Panggagahasa sa Okinawa, R&R ng tropang Kano sa Subic, ikinabahala
Ikinabahala ng grupong pangkababaihan na Gabriela ang panggagahasa ng isang babae sa baseng militar ng Estados Unidos sa Okinawa, Japan noong Oktubre 8. Kasabay ang insidente ng pagtatapos ng Phiblex 13 (Philippines-US amphibious landing exercise), ang pinakahuling ehersisyong militar sa pagitan ng mga tropang Amerikano at Pilipino na ginanap sa iba’t ibang bahagi ng Luzon. […]

Ikinabahala ng grupong pangkababaihan na Gabriela ang panggagahasa ng isang babae sa baseng militar ng Estados Unidos sa Okinawa, Japan noong Oktubre 8. Kasabay ang insidente ng pagtatapos ng Phiblex 13 (Philippines-US amphibious landing exercise), ang pinakahuling ehersisyong militar sa pagitan ng mga tropang Amerikano at Pilipino na ginanap sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.
Inakusahan ng isang 20-anyos na babae sa Okinawa ang dalawang sundalo ng US Navy na gumahasa sa kanya habang papauwi sa kanyang bahay. Inaresto ng mga awtoridad ang mga suspek na sina Christopher Browning at Skyler Dozierwalker, na ngayo’y nahaharap sa imbestigasyon.
Tinatayang may 47,000 tropang Amerikano na naka-base sa Japan; kalahati nito ay nasa Okinawa.
“Ilang beses nang napapatunayan ang aming pangamba na nagdudulot ng karahasan sa kababaihan ang presensiyang militar ng US. Ito lamang ang pinakahuling kaso,” sabi ni Joms Salvador, deputy secretary general ng Gabriela.
Idinagdag ni Salvador na may 2,600 Amerikanong sundalo na lumahok sa Phiblex 13 ang ngayo’y nagpapahinga at nagsasaya matapos ang mga ehersisyong militar. “Libu-libo ang nagpupunta sa mga bar, nightclub, at massage parlor sa Subic, Palawan, at iba pang lugar. Sana’y hindi sapitin ng sinumang Pilipina ang sinapit ng babaing ginahasa sa Okinawa,” aniya.
Ang Gabriela ang nanguna sa kampanyang parusahan ang sundalo Amerikano na si Lance Cpl Daniel Smith para sa panggagahasa sa Pilipinang si ‘Nicole’ sa Subic noong 2006.
Nangako ang grupo na patuloy na lalabanan ang presensiyang militar ng US sa bansa at planong muling pagtatayo ng baseng militar ng Estados Unidos sa Subic.
Sa pagtatapos ng Phiblex 13, dumaong sa Subic Bay ang USS Bonhomme Richard, ang ika-lima nang US nuclear naval warship na dumaong sa bansa simula Agosto ngayong taon.
Panoorin ang isang Public Service Advertisement hinggil sa sinasapit ng mga kaso ng panggagahasa ng Amerikanong sundalo (nilikha para sa 1st INDIEpendensya Film Festival):