Komunidad ng maralita sa BIR Road, nakaambang idemolis dahil sa proyektong business district
Bukod sa mga komunidad sa North Triangle, may banta rin ng demolisyon sa komunidad ng mga maralita sa East Triangle. Bahagi ng pinaplanong business district, iginigiit ng mga residente ang karapatan nila sa kabuhayan at manatili sa lupaing kinalakhan na ng kanilang mga anak.

Sa harap ng kanilang komunidad, nakabalandra na ang backhoe: Paalala ng araw-araw na banta ng demolisyon sa kanilang kabahayan.
Kung kaya binarikada na ng maralitang mga residente ng BIR Road, East Triangle sa Quezon City ang loteng katabi ng kanilang mga bahay. Nagsimula na kasing magwasak ng natitira pang mga bahay na pinaglikasan ng ilang nagboluntaryong lumipat ng bahay. Naghukay na rin dito ang backhoe na mula sa lokal na pamahalaan. Walang paa-paalam sa kanilang mga residente, basta naghukay na lamang ng malaking butas.

“Matagal na kaming naninirahan dito, hindi nila puwedeng itaboy na lamang kami,” sabi ni Roger Gomez, 52 anyos, isa sa daan-daang residente roon.
Sinabi ni Gomez na ginagawa nila ang lahat ng legal na paraan para mapigil ang demolisyon at puwersahang maitapon sila sa mga relokasyon sa Rodriguez, Rizal at Brgy. Gaya-gaya, San Jose del Monte, Bulacan. Siya mismo, 25 na taon nang naninirahan sa BIR Road; may ibang mas matagal pa roon.
“Napakahirap doon (sa relokasyon). Ang iba nga na nandoon, bumabalik dito,” sabi niya. Halos lahat umano ng residente sa lugar ay nagtatrabaho malapit sa Quezon City; mawawalan sila ng kabuhayan kung biglang ililipat sa Rizal o Bulacan. Ang marami pa sa kanila, ani Ramos, ay empleyado mismo ng mga ahensiya ng gobyerno na malapit sa BIR Road.
Kinukuwestiyon ng mga residente ang karapatan ng lokal na gobyerno ng Quezon City na itaboy na lamang sila nang ganoon. Anila, iyung matagal nilang pagtira sa lugar ay nagbibigay dapat sa kanila ng karapatang manatili. “Sabi nila eyesore daw kami (ang komunidad sa BIR Road). Pero kung gusto talaga nila pagandahin ang lugar, magtayo sila ng mga pabahay dito mismo,” sabi ni Ramos.
Sa ilalim ng Urban Development and Housing Act of 1992, o Republic Act 7279, sakop ng programang pabahay ang mga komunidad ng mga maralita sa mga pampublikong lupain na 10 taong hindi nagamit para sa proyekto kung saan inilaan ito. Sa pagpapalikas sa mga maralitang komunidad na sakop ng batas na ito, kadalasang ginagamit ang opisyong relokasyon. Gayunman, iginigiit ng mga residente sa BIR Road na maaari naman ang isang onsite development program. Payag pa nga sila na pumaloob sa isang Community Mortgage Program (CMP) para unti-unting bilhin ang lupain mula sa gobyerno. Pero tinanggihan na ito ng National Housing Authority at lokal na gobyerno ng Quezon City.
Ito’y dahil nakalaan na ang lupain para sa “priority disposition” ng Urban Triangle Development Commission (TriDev Commission). Itinakda ang lugar ng East Triangle, kasama ang North Triangle (kung saan matatagpuan ang Sityo San Roque), at Botanical Garden bilang lugar na pagtatayuan ng isang Quezon City Central Business District (QC-CBD) – isang enklabo ng high-rise buildings, malls, business offices, condominums at parke para sa malalaking kompanya at dayuhang mga negosyo.
Sa sulat ni Froilan Kampitan, officer-in-charge ng NHA para sa pagpapalayas sa mga residente ng BIR Road, sinabi niyang na-advertise na ang lupain ng kanilang komunidad para sa “public bidding” sa mga negosyanteng maaaring bumili. Hindi na umano ito maaaring bilhin ng mga residente sa ilalim ng CMP o magkaroon ng onsite development.

Ayon kay Ramos, binibigyan daw sila hanggang sa katapusan ng buwan bago tuluyang wasakin ng NHA ang kanilang komunidad.
Ngunit determinado ang mga residente na harangin ang pagpapatuloy ng backhoe ng NHA na pasukin ang kanilang komunidad at posibleng tuluyang sirain ang kanilang kabahayan.
Sinabi ni Purificacion Baluyot, opisyal ng Brgy. Central Neighborhood Association na siyang organisasyon ng mga residente sa BIR Road, na pinapakita lamang ng isinasagawang clearing operations ng NHA na nagmamadali na ang lokal na pamahalaan ng Quezon City na palayasin ang mga residente.
“Sagad-sagarin silang nagtataboy ng mga residente papunta sa relocation sites sa Montalban at Bulacan, kung saan walang kabuhayan at malayung-malayo sa mga ospital at eskuwelahan,” sabi pa ni Baluyot.
Buti na lamang, ani Ramos, may mga tumutulong na organisasyon sa kanila, tulad ng Courage Party-list, Anakbayan at Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay, na nagbibigay-suporta sa kanilang laban para manatili sa lupang pinaglakihan ng mga anak nila at para sa kanilang mga kabuhayan.
Ayon sa Contra-CBD Alliance, o Concerned Organizations Opposed to Layoff, Transfer, Demolition and Privatization due to the QC-CBD Project, hindi dapat tinatalikuran ng gobyerno ang mga maralita para pumabor sa iilang mayayayaman at dayuhang interes.
“Responsabilidad ng pamahalaan na itaguyod ang kapakanan ng mga mamamayan, sa halip na interes ng iilang negosyo’t mayayaman,” pagtatapos ni Ferdinand Gaite, convenor ng Contra-CBD Alliance.