Hindi tayo iniwan sa ere
Oo, ang Mabuting Balita ngayon ay tungkol sa isang pamamaalam, ngunit ang pamamaalam na ito ay hindi pagkawala.
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay – Mga Gawa 8:5-8, 14-17 | Salmo 65 | 1 Pedro 3:15-18 | Juan 14:15-21
May isang video na muling bumalik sa internet ilang taon na ang nakalipas. Hindi ito bagong trailer ng pelikula, hindi rin pasabog na reunion concert. Simpleng video lang ito ni Steve Burns, ang original host ng Blue’s Clues. Pero bakit marami ang naantig?
Marahil dahil para sa maraming batang lumaki noong 90s at unang bahagi ng 2000s, si Steve ay hindi lang host ng isang palabas. Siya ay naging kasama nila sa paglaki. Siya’y naging kasama sa pagtuklas ng clues. Kasamang mag-isip. Kasamang tumanggap ng “mail time.” Kaya nang mamaalam siya sa palabas, tila may bahagi rin ng pagkabata ang biglang naglaho.
At sa kanyang video makalipas ang maraming taon, sinabi niya, “I never forgot you.” Hindi raw niya tayo iniwan sa puso niya kahit matagal siyang nawala.
May kakaibang sakit ang pamamaalam. Lalo na iyong mga pamamaalam na walang closure. Iyong parang bigla na lang may nawalang presensiya sa buhay natin—kaibigan man, magulang o minamahal. Kahit nga iyong mga dating panahon ng kasiglahan o maging ang ating pananampalatayang dati’y napakalapit ngunit ngayo’y tila tahimik.
Ito ang tensiyon sa Ebanghelyong ating matutunghayan ngayon. Naghahanda na si Hesus sa kanyang pag-alis. Alam ng mga alagad na may magbabago. At marahil katulad din nila tayo: natatakot sa pagkawala. Natatakot maiwang mag-isa. Natatakot na baka matapos ang lahat sa pamamaalam.
Pero kakaiba ang paraan ng pamamaalam ni Kristo. Hindi ito biglaang pag-iwan. Hindi ito pagtalikod. Hindi ito simpleng, “Aalis ako, bahala na kayo.” Kaya nga malinaw niyang sinabi, “Hindi ko kayo iiwang nangungulila.”
Sa halip, ipinangako niya ang Espiritu Santo na kanyang sinasabing magiging isa pang patnubay na makakasama ninyo magpakailanman. Sa orihinal na Griyego, ito’y tinatawag na “parákl?tos,” na nangangahulugang isang presensiyang kasama upang tumulong at umagapay. Sapagkat ipinapakita nito na ang presensiya ng Diyos ay hindi nakakulong sa pisikal na paglapit lang. Hindi natatapos ang pagmamahal kapag hindi na nakikita ng mata. May mga presensiyang nananatili kahit hindi nahahawakan.
Tunay ngang maaaring may mga taong umalis sa buhay natin. May mga yugto ng buhay na natapos. May mga dating sigurado na ngayo’y tila malayo. Pero ang Diyos ay hindi nanggo-ghost. Hindi siya nawawala nang walang bakas. Hindi siya nang-iiwan sa ere.
At marahil ito ang hirap maunawaan ng mundo ngayon. Sa isang lipunang sanay sa seenzoned, ghosting, disposable relationships at pansamantalang commitment, mahirap paniwalaan na may presensiyang hindi umaalis, na may pag-ibig na hindi nagsasawang manatili.
Pero iyon mismo ang Espiritu Santo: ang pananatili ng Diyos sa gitna ng pagkawala.
Kaya sa Unang Pagbasa mula sa Mga Gawa, matapos tanggapin ng mga Samaritano ang Salita ng Diyos, hindi nagtapos doon ang kuwento. Dumating sina Pedro at Juan upang ipanalangin na matanggap nila ang Espiritu Santo. Sapagkat ang ating pananampalataya ay hindi lang pagtanggap ng aral o simpleng pagsang-ayon sa doktrina. Ito ay pagtanggap sa mismong presensiya ng Diyos na nananahan sa tao. At ano ang bunga? “Nagkaroon ng malaking kagalakan sa lungsod na iyon.”
Pansinin natin iyon. Hindi takot o pangungulila, kundi kagalakan. Dahil kapag ang Espiritu Santo ang nananahan sa isang komunidad, may paghilom. May lakas. May kakayahang magmahal kahit sugatan. May kakayahang magpatuloy kahit may pamamaalam.
Ito rin ang hamon ng Ikalawang Pagbasa mula sa Unang Sulat ni San Pedro, kung saan tinatawag niya tayo na maging handang magpaliwanag tungkol sa ating pag-asa. Hindi galit. Hindi yabang. Hindi pananakot. Kundi “mahinahon at mapitagan.” Sapagkat ang Kristiyanong tunay na pinananahanan ng Espiritu ay hindi lang marunong makipagtalo; marunong siyang manatili. Manatili sa kabutihan kahit mahirap. Manatili sa pag-ibig kahit hindi masuklian. Manatili sa pag-asa kahit tila wala nang katiyakan.
Oo, ang Mabuting Balita ngayon ay tungkol sa isang pamamaalam, ngunit ang pamamaalam na ito ay hindi pagkawala.
May mga paglisan na nagiging paraan upang matutuhan nating makita ang presensiya sa ibang anyo. Hindi na lang sa pisikal na piling, kundi sa pananatili ng pag-ibig. Ganito ang ginawa ni Kristo. Umalis siya hindi upang tayo’y kalimutan, kundi upang ang kanyang presensiya ay hindi na lang manatili sa isang lugar, kundi manahan sa bawat puso.
Tunay ngang maaaring may mga taong umalis sa buhay natin. May mga yugto ng buhay na natapos. May mga dating sigurado na ngayo’y tila malayo. Pero ang Diyos ay hindi nanggo-ghost. Hindi siya nawawala nang walang bakas. Hindi siya nang-iiwan sa ere.
Sapagkat hanggang ngayon, inuulit pa rin ni Kristo sa bawat sugatang puso, “Hindi ko kayo iiwang nangungulila.”