Imeldifikong dehistorisasyon
Una kong natunghayan ang Cultural Center of the Philippines (CCP) nang ginagawa pa lamang ito, at nang ipalabas sa amin ang Pinagbuklod ng Langit (1969) pagkatapos ideklara ang martial law noong 1972. Ito ang pelikulang biograpiko ng mga Marcos para sa reeleksyon ng 1969. Naalaala ko, noong mahilig pang mamasyal ang tatay ko, nag-drive kami […]
Una kong natunghayan ang Cultural Center of the Philippines (CCP) nang ginagawa pa lamang ito, at nang ipalabas sa amin ang Pinagbuklod ng Langit (1969) pagkatapos ideklara ang martial law noong 1972. Ito ang pelikulang biograpiko ng mga Marcos para sa reeleksyon ng 1969. Naalaala ko, noong mahilig pang mamasyal ang tatay ko, nag-drive kami sa ramp ng CCP, at lalong namangha sa fountain mula sa mas malapit na pagtingin.
Noon pa man, nakakatawag-pansin na ang kinang ng capiz chandeliers sa lobby. At dahil ang pagbukas ng fountain ang naghuhudyat na may aktibidad sa Main Theater, nagbabaan at naglalakad ang mayayamang manonood. At kami ay mabilis na bumaba matapos ng maigsing pagpasyal.
Lumaki nga kaming “martial law babies” na ang tingin ng marami ay iisang presidente o pamilya ang matutunghayang pangulo ng bansa. Ito ang panahong nagkamulat kami para maging disiplinado, makabayan, walang kimi, at walang angas. Umaawit kami ng “Bagong Lipunan,” ang himno ng proberbial na lipunan sa itaas ng bundok ni Marcos. At hanggang ngayon ay saulado ko pa ang lyrics at kantang ito.
Flash forward, sa pabagsak na ang diktadurya noong 1986, ang CCP ay isang dinisentrong lunan ng sining. Mapapadalas ako sa CCP dahil maraming rehiyonal na dula at pagtatanghal rito. Marami ring pagtatanghal na orihinal na obra ng artistang Filipino.
Nagtrabaho ako rito bilang kabahagi ng grupong Encyclopedia of Philippine Arts and Culture. Mas mukhang maliit at masikip na ang lugar, hindi tulad nang makailang ulit kaming nagfi-field trip dito. Pinatatahimik at pinapabilis ang magkapares na lakad, na parang nasa loob kami ng simbahan at sagradong lugar. Ang opisina ay regular lang, tinatamaan din ng walong oras na brownouts na bumulagta sa Metro Manila sa panahon ni Cory Aquino.
Flash forward part II, umuulan buong araw ng September 11, 2009, kaarawan ni Ferdinand Marcos at ang gabi ng tribute ng “pitong sining” para sa founder ng CCP, si Imelda Marcos. Binati ng maliit pero maigting na protesta ang gabi ng parangal ng Alliance of Concerned Teachers at Concerned Artists of the Philippines, mga organisasyong naitatag sa kasagsagan ng diktaduryang Marcos.
Maan (maan-maangan) ang anak na si Imee Marcos sa lohika ng protesta sa inang nagtuguyod ng sentro ng sining, “Makabuluhan talaga ang kanyang (Imelda) role dito sa Pilipinas dahil hanggang ngayon, ito pa rin ang sentro ng sining at ng talento na likas sa mga Pilipino.” Banggit pa nito, “Parang wala namang koneksyon ‘yun, sapagkat wala naman nagdududa na siya ang nagpatayo nito. So, tama lang na kilalanin ang nagawa ng nakalipas.”
Ito ang lohika ng parangal, para tanggalin ang historikal na ugnay ng infrastruktura at personalidad ng fasistang kapangyarihan. Kung hindi konektado si Imelda, ang mga Marcos, at maging si Gloria Arroyo at ang kanyang angkan sa kanilang material na pinagdaanan—at siya rin namang idineklarang direksyon para sa sambayanan—saan sila pwedeng singilin sa kanilang pagkilos sa kasaysayan?
Kung walang kasaysayan, walang pag-uusig. Ang tanging naiiwan ay ang fasistang kapangyarihang magpataw ng lohika ng estado—metapisikal na angas na nananatiling makabuluhan ang kontibusyon, kundi man aktwal na megalomania, na inilunan sa nakaraan bilang kumakatawan di ng fasismo kundi ng ethos ng sining, ofisyal na nasyonalismo, makabansang pananaw, kundi man global na pag-alinsunod sa kompetitibong kalakaran.
At kung gayon, inosente ang lahat ng may kasalanan sa kasaysayan. Ang kakatwa rito, ni hindi man lamang kailangang ipagduldulan ng mga Marcos ang kanilang sarili. Pinapaupo sila sa kabisera ng mesa ng mismong namamalakad ng sining ng bansa. Na parang sa di kalayuan ng CCP, ang fiasco ng infrastruktura ng Film Center na pinaglilibingan ng maraming manggagawang inilibing na lamang sa gumuhong palapag kaysa hukayin pa sa quick-drying cement dahil may hinahabol na skedyul ng engrandeng pagbubukas?
O ang wala pang naipapanalong kaso ng plunder ang mga gobyerno sa di matinag-tinag na Imelda? Siya na malaya pa rin, pinaparangalan pa nga, nakapag-political comeback na ang kanyang pamilya, o ang daan-daang biktima ng human rights violation sa ilalim ng diktaduryang Marcos na hindi pa rin nabibigyan ng katarungan?
Sa ika-40 anibersaryo ng pagbubukas ng CCP, at sa ika-37 na anibersaryo ng deklarasyon ng martial law, tunay pa rin ang imeldikong pamana ni Imelda at ng mga Marcos—kung paano tayo malawakan at malaliman nagkakaroon ng amnesia, at ipinaghehele na lamang sa isang saysay na walang kasaysayan.
Malakas ang ulan, kakaunti ang kalahok sa protesta. Pero ito pa rin ang naguhit na hindi na muling dapat kumatig sa fasismo, na ang pagpaparangal kay Imelda kundi man ang pananatili nilang malaya’t di nakakulong ay pagbudbod ng asin sa sugat ng mga nabiktima nito sa ilalim ng kanilang diktadurya.