Kababaihan, tutol sa dagdag na tropang Kano
Dalawang babaing kongresista ang mahigpit na tumutol sa pinaigting na presensiya ng mga tropang Amerikano sa bansa na inaalok ng administrasyong Aquino sa gobyerno ng Estados Unidos. Anila, labag ito sa soberanya ng bansa at magdudulot ng ibayong kapahamakan sa kababaihan.

Dalawang babaing kongresista ang mahigpit na tumutol sa pinaigting na presensiya ng mga tropang Amerikano sa bansa na inaalok ng administrasyong Aquino sa gobyerno ng Estados Unidos. Anila, labag ito sa soberanya ng bansa at magdudulot ng ibayong kapahamakan sa kababaihan.
Ayon kay Gabriela Rep. Luz Ilagan, nakipagkasundo si Pangulong Aquino sa gobyernong US kahit hindi pa nirerepaso ang Visiting Forces Agreement (VFA), ang kontrobersiyal na kasunduang pinapayagan ang paglabas-pasok ng mga tropang Kano sa bansa, na inihahalintulad ng mga kritiko ng VFA sa permanenteng pagbabase.
“Hindi pa nilalabas ng Presidential Commission on the VFA ang mga rekomendasyon nito matapos ang review sa VFA, habang nakabimbin naman sa Committee on National Defense and Security ang House Resolution 7 na nananawagang ibasura ang VFA. Nagdesisyon si Pangulong Aquino nang hindi pinag-aaralan ang epekto ng mas pinaigting na presensiya ng mga tropang Kano,” ani Ilagan.
Iginiit niya na matagal nang nasaksihan ng taumbayan ang mga problemang dala ng kanilang presensiya, gaya ng mas matinding prostitusyon, sex trafficking, at mga paglabag sa karapatang pantao, lalo na ng kababaihan.
Sa talaan ng grupong Gabriela, may 15 kaso ng seksuwal na pang-aabuso at 82 na kaso ang isinampa ng kababaihan laban sa US servicemen mula 1981 hanggang 1988 noong may baseng militar sa Subic, Olongapo. Naibasura ang lahat ng mga kasong ito ang wala ni isang sundalong Kano ang naparusahan.
Simula nang ipatupad ang VFA noong 1999, iba’t ibang kaso ng pang-aabuso sa kababaihan din ang naitala, kabilang na ang high-profile na kaso ng panggagahasa ni Nicole ni L/Cpl. Daniel Smith. Noong 2009, isang 19-anyos na Pilipina rin ang ginahasa ng isang miyembro ng Joint US Military Assistance Group.
Ayon naman kay Gabriela Rep. Emmi de Jesus, lalo lamang nagdudulot ng “di-pagkakaintindihan” sa rehiyon ang panghihimasok-militar ng US. Ito ay matapos manawagan ang isang pahayaga sa Tsina na dapat parusahan umano ng gobyerno ng Tsina ang Pilipinas dahil sa pagpayag sa pagpasok ng mga tropang Kano.
“Pinili ng gobyerno na ibenta ang ating bansa sa US sa halip na igiit ang ating soberanya sa pagresolba ng isyu sa Spratlys. Panahon nang magsalita ang mga Pilipino at igiit sa gobyerno na ibasura ang VFA,” sabi ni de Jesus.