Utos ng DOLE na ‘lisensiya ng kontraktuwalisasyon,’ binatikos
Nagprotesta ang mga manggagawa sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa harapan ng tanggapan ng Department of Labor and Employmnent (DOLE) para gunitain ang ika-10 taon ng pagpapatupad ng isang DOLE order na anila’y naging “lisensiya ng kontraktuwalisasyon.”

Nagprotesta ang mga manggagawa sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa harapan ng tanggapan ng Department of Labor and Employmnent (DOLE) para gunitain ang ika-10 taon ng pagpapatupad ng isang DOLE order na anila’y naging “lisensiya ng kontraktuwalisasyon.”
“Matagal ng peste ang kontraktuwalisasyon sa mga manggagawa sa buong bansa. Kinokondena namin ang DOLE Order 18-02. Dapat na itong ibasura,” ani Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Sinabi ni Labog na dahil sa naturang utos ng DOLE, tumindi ang kontraktuwalisasyon ng mga manggagawa, at nalagas ang kanilang mga karapatan at benepisyo.
Ayon sa KMU, bagamat ipinagbabawal ng order ang labor-only contracting sa ilalim ng Labor Code, nagbigay naman ng guidelines ang naturang kagawaran para sa mga kapitalista upang mapatupad ang kontraktuwalisasyon nang legal.
Pinapayagan ng naturang DOLE order na ipatupad ang labor-only contracting kapag nakapagrehistro ang mga kapitalista bilang job contractor. Kahit umano esensiyal ang trabaho ng isang kontraktuwal sa kompanya (at maaari itong gawing regular), hindi maaaring kasuhan ang kompanya kung deklaradong pansamantala lamang ang trabaho.
“Inilubog ng kontraktuwalisasyon ang mga manggagawa sa mas malalim na kalagayang alipin. Kalakhan ng mga manggagawa sa buong bansa ang kontraktuwal na mababa ang sahod, walang benepisyo, walang kaseguruhan sa trabaho at ipinagkakait ang karapatang mag-unyon,” dagdag pa ni Labog.
Sabi naman ng grupong pangkabataan na Anakbayan na lalong madaragdagan ang bilang ng kontraktuwal na mga manggagawa kapag nagtapos na sila sa pag-aaral. Pinaka-apektado ang mga kabataan dahil sa naidadagdag na bagong graduates na naghahanap ng trabaho.

“Sa 43% ng kabuuang bilang ng unemployed na may college degree. Mapipilitan ang bagong graduates na tanggapin ang iniaalok na mga trabahong kontraktuwal. Masahol pa ang kalagayan ng mga hindi nakapagtapos sa kolehiyo o kahit sa high school man lang,” ani Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan.
Dagdag ni Crisostomo, ang pagtanggi ng adminstrasyong Aquino na pigilan o alisin ang kontraktuwalisasyon ay pagpapakita ng pagkiling sa mga kapitalista.
“Para sa gobyerno, kapitalista muna bago ang manggagawa,” pagtatapos ni Crisostomo.