‘Mumo’ para sa nagtatanim ng palay


Kakarampot na, kinaltasan pa, ang panukalang badyet ng administrasyong Aquino sa sektor ng mga magsasaka at agrikultura para sa taong 2012. Ipinapakita lamang nito, ayon sa mga magsasaka, na walang pagpapahalaga ang gobyerno sa kontribusyon ng kanayunan sa ekonomiya ng bansa.

Magsasakang Pilipino: Pinagkakaitan ng suporta ng administrasyon sa pamamagitan ng pagkaltas sa badyet ng kaukulang mga kagawaran. (Ilang-Ilang Quijano/PW File Photo)
Magsasakang Pilipino: Pinagkakaitan ng suporta ng administrasyon sa pamamagitan ng pagkaltas sa badyet ng kaukulang mga kagawaran. (Ilang-Ilang Quijano/PW File Photo)

Ang mga magsasaka ang pangunahing nagtatrabaho para sa masaganang ani, pero dahil sa liit ng pondong inilaan ng gobyerno sa sektor ng agrikultura, tila naisasantabi ang kanilang kalagayan at mga panawagan.

Sa kalkulasyon mismo ng mga magsasaka, aabot lamang sa P452 kada magsasaka ng palay ang alokasyon ng Department of Agriculture (DA) para sa taong 2012. Bagay na tinawag nilang “malaking pagpapabaya” ng administrasyong Aquino sa harap ng tumataas na gastos sa produksiyon at lumalalang kagutuman at kahirapan sa kanayunan.

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), P6.181-Bilyon ang inilaan sa pambansang programa sa palay sa P37-B panukalang badyet ng DA. Sa halagang ito, P533-B lamang ang mapupunta sa 14 na panrehiyong tanggapan ng DA dahil P1.647-B ang mapupunta sa Office of the Secretary, Agricultural Training Institute, Bureau of Agricultural Statistics, Bureau of Soil and Water Management, at sa Bureau of Plant Industry.

Idinagdag pa ng KMP na ang P4.533-B ay hahatiin pa sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) na may P3.31-B at P1.223-B para sa Capital Outlay (CO).

“Nangangahulugan na P1.223-B lamang ang alokasyon para sa 2.7 milyong magsasaka ng palay o P452 kada magsasaka,” sabi ni Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng KMP. “Ito ang napala namin sa kabila ng aming mahirap na pagtatrabaho at tumaas na produksiyon.”

Sinabi pa ni Ramos na “tugatog ng kapabayaan” ng administrasyong Aquino na magbigay ng “mumo” para sa mga magsasaka sa kabila ng mataas na presyo ng langis, bayad sa irigasyon at iba pang gamit sa pagsasaka.

Ipinakikita lamang umano nito ang pag-abandona ng gobyerno sa responsabilidad nitong bigyan ng subsidyo ang mga magsasaka sa buong bansa.

Matatandaang sinabi ni Proceso Alcala, kalihim ng DA, na umabot sa 7.57 milyong metriko tonelada ang produksiyon ng palay sa unang hati ng taon at dahil umano ito sa pagpapalawak ng mga lupang may irigasyon. Iniulat din niyang sapat ang tubig-ulan sa parehong panahon para naman sa mga magsasakang walang irigasyon.

Pero duda ang KMP sa P25.7-B alokasyon para sa proyektong irigasyon dahil nagbabayad naman umano ang mga magsasaka para rito.

“Kahit ang sinasabing badyet para sa irigasyon ay hindi masasabing suporta ng gobyerno dahil kami ang  nagbabayad ng mataas na halaga para sa irigasyon,” ani Ramos. Aniya pa, ang bawat magsasaka’y nagbabayad ng tatlong kaban ng palay kada ektarya sa panahon ng tagtuyot at dalawang kaban naman sa panahon ng taniman.

Lumalabas na ang multi-milyong badyet para sa irigasyon ay nagiging sanhi pa ng korupsiyon.

Insulto rin umano para sa mga nagtatanim ng mais ang P5.10 kada ektaryang alokasyon sa 2.49 milyong ektarya ng maisan.

Pondo sa kontra-insurhensiya

Samantala’y binatikos din ng grupo ang pagsisingit ng P17.623-Milyon para sa programang kontra-insurhensiya sa P17.9-B panukalang badyet ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa susunod na taon.

“Ang pagpasok ng programang PAMANA – Pillar 2 sa badyet ng DAR ay nagpapakita na ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ay pangunahing programang kontra-insurhensiya sa halip na programa para sa katarungang panlipunan,” sabi ni Ramos.

Sa ilalim ng panukalang badyet ng DAR, ang P17.623-M ay gagamitin sa pagpapatupad ng Pamana-Pillar 2 sa mga eryang may “labanan” tulad ng North Cotabato, Compostela Valley at Western Samar.

Ang Pamana, o Payapa at Masaganang Pamayanan Program, ay ipinatutupad ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process.

Gatasang-baka

Kinuwestiyon naman ni Anakpawis Party-list Rep. Rafael Mariano ang badyet ng DAR dahil malaki sa naturang panukalang badyet ay ilalaan sa implementasyon ng maka-panginoong maylupa at pekeng CARP at ang ekstensiyon nitong Carper o  CARP Extension with Reforms.

Sinabi pa ng kinatawan na ang buong alokasyon para sa rekisitos ng CARP at Land Acquisition and Distribution sa badyet ng DAR para sa taong 2012 na aabot sa P10.3-B ay pagwawaldas sa pera ng taumbayan. Nagmatigas pa si Mariano na hindi siya susuporta at boboto sa pag-apruba sa badyet ng DAR para sa CARP.

Paliwanag ni Mariano, malaking bahagi ng naturang badyet ay mapupunta sa kompensasyon sa lupa dahil nagiging “gatasang baka” umano ito ng malalaking panginoong maylupa at nagpapanatili sa monopolyo ng malalawak na lupain.

Hanggang noong Disyembre 2010, ang kabuuang pondong inilaan para sa implementasyon ng CARP ay umabot sa P207-B. “Saan napunta ang pondong ito? Malinaw na hindi sa mga magsasakang benepisyaryo na matagal nang nangangailangan ng suporta mula sa gobyerno,” ani Mariano.

Binanggit pa ni Mariano ang pag-aaral ng Ibon Foundation na nagsasabing mula taong 1972 hanggang 2008, nakatanggap ang mga panginoong maylupa ng mahigit P289-B para sa 1,619,513 ektarya sa bisa ng programang pang-agraryo ng gobyerno.

“Habang tumatanggap ng malaking halaga ang mga panginoong maylupa, malawakang kawalan ng lupa naman ang nagpapatuloy sa kanayunan. Milyun-milyong magsasaka ang napapalayas dahil sa pangangamkam ng lupa at kumbersiyon. Patuloy ang kahirapan sa kanayunan,” sabi pa ni Mariano.

Nilinaw pa ng kinatawan na nagpapatuloy ang usaping agraryo sa malalaking asyenda sa buong bansa kabilang ang Hacienda Looc sa Batangas, Hacienda Yulo sa Laguna, Araneta Estate sa Tungkong Mangga, Bulacan, sa lupain ng mga Veloso sa Leyte at ng Central Mindanao University sa Bukidnon.