Pagbisita ni Deputy US Trade Rep. Marantis, para sa bagong merkado, pamumuhunan
Bagong merkado at pamumuhunan ang pangunahing dahilan kung bakit nasa bansa ngayon si Deputy US Trade Representative Demetrios Marantis, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan o Bayan. Sa pahayag ni Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng grupo, bumisita sa bansa si Marantis sa gitna ng panibagong pagtulak ng US na konsolidahin, palalimin at palawakin ang papel at […]

Bagong merkado at pamumuhunan ang pangunahing dahilan kung bakit nasa bansa ngayon si Deputy US Trade Representative Demetrios Marantis, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan o Bayan.
Sa pahayag ni Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng grupo, bumisita sa bansa si Marantis sa gitna ng panibagong pagtulak ng US na konsolidahin, palalimin at palawakin ang papel at impluwensiya nito hindi lamang sa Pilipinas kundi sa Asya Pasipiko. Ipinapakita rin umano nito ang hindi masyadong pinag-uusapan subalit ang tunay na dahilan sa kampanya ng administrasyong Obama na palakasin ang presensiyang militar sa rehiyon.
Ang US ay nahaharap sa pinakamalalang krisis nito mula noong Great Depression noong 1930s. Ito ay desperado sa paghahanap ng bagong merkado at oportunidad para sa produkto at kapital. Agresibo itong naghahanap ng mapagsasamantalahang likas na yaman at lakas paggawa para masagip ang bagsak nitong ekonomiya, sabi pa ng Bayan.
Ispesipiko umanong eengganyuhin ni Marantis ang mga opisyal na Pilipino sa pagtalakay sa posibilidad ng paglahok ng Pilipinas sa kasunduang Trans-Pacific Partnership (TPP) na pinangungunahan ng US. Ang TPP ang pinakabagong mayor na proyekto ng US para buksan ang natitirang hadlang sa negosyo at pamumuhunan sa Asya Pasipiko.
Dahil sa pagtutol umano ng mamamayan sa mga bagong liberalisasyon sa World Trade Organization (WTO), napuwersa ang US na sumandig sa mga bilateral at rehiyunal na mga kasunduan sa kalakalan tulad ng TPP.
Subalit dahil sa masamang karanasan ng Pilipinas sa mahigit na tatlong dekada ng liberalisasyon, dapat lamang tutulan ang TPP at anumang bagong kasunduang pangkalakalan sa US. Ang walang habas na pandarambong sa likas na yaman at malawakang pagwasak sa sektor ng ating produktibong sektor ng ekonomiya sa ilalim ng WTO ay dapat magtulak sa mga gumagawa ng ating mga polisiya na tanggalin ang ilusyon na pag-unlad ang dala ng TPP, pahayag pa ng grupo.