Rights workers, umapela sa UN Human Rights Council kaugnay ng paglabag sa karapatang tao sa PH
Ang mararahas na demolisyon sa mga komunidad at patuloy na arbitraryong pang-aaresto at detensiyon ang partikular na inireklamo ng Philippine UPR (Universal Periodic Review) Watch sa United Nations Human Rights Council

Isang delegasyon ng mga manggagawa para sa karapatang pantao (human rights workers) mula sa Pilipinas ang naghain ng mga reklamo sa United Nations Special Rapporteur on Adequate Housing Raquel Rolnik at Working Group on Arbitrary Detention Chair Malick Sow, kaugnay ng patuloy na paglabag ng karapatang pantao sa ilalim ni Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III.
Ang mararahas na demolisyon sa mga komunidad at patuloy na arbitraryong pang-aaresto at detensiyon ang partikular na inireklamo ng Philippine UPR Watch, isang delegasyong ekumenikal ng mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao mula sa Pilipinas. Lumahok ang Philippine UPR Watch sa prosesong Universal Periodic Review (UPR) ng UN Human Rights Council (UNHRC) nitong Marso sa Geneva, Switzerland.
Marahas na demolisyon
Sa ngalan ng Demolition Watch Network, idinaing ng delegasyon ang “umiigting na mararahas na pagpapalayas sa mga residente sa mga komunidad ng mga maralitang taga-lunsod sa Pilipinas at ang patuloy na paglabag sa karapatang magkaroon ng sapat na pabahay at iba pang karapatang pantao.”
“Sa ilalim ni Pangulong Aquino, naidokumento ng Demolition Watch Network ang mahigit 50 insidente ng marahas na demolisyon ng mga kabahayan sa Metro Manila pa lamang, sa 19 komunidad na may mahigit 16,000 pamilyang apektado. Libu-libong pamilya ang nawalan ng tirahan at kabuhayan, habang natigil ang kabataan sa pag-aaral,” ayon kay Nardy Sabino, pangkalahatang kalihim ng Promotion for Church People’s Response (PCPR) at convenor ng PH UPR Watch.
Ilan sa mga kaso ng bayolenteng demolisyon ay ang naganap sa Brgy.Corazon de Jesus, San Juan City at sa mga komunidad sa paligid ng Phil. National Railway Site, kung saan daan-daang pulis at miyembro ng demolition team ang itinalaga upang marahas na paalisin at arestuhin ang mga residente at kanilang mga tagasuporta na naggigiit ng kanilang karapatang sa paninirahan.
“Ang mga demolisyon na ito ay isinasagawa upang bigyang-daan diumano ang “development projects,” ngunit nagresulta lamang ito ng pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong nasa lansangan na lamang at walang tirahan,” dagdag ni Sabino.
Mga detenidong pulitikal
Idiniin naman ni Sr. Stella Matutina OSB ng Panalipdan Mindanao na nagpapatuloy ang mga kaso ng ilegal na pang-aaresto at detensiyon ng mga aktibista sa bansa.
Naghain ang grupo ng mga reklamo sa UN Working Group on Arbitrary Detention kaugnay ng mga kaso ng makata na si Ericson Acosta at ang film student na si Maricon Montajes na kabilang sa daan-daang detenidong pulitikal na inaresto at kasalukuyang nakapiit sa ilalim ng pamamahala ni Aquino.
Sa ulat ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda) nitong Dis. 31, 2011 ay mayroong 347 na detenidong pulitikal sa buong bansa. Noong Marso 8, nakapagsalita si Cristina Palabay ng Karapatan sa Interactive Dialogue on the Report of the UN Working Group on Arbitrary Detention, hinggil sa 81 bilanggong pulitikal na inaresto sa ilalim ni Aquino.
“Sa kabila ng pagkakaila ng pagkakaroon ng mga detenidong pulitikal sa bansa, hindi maitatago ng administrasyon ang katotohanan na ang mga karapatan ng mga detenidong ito ay nilalabag sa bawat araw na nananatili sila sa mga piitan. Upang itago ang pulitikal na katangian ng kanilang pagkaka-aresto, patuloy na isinasagawa ang kriminalisasyon, o paghahain ng mga gawa-gawang kasong kriminal laban sa mga indibidwal at mga aktibista. Nananatili itong tampok na kalakaran sa kontra-insurhensiyang polisiyang Oplan Bayanihan ni Aquino,” ayon kay Matutina.
Tampok na kaso sa kasalukuyan ang paglalabas ng warrant of arrest at tangkang pag-aresto laban sa 23 lider magsasaka sa Hacienda Luisita. Ang Hacienda Luisita ang pinagtatalunang lupain na matagal na inangkin ng pamilya ng mismong Pangulo, ang mga Cojuangco-Aquino ng Tarlac.
‘Arestuhin si Palparan’
Samantala, nagsagawa ang delegasyon ng iba’t ibang aktibidad upang manawagan ng suporta sa pandaigdigang komunidad upang itulak ang administrasyong Aquino upang kumilos para sa kagyat na pag-aresto sa puganteng si Ret. Maj. Gen. Jovito Palparan Jr, na kilala sa bansa bilang “berdugo” dahil nasa likod ng maraming mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao.
May warrant of arrest si Palparan para sa kasong kidnapping at serious illegal detention kaugnay ng pagdukot at pagkawala nina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno noong 2006. Sina Cadapan at Empeno ay mga kabataang aktibista at estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas (UP).
“Tatlong buwan na mula nang ilabas ang warrant of arrest was laban kay Palparan pero hindi pa rin siya napapanagot. Patuloy niyang iniinsulto ang mga biktima sa pamamagitan ng pagtatago sa batas. Dahil sa pag-iwas niya sa aresto, iniinsulto rin niya at ginagawang inutil ang gobyerno ni Aquino,” ayon kay Palabay.
Nagpamahagi sila ng mga “Wanted: Palparan” posters sa kanilang mga aktibidad sa 19th session ng UN Human Rights Council.
Kasama nina Sabino, Matutina at Palabay sa delegasyon ng Philippine UPR Watch sina Atty. Edre Olalia ng NUPL at International Association of Democratic Lawyers; at Maribel Mapanao ng Campaign for Human Rights in the Philippines– Switzerland.
Nakipagpulong din ang grupo hinggil sa kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas sa iba’t ibang foreign diplomatic mission, pandaigdigang NGO, mga kinatawan ng UN human rights special procedures, at komunidad ng mga migranteng Pilipino na nakabase sa Geneva.
Ang Pilipinas ay magiging paksa ng ikalawang bugso ng UPR sa darating na Mayo 28 hanggang Hunyo 3.