Pambansang Isyu

Napoles, todo-tanggi sa Senado


Hinintay ng buong bansa ang pagharap ni Janet Lim-Napoles sa Blue Ribbon Committee ng Senado para sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa tinatawag na P10-Bilyong pork barrel scam noong Nobyembre 7. At tulad ng inaasahan ng marami, todo-tanggi si Napoles sa halos lahat nang itanong sa kanya ng mga senador kaya naman halos walang napiga ang […]

Hinintay ng buong bansa ang pagharap ni Janet Lim-Napoles sa Blue Ribbon Committee ng Senado para sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa tinatawag na P10-Bilyong pork barrel scam noong Nobyembre 7.

At tulad ng inaasahan ng marami, todo-tanggi si Napoles sa halos lahat nang itanong sa kanya ng mga senador kaya naman halos walang napiga ang Senado sa kanya.

Maging si Sen. Miriam Santiago, bigong makumbinsi si Napoles na makakuha ng impormasyon na kung sinu-sino pa ang mga nasa likod ng pork barrel scam kahit na sinabi nitong maaaring nasa panganib ang buhay ni Napoles.

Janet Lim-Napoles sa Senado noong Nob. 7. (Pher Pasion)
Janet Lim-Napoles sa Senado noong Nob. 7. (Pher Pasion)

Bagama’t marami ang nadismaya, kung susuriing mabuti, makikita ang katotohanan sa pagitan ng mga testimonya ng whistleblowers na sina Benhur Luy, Gertrudes Luy, Marina Sula, at Arlene Baltazar laban sa mga naging pagsagot ni Napoles, ayon kay Sen. Teofisto Guingona III.

Ayon sa whistleblowers, nasa 28 mambabatas ang sangkot sa pork barrel scam mula sa senado at kongreso na nangyari umano sa loob ng 10 taon. Nasa mahigit 20 bogus o pekeng non-government organizations (NGOs) di umano ang itinayo ni Napoles para pagkuhanan ng pondo ng pork barrel.

Hindi lamang si Napoles

Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, bagamat ginawa ng mga senador na makakuha ng impormasyon mula kay Napoles, dapat umanong maging malinaw sa mga mamamayan na hindi lamang si Napoles ang maging sentro ng imbestigasyon, sa panayam ng Pinoy Weekly.

“Huwag dapat magpokus kay Napoles. Dapat halungkatin at imbestigahan din ang iba pang mga kasangkot sa Philippine Development Assistance Fund (PDAF) at non-PDAF, gayundin ang Disbursement Acceleration Program (DAP) ni Noynoy Aquino,” ayon kay Zarate.

Ipinapangamba ni Zarate na kung hindi magiging mapagmatyag ang mga mamamayan, magiging diversionary tactic ito at masentro lamang kay Napoles ang isyu at maisantabi ang iba pang porma ng pork barrel tulad ng sa Malampaya fund at ang ‘presidential pork’ na tinatayang nasa P1-Trilyong piso.

Hindi lamang umano nais baluktutin ni Napoles ang katotohanan kundi tinangka nitong mailayo si Presidente Noynoy Aquino mula sa lahat ng eskandalo sa pork barrel, ayon sa National Union Students of the Philippines.

Malinaw naman ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU) na nagsasagawa umano ng damage control ang rehimeng Aquino sa hindi paglalahad ni Napoles sa mga sangkot pa sa pork barrel scam. Nais umano ng rehimen na manatili lamang ang sisi sa mga piling politiko.

Ayon naman kay Guingona, maaaring tumagal pa umano ang imbestigasyon ng Senado dahil sa ‘nanganganak’ o dumadami umano ang lumilitaw na kailangang imbestigahan gaya ng iba pang non-PDAF na mga proyekto at gayundin ang posibleng pagpapatawag pa sa iba pang sangkot sa nasabing eskandalo.

Protesta tuloy

Sa kabila nang inaasahang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado, nanawagan naman ang KMU ng mas maigting na paglaban mula sa mga mamamayan para tuluyang ilantad at buwagin ang sistema ng pork barrel sa bansa sa lahat ng porma nito.

Dagdag naman ni Zarate, bagamat tuloy pa rin ang paghahain sa Kongreso ng mga panukalang batas gaya ng House Bill 1535 na naglalayong ibasura ng pork barrel, kailangan umanong magkaroon ng fatal blow mula sa pagkilos ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang sektor upang tuluyan itong maibasura.

Nanawagan ang KMU na kumilos sa ika-150 kaarawan ni Andres Bonifacio sa Nobyembre 30.