sa pagbibigay nito. Ani Einstein Recedes ng National Union of […]

Einstein Recedes (Bahagi ng larawang mula sa kanyang FB account)
Einstein Recedes (Bahagi ng larawang mula sa kanyang FB account)

Diskuntento ang militanteng mga organisasyon ng kabataan kay Pang. Benigno Aquino III.

Ito ang inihayag nila, sa pagtitipon ng iba’t ibang grupo ng mga kabataan bago ang gaganaping State of the Nation Address ni Aquino sa Hulyo 25.

Inisa-isa ng bawat grupo ang kanilang basehan sa pagbibigay nito. Ani Einstein Recedes ng National Union of Students of the Philippines (NUSP), pangongopya lamang ang ginawa ng pangulo sa mga nauna nang polisiya laluna sa usapin ng pagbagsak ng kalidad at akses sa edukasyon sa bansa.

“Sa paaralan, itinuturo na huwag mangopya kundi ibabagsak ang estudyante. Samantala, itong si Pangulong Noynoy, kinopya lamang ang mga luma o dati nang ipinatupad na polisiya laluna sa edukasyon,” ayon kay Recedes.

Batid ng grupo ni Recedes ang deregulated status ng paniningil ng mga paaralan. Sa saliksik ng NUSP, napag-alaman nilang pinayagan ng administrasyong Aquino ang 16 porsiyento ng higher education institutions na magtaas ng kanilang matrikula at iba pang bayarin.

“(Dahil dito), walo sa sampu ang hindi makakatuntong sa kolehiyo,” ani Recedes. “Dalawang milyon ang college dropouts na nilikha ni Pangulong Noynoy, at madaragdagan pa kung hindi ititigil ang deregulasyon na ito sa mataas na mga paaralan at kolehiyo.”

Hindi naman ipinagtaka ng Kabataan Party-list ang pagdausdos ng rating ni Aquino sa mga sarbey.

Inilahad ng Kabataan na mula sa unang 100 araw ni Aquino, wala siyang naihapag sa kabataan na makabuluhang pagbabago, kahit natapos ang siyam na taong pamumuno ni dating pangulo Gloria Arroyo.

Binanggit rin ng naturang party-list ang pagkakaroon ng KKK o “kaibigan, kaklase, kamag-anak” ng pangulo na nagpapakita raw ng kawalang seryosong tindig sa pamamahala. Tulad ng mga nauna, wala pa rin raw maaasahan ang mga kabataan. “Dapat may pangil (ang pamahalaan), ngunit hindi pa rin natugunan ang mga mandarambong sa pamamahala,” pahayag ng naturang partido.

Samantala, sabi naman ni Charise Bañez, pangkalahatang kalihim ng Anakbayan, “Wala nang maasahan pa, malinaw na lumala ang krisis na nararanasan ng ating mga mamamayan.”

Binilang ni Bañez ang paglala ng ekonomiya ng bansa at ang paghihirap ng mga mamamayan: 16 na beses na pagtaas ng presyo ng langis, ibayo ang itinaas ng badyet sa pagbayad ng pambansang utang, at ang hindi pa rin maibigay na P125 dagdag sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor.

“Hindi totoo na malulugi at magsasara ang mga negosyo kung ipapatupad ang P125 dagdag-sahod, dahil ayaw lamang bawasan ang tubo ng mga negosyo,” saad ni Bañez.

Kasama rin sa kanyang binatikos ang pagbabawas ng pambansang badyet mula sa edukasyon hanggang sa kalusugan, maging ang conditional cash transfers na ipinagpatuloy lamang ng kasalukuyang administrasyon mula sa sinundan nitong administrasyon.

Bandaid solutions lamang ang ibinigay ng pamamahala ni Pangulong Noynoy.” pagtatapos ni Bañez.

Tinasa naman ni Ronald Gustillo ng League of Filipino Students ang naging mga polisiya ng bansa, tulad ng foreign policy, na aniya’y “walang significant change , and under the same framework as (Arroyo).”

Patuloy pa rin ang pagpapatupad ng Mutual Defense Treaty at ng Visiting Forces Agreement habang wala pa ring nakikitang pananagutan sa mga tropang US matapos ang tinaguriang “Subic Rape Case” noong 2005.

Binaybay rin ni Gustillo ang usapin sa Spratlys. Aniya, US pa ang nagpapaningas ng init sa sitwasyon sa inilabas na mga pahayag na pagsuporta sa gobyerno ng Pilipinas imbes na gumawa ng paraan para sa mahusay na usapan.

Inihayag naman ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) at Student Christian Movement of the Philippnies (SCMP) ang kanilang pananaw sa paglabag sa karapatang pantao at kalayaan sa pagpapahayag.

Sinabi ng CEGP na nakapagtala sila ng 152 campus press freedom violations. Suliranin din sa kanila ang panganib ng pagsara ng may 20 publikasyong pangkampus.

Inilahad rin ng CEGP ang “pagsiil sa karapatang maghayag sa kampus” sa paraang hindi agad ibinibigay ng administrasyon ng paaralan sa kampus ang badyet para sa mga publikasyon, maging ang pagkakaroon ng interbensiyon na humaharang sa ilang “sensitibong bagay” tulad na lamang ng hinggil sa pambansang sitwasyon.

Nagsiwalat rin ang organisasyon na nakatanggap ng death threat ang ilang kasapi nila sa mindanaw, na itinuturo ng grupo na produkto ng Oplan Bayanihan.

Samantala, itinuloy ng SCMP ang diskusyon sa Oplan Bayanihan at itinurong 48 na ang naging biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang. Habang binanggit ang pagkakaroon ng mahigit 300 bilanggong politikal, kasama ang pagkakakulong nina Ericson Acosta at Maricon Montajes, at iba pa.

Iginiit ng grupo na hindi raw nalalayo ang karanasan ng mga mamamayan sa kasalukuyan sa mga dating karanasan sa mga paglabag sa karapatang pantao.

Nagpahayag ng nagkakaisang puwersa ang mga grupo sa darating na SONA ng pangulo sa Hulyo 25, at nagpahayag ng serye ng mga pagkilos bago pa man dumating ang araw na iyon.

Naghahanda naman angt SCMP ng isang linggong pagdarasal bago ang SONA. Naganap din ang pangangalampag ng mga kabataan sa Commission on Higer Education noong Hulyo 8.