GMA, Teodoro singilin sa kapabayaan –Bayan
Dapat singilin si Pangulong Arroyo at ang pamunuan ng National Disaster Coordinating Council para sa kapabayaan nito sa paghahanda sa pagdating bagyong Ondoy at pagtugon sa mga nasalanta nito, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). Bigo ang administrasyong Arroyo at si Gilbert Teodoro, tagapangulo ng NDCC, na magbigay ng mabilis at organisadong tugon sa nasabing […]
Dapat singilin si Pangulong Arroyo at ang pamunuan ng National Disaster Coordinating Council para sa kapabayaan nito sa paghahanda sa pagdating bagyong Ondoy at pagtugon sa mga nasalanta nito, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).
Bigo ang administrasyong Arroyo at si Gilbert Teodoro, tagapangulo ng NDCC, na magbigay ng mabilis at organisadong tugon sa nasabing bagyo.
Ayon sa mga ulat, 246 na ang namatay, 42 ang nawawala, at may 2.1 milyong katao ang apektado sa Metro Manila at mga karatig-probinsya.
Noong pinakahuling State of the Nation Address ni Arroyo, ayon sa Bayan, ipinangako nito na laging handa ang Pangulo sa anumang krisis, anumang oras. Idinagdag pa niya na pinaunlad na ng gobyerno ang hawak nitong teknolohiya para maagap na mapaghandaan ang anumang paparating na bagyo; at ang kapasidad nito na tugunan ang anumang sakuna.
“As a country in the path of typhoons…we must be as prepared as the latest technology permits to anticipate natural calamities when that is possible; to extend immediate and effective relief when it is not…The mapping of flood- and landslide-prone areas is almost complete. Early warning, forecasting and monitoring systems have been improved,” sabi noon ni Arroyo.
Malinaw na ipinakita ng nakaraang mga araw na hindi totoo ang pagbibidang ito ng Pangulo, ayon kay Dr. Carol Araullo, tagapangulo ng Bayan.
“Totoong lumampas sa anumang rekord ang dami ng ulan na bumagsak noong bagyo. Pero hindi namin maintindihan kung bakit ang tugon ng gobyerno ay napakabagal, hindi organisado, at talagang hindi nakasasapat,” ani Araullo.
Halimbawa umano nito ang kawalan ng mga barkong pansagip sa mga mamamayang na-istranded, na kahit humingi ng tulong sa pamamagitan ng midya ay hindi natugunan ng gobyerno.
Sa kabila rin umano ng pagbibida ng NDCC na may sapat itong relief goods, kinailangan pa nitong humingi ng tulong mula sa pandaigdigang mga instistusyon, indikasyon na wala itong sapat na kakayahan.
Noong Agosto, bago pa man masalanta ang Kamaynilaan ng bagyong Onyong, ibinunyag na ni Bukidnon Rep. Teofisto Guingona III na ayon sa ulat ng Commission on Audit, ginamit ni Arroyo sa kanyang mga biyahe sa ibayong-dagat ang P800-Milyong contingency fund na dapat ginagamit lamang tuwing may sakuna.
Nangangamba ang Bayan na sa darating na mga araw at linggo, iigiting pa ang kagutuman at sakit sa hanay ng mga mamamayang apektado ng bagyo. Nanawagan ang grupo sa gobyerno na ayusin ang pagtugon nito bago lumala pa ang sitwasyon.
Samantala, pinapurihan ng Bayan ang hakbang ng non-government organizations, midya, at pribadong mga mamamayan para tulungan ang mga biktima ng Ondoy. Kasalukuyan ding namimigay ang grupo ng relief goods sa apektadong mga komunidad.
