Sa abolisyon ng IALAG, paglaya ng detenidong pulitikal hiniling
SINALUBONG ng Karapatan, alyansang nagtataguyod sa karapatang pantao, ang abolisyon ni Pangulong Arroyo sa Inter-Agency Legal Assistance Group o IALAG. Pero iginiit ng grupo ang pagpapalaya ng mga detenidong pulitikal na umano’y sinampahan ng gawa-gawang mga kasong kriminal sa tulong ng IALAG. Noong Mayo 15, pinirmahan ni Arroyo ang Executive Order (EO) 808 na nagbubuwag […]
SINALUBONG ng Karapatan, alyansang nagtataguyod sa karapatang pantao, ang abolisyon ni Pangulong Arroyo sa Inter-Agency Legal Assistance Group o IALAG. Pero iginiit ng grupo ang pagpapalaya ng mga detenidong pulitikal na umano’y sinampahan ng gawa-gawang mga kasong kriminal sa tulong ng IALAG.
Noong Mayo 15, pinirmahan ni Arroyo ang Executive Order (EO) 808 na nagbubuwag sa IALAG. Binuo ang IALAG noong 2006 para sa koordinasyon ng mga kasong “may kinalaman sa pambansang seguridad” gaya ng rebelyon at sedisyon.
Inirekomenda ni Prof. Philip Alston, United Nations Special Rapporteur on extrajudicial, summary or arbitrary executions, ang pagbuwag sa IALAG na umano’y nasa likod ng panggigipit sa mga aktibista. Inulit ni Alston ang rekomendasyong ito sa ulat sa UN Human Rights Council noong Abril 29.
Ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita, binuwag ang IALAG para mapaunlad ang rekord ng gobyerno sa karapatang pantao. Umano’y nagdesisyon si Pangulong Arroyo matapos ang isang pulong ng Anti-Terrorism Council sa General Santos City noong nakaraang buwan.
“Naisakatuparan na ng IALAG ang mandato nito,” ayon sa EO 808.
Pero ayon sa Karapatan, patunay lamang ito na ginamit ng gobyerno ang IALAG para gipitin ang mga aktibistang pinaghihinalaang mga tagasuporta o miyembro ng Communist Party of the Philippines.
Kaugnay nito, nanawagan ang grupo na palayain ang mga detenidong pulitikal na sina Randall Echanis at Bernadith Dignos, mga opisyal ng ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas; at Randy Felix Malayo at Elizabeth Principe, mga konsultant ng National Democratic Front of the Philippines.
Dapat din umanong iatras ang mga kasong kriminal laban sa 72 aktibista sa Timog Katagalugan, kabilang ang labor lawyer at kolumnista ng Pinoy Weekly na si Atty. Remigio Saladero Jr.
Sa kabila ng abolisyon ng IALAG, inihayag ni Ermita na “may ibang pamamaraan ang gobyerno para imonitor ang mga aktibidad ng mga nais guluhin ang gobyerno.”
“Posible na hindi titigil ang administrasyon sa pagtarget nito sa mga sibliyan na nananawagan ng totoong pagbabago sa lipunan,” ayon sa Karapatan.
Idinagdag ng grupo na dapat pa ring managot si Arroyo sa mga paglabag sa karapatang pantao, pinakahuli ang pamamaslang sa lider-magsasaka na si Fermin Lorico noong Hunyo 10 sa Dumaguete City.
Umano’y “nagpapatuloy pa rin ang banta sa mga karapatang sibil at pulitikal ng mga mamamayan.”