Pagtanggal sa Migrante, pulitikal ang dahilan


Determinado ang mga overseas Filipino workers sa ilalim ng Migrante na lumahok sa halalang party-list sa 2010, kahit na tila pinupulitika na sila ng Commission on Elections.

Determinado ang Migrante Sectoral Party na lumahok sa eleksiyong party-list sa 2010, sa kabila ng delisting sa kanila ng Comelec. Sa gitna si Connie Bragas-Regalado, tagapangulo ng Migrante Sectoral Party. Nasa kaliwa si Atty. Julius Matibag, abogado ng Migrante. (Soliman A. Santos)
Determinado ang Migrante Sectoral Party na lumahok sa eleksiyong party-list sa 2010, sa kabila ng delisting sa kanila ng Comelec. Sa gitna si Connie Bragas-Regalado, tagapangulo ng Migrante Sectoral Party. Nasa kaliwa si Atty. Julius Matibag, abogado ng Migrante. (Soliman A. Santos)

May halong pulitika ang pagkakatanggal ng Commission on Elections (Comelec) sa Migrante Sectoral Party sa listahan ng mga grupong party-list na maaaring tumakbo sa eleksiyong 2010.

Ito ang palagay ni Connie Bragas-Regalado, tagapangulo ng naturang partido ng mga overseas Filipino workers (OFW). Kabilang ang Migrante sa hindi bababa sa limang grupo na kapareho ng kanilang sitwasyon ang pinayagan ng Comelec na tumakbo sa nakaraang mga eleksiyon. Naniniwala si Regalado na pultitikal ang dahilan ng pagkakatanggal ng kanilang grupo sa lsitahan.

“Pinayagan nilang tumakbo ang Agrifil, Sagip-Kapwa, BISA, Pinoy Overseas Party at Banat Party-list noong 2004 kahit na hindi nakakuha ng 2% ng kabuuang boto ng party-list at hindi nakalahok sa eleksiyong 2001. Ganoon din ang Migrante, pero tinanggal (kami) ng Comelec. Malinaw na ipinakikita nito na hindi parehas ang desisyon ng Comelec,” ani Regalado.

Inilabas kamakailan ng Comelec ang isang resolusyon na nagtatanggal sa Migrante at iba pang grupo ng party-list, dahilan para hindi na sila makatakbo sa eleksiyong 2010.

Ayon sa Resolution 8679 na inilabas ng Comelec noong Oktubre 13, 2009, may kapasidad ang komisyon na magtanggal o magkansela, matapos ang pagpaabot at pagdinig, ng rehistrasyon ng anlinmang pambansa, rehiyunal, o sektoral na partido, organisasyon o koalisyon sa sumusunod na kadahilanan: una, kapag hindi nakalhok ang isang partido sa huling dalawang halalan o hindi nakakuha ng hindi bababa sa dalawang porsiyento (2%) ng kabuuang bilang boto sa ilalim ng sistemang party-list.

Pero ayon kay Atty. Julius Matibag, tumatayong abogado ng Migrante Party-list at miyembro ng National Union of People’s Lawyers, hindi nagpadala ng notice sa Migrante ang Comelec o nagdaos man lang ng pagdinig hinggil sa kanselasyon ng rehistrasyon ng Migrante.

Maliwanag din, aniya, na lumahok ang Migrante sa isang eleksiyon lamang kaya hindi dapat saklaw ng resolusyon. Tungkol naman sa hindi pag-abot sa hindi bababa sa 2% boto, ipinaliwanag ni Matibag na isang beses lamang din hindi ito naabot dahil isang beses lang tumakbo sa halalan ang Migrante, noong eleksiyong 2007.

Sinabi pa ni Matibag na dapat mas maagang inilabas ng Comelce ang Resolution 8679 para nakapagplano pa ang Migrante ng mga hakbang sa paglahok sa eleksiyong 2010. “Isang remedy ang nawala sa Migrante dahil sa huling pagpapalabas ng resolusyon,” ani Matibag.

Bianggit din ng abugado ang “Urgent Petition for Relief” na isinampa ng Migrante sa Comelec noong Setyembre 18, 2009. Sa naturang petisyon, hiniling ng Migrante na ikonsiderang kuwalipikado ang Migrante na lumahok sa eleksiyong 2010.

“Pero hindi man lamang ito nabanggit sa Resolution 8679. Hindi man lamang ikinonsidera ng Comelec sa kanilang pagdedesisyon,” paliwanag ni Matibag.

Magsasampa naman ng verified opposition laban sa Resolution 8679 ang Migrante ngayong Oktubre 26 sa Comelec.

Malaki ang paniniwala ni Matibag na diringgin ng Comelec ang kanilang oposisyon dahil una, walang pagpapaabot o pagdinig na ginawa ang Comelec kaugnay ng kanselasyon at ikalawa, hindi saklaw ng sinasabing mga dahilan sa kanselasyon ang Migrante.

“Hinihiling namin sa Comelec na lutasin ang inihain namin oposisyon sa lalong madaling panahon, sa loob ng isang linggo kung maaari, para may sapat na panahon ang Migrante na maka-avail pa ng mga remedy,” ani Matibag.

Anuman ang maging desisyon ng Comelec, magsasampa naman ng temporary restraining order ang grupo sa Korte Suprema.