Migrante

Labor export program dahilan ng pagkamatay ng OFW


Isinisi ng Migrante International sa labor export program ng administrasyong Arroyo ang pagkamatay ni Joel Llorente, isang overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia. Namatay si Llorente noong Agosto 19, 2009 dahil sa kanser habang lulan ng eroplano pauwi ng Pilipinas galing sa Saudi. Binalaan pa ng rupo si Pangulong Arroyo na huwag gamitin ang […]

Isinisi ng Migrante International sa labor export program ng administrasyong Arroyo ang pagkamatay ni Joel Llorente, isang overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia.

Namatay si Llorente noong Agosto 19, 2009 dahil sa kanser habang lulan ng eroplano pauwi ng Pilipinas galing sa Saudi.

Binalaan pa ng rupo si Pangulong Arroyo na huwag gamitin ang burol ni Llorente para pagtakpan ang umano’y kriminal na kapabayaan nito sa kapakanan ng mga OFW.

“Ang kapabayaan mismo ng administrasyong Arroyo na tugunan ang batayang pangangailangan ng mga OFW na gaya ni Llorente para magtrabaho kahit may sakit. Kaipokritohan kung gagamitin niya ang lamay ni Llorente para sa publisidad dahil ang kanyang labor export program ang pumapatay sa mga gaya ni Llorente,” ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.

Bumisita si Pangulong Arroyo sa bahay ni Llorente sa Payatas, Quezon City para makisimpatiya at siguruhin ang mga benepisyong nakalaan para rito.

“Halos 34,000 Filipino ang nahihiwalay sa kanilang mga minamahal para magtrabaho sa ibang bansa dahil sa kahirapan at kawalan ng trabaho. Sa kabilang banda, tinatayang 10 bangkay naman ng OFW ang dumadating sa bansa kada araw. Hindi mapagtatakpan ng kunwaring pakikiramay ni Pangulong Arroyo ang kanyang rekord ng kapabayaan sa mga OFW,” paliwanag ni Martinez.

Ayon sa Migrante, pinirmahan ni Pangulong Arroyo ang Administrative Order 247 noong nakaraang Disyembre na nag-uutos sa POEA na magtuon ng pansin sa paglalako ng mga OFW sa ibang bansa.

“Gusto naming paalalahanan si Pangulong Arroyo na tatlo sa kanyang kababayan ang maaaring mabitay anumang sandali dahil sa kapabayaan ng gobyerno na ihapag ang isyu ng tortyur na naranasan nila sa kamay ng mga awtoridad sa Saudi para sila umamin. Dapat na talagang itigil ni Pangulong Arroyo ang panggagamit niya sa mga OFW para sa publisidad,” ani Martinez.

Samantala, nanawagan naman ang Migrante-Middle East sa gobyerno para agad na bigyan ng tulong ang pamilya ni Llorente at bigyan ng iskolarsyip ang kanyang mga anak.

“Hindi na dapat hintayin pa ng OWWA na lumapit ang pamilya ni Llorente para sa tulong. Dapat agad silang tumulong sa pamilya, tulad na lamang sa paglilibing, at iba pang nararapat sa kanya,” sabi ni John Leonard Monterona, tagapag-ugnay ng Migrante-ME.