Main Story Migrante

Migranteng Pinoy nakiisa sa panawagang hustisya para sa inabusong Indones


Alam ng mga Pilipino sa ibang bayan kung papaano pagmalupitan ng kanilang mga amo. Nitong Linggo, Enero 19, nakiisa ang mga migranteng Pilipino sa Hong Kong, gayundin ang iba pang mga Pilipino sa ibang bansa, para humingi ng hustisya sa sinapit ni Erwiana Sulistyaningsih, Indones na foreign worker sa Hong Kong na maraming beses na […]

Protesta ng mga migranteng Pilipino at iba pang lahi sa Hong Kong noong Enero 19. (Kontribusyon)
Protesta ng mga migranteng Pilipino at iba pang lahi sa Hong Kong noong Enero 19. (Kontribusyon)

Alam ng mga Pilipino sa ibang bayan kung papaano pagmalupitan ng kanilang mga amo.

Nitong Linggo, Enero 19, nakiisa ang mga migranteng Pilipino sa Hong Kong, gayundin ang iba pang mga Pilipino sa ibang bansa, para humingi ng hustisya sa sinapit ni Erwiana Sulistyaningsih, Indones na foreign worker sa Hong Kong na maraming beses na pisikal na inabuso sa kanyang amo.

Nakaranas diumano ang pagmamaltrato at abuso ang 21-anyos na domestic worker sa kanyang amo na si Law Wan Tung, isang Hong Kong national.

Kasalukuyang nasa ospital sa Sragen, East Java, Indonesia si Erwiana. Maselan pa rin ang kondisyon: may severe cellulitis sa kanyang paa at kamay, katawan na nagpapakita ng gulpi sa pamamagitan ng mga palo; may parte ng kanyang utak na namamaga; hindi pa maayos ang kanyang paningin; at basag ang kanyang ngipin.

Pinangunahan ng iba’t ibang grupo ng mga migrante, kabilang ang Asia Pacific Mission for Migrants (APMM) at Migrante International-HK, ang aabot sa 5,000 kataong nagprotesta para sa hustisya, mas makataong paggawa, at pagwakas sa puwersahang migrasyon (forced migration) at ang polisiya ng labor export na anila’y makabagong porma ng pang-aalipin (modern-day slavery).

Ayon sa Migrante, ipinapakita ng kaso ni Erwiana ang mukha ng puwersahang migrasyon at paglabas ng lakas-paggawa sa bansa bilang manipestasyon ng lahat ng uri ng abuso at ekspolytasyon, lalo na sa kababaihan mula sa lahat ng panig ng mundo.

Sinabi ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International, na sa pagdami ng kababaihan na lumalabas ng kani-kanilang bansa, mas nagiging bulnerable sila sa samu’t saring paghihirap at abuso sa kamay ng mga dayuhang employer.

“Nakakaranas sila ng seksuwal na diskriminasyon at iba pang abuso na espisipiko sa kanilang kasarian (gender-specific abuses) at karahasan sa uri ng mga trabaho na napupuntahan nila. Kabilang na rito ang kaso ng domestic workers,” ani Martinez.

Binigay niyang halimbawa ang dinanas ng Pilipinong si Terril Atienza na misteryosong namatay sa Mongolia. “Mababa ang kanilang mga sahod, hindi nabibigyan ng sapat na proteksiyon, naibubukod, nakararanas ng diskriminasyon, at walang legal na rekurso dahil hindi tinitignan na legal ang kanilang pagtatrabaho at hindi sila naisasailalim sa legal na proteksiyon,” sabi pa ni Martinez.

Tumitindi ang mardyinalisasyon ng mga migranteng manggagawa sa pagpapabaya ng kanilang mga gobyerno. Sa kaso ni Erwiana, naging bulnerable siya sa abuso dahil sa polisiyang labor-export ng gobyernong Indones na nagmistulang itinuturing siyang commodity na inilalako sa host countries tulad ng Hong Kong.

Gayumpaman, sinabi ni Martinez na saludo sila sa mga tulad ni Erwiana na “tumitindig, at nanawagan ng hustisya laban sa pang-aabuso at makabagong pang-aalipin.”

“Ineenganyo namin ang lahat ng domestic workers na lumantad at lumaban (sa mga pang-aabuso sa kanila). Nasa inyo ang suporta ng mga Pilipinong manggagawang migrante kasama ang ating mga pamilya,” sabi pa ng naturang lider-migrante.

Isa ang Migrante International sa mga bumuo sa Justice for Erwiana and All Migrant Domestic Workers Committee.

Matapos ang protesta noong Enero 19, sinabi ng naturang grupo na itutuloy nila ang mga pagkilos sa susunod na mga araw bilang pangangalampag sa sending (tulad ng Pilipinas at Indonesia) at host countries (tulad ng Hong Kong)–hindi lang ang kaso ni Erwiana, kundi maging sa iba pang inabusong migranteng mga manggagawa.