‘Pagdami ng batang obrero, OFW resulta ng kawalan ng trabaho’
Binatikos ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang gobyerrnong Aquino sa diumano’y kabiguan nitong lumikha ng disenteng trabaho para sa mamamayan, na nagbubunsod sa paglaki ng bilang ng mga batang manggagawa gayundin ang paglaki ng deployment ng mga Overseas Filipino Workers (OFW). “Bangkarote kasi ang programa para sa empleyo ng gobyerno,” sabi ng grupo Reaksiyon ito […]

Binatikos ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang gobyerrnong Aquino sa diumano’y kabiguan nitong lumikha ng disenteng trabaho para sa mamamayan, na nagbubunsod sa paglaki ng bilang ng mga batang manggagawa gayundin ang paglaki ng deployment ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).
“Bangkarote kasi ang programa para sa empleyo ng gobyerno,” sabi ng grupo
Reaksiyon ito ng grupo sa inilabas na datos ng International Labor Organization (ILO) na nagsasabing sa 29 milyong batang Pilipino, aabot sa 5.59 milyong bata na nasa edad 5-17 ang nagtatrabaho. Sa bilang na ito, mahigit sa 3 milyon ang nasa mapanganib na trabaho, ayon sa 2011 Survey on Childrern.
Kasabay din nito, ipinalabas din ng National Statistics Office (NSO) ang pag-aaral na mayroong 2.2 milyong Pilipino ang lumabas ng bansa para magtrabaho mula Abril-Setyembre ng taong 2011, mas malaki umano sa pagtaya sa parehong panahon ng taong 2010.
“Lumalabas ng bansa ang napakalaking bilang ng mga Pilipino dahil sa talamak na kawalan ng disenteng trabaho dito. Napipilitan na rin na magtrabaho ang mga bata dahil sa walang trabaho ang kanilang mga magulang o ‘di kaya ay kumikita lamang ng kakaunti sa kanilang pinaghirapan,” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU
Sinabi pa ni Labog na ilang araw lamang at papasok na ang ikalawang taon ni Pangulong Aquino, ngunit ipinapakita na umano ng mga datos na walang nalilikhang disenteng trabaho sa bansa at hindi rin umano umuunlad ang ekonomiya.
“Hindi maitatatwa ng mga datos na ito ang anumang kasinungalingan na inihahanda para sa kanyang State of the Nation Address sa Hulyo. Malinaw na bigo ang gobyernong ito sa paglikha ng disenteng trabaho,” aniya.
Kahirapan din ang sinasabi ng ILO na sanhi ng paglobo sa bilang ng mga manggagawa, “Clearly, we have to get to the root of child labour which is linked with poverty and lack of decent and productive work.. While we strive to keep children in school and away from child labour, we need to ensure decent and productive work for parents and basic social protection for families,” pahayag ni Lawrence Jeff Johnson, Director,I ng LO Country Office for the Philippines sa kanilang websayt.
Ngunit para sa KMU, ang bangkaroteng programa ng gobyerno para sa empleyo ang isang dahilan ng paghihirap ng mamamayan. Patuloy umano ang pag-aakit ng gobyerno sa mga dayuhang mamamuhunan sa pamamagitan ng pag-alok sa murang lakas paggawa sa bansa. “Ang nililikhang trabaho dito sa bansa ay mga trabahong mababa ang pasahod at kalakhan ay kontraktuwal pa,” sabi pa ni Labog.
Panawagan ng KMU sa gobyerno, ipatupad ang tunay na repormag agraryo at lumikha ng mga batayang industriya para makaliha ng disenteng trabaho para sa mga mamamayan.
“Pero iba ang ginagawa ng gobyerno, ipinagtatanggol nito ang pagkontrol sa lupa ng mga panginoong may lupa at tinatanggihan din nito ang pagpapaunlad sa mga lokal na industriya para maakit ang mga investors,” dagdag pa ni Labog.