Paggawa at pakikibaka sa Timog Katagalugan


Sa kabila ng krisis sa paggawa at ekonomiya, patuloy pa rin sa buhay ang mga manggagawa sa Timog Katagalugan habang ipinaglalaban ang nararapat sa kanila.

Ang paggawa, para sa mamamayan ng Timog Katagalugan ay hindi lang paraan upang matustusan ang pang araw-araw na gastusin, ito rin ay isang uri ng pakikibaka para mabuhay.

Nagna-night shift si Katrina Morales, isang staff ng gas station sa Tanauan City, Batangas, upang makatulong sa kanyang pamilya. Christian F. Patulot/Pinoy Weekly

Ayon sa Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan (Pamantik-KMU), nakararanas ng krisis sa sahod ang mga mangagagawa  sa mga rehiyon ng Calabarzon at Mimaropa kung saan pilit nilang pinagkakasya ang P450 hanggang P600 kada araw sa kanilang pamilya kahit madalas, hindi ito nagiging sapat sa gitna ng implasyon at pagtaas ng mga bilihin.

Sa kabila ng bunsod ng init ng araw, sinisiyasat ni Celso Patulot, ang mga tanim na okra. Christian F. Patulot/Pinoy Weekly

Samantala, sa sektor ng agrikultura sa Timog Katagalugan, mabigat na pasanin para sa mga magsasaka ang pagtaas ng presyo ng langis, binhi, abono at pestisidyo, dagdag pa ang patuloy na pangangamkam ng lupa at land use conversion. Ayon sa Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK), kulang na kulang ang suporta sa agrikultura ng pamahalaan.

Isang jeepney driver sa Lipa City, Batangas na nagtatawag ng pasahero. Christian F. Patulot/Pinoy Weekly

Dulot din sa sigalot at krisis sa Kanlurang Asya, maraming mga tsuper sa Timog Katagalugan ang nagtigil-pasada dahil ang kanilang kinikita ay napupunta lang sa pambili ng krudo. Sunod-sunod din ang naging transportation strike sa pangunguna ng transport groups tulad ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston).

Patuloy pa rin sa pagtitinda ng kandila si Susan Ambas, candle seller, kahit matumal na ang bentahan. Christian F. Patulot/Pinoy Weekly

Sa kabila ng krisis sa paggawa at ekonomiya— kulang na pasahod, kontraktuwal na trabaho at impormalidad— patuloy pa rin sa buhay ang mga manggagawa sa Timog Katagalugan habang ipinaglalaban ang nararapat sa kanila.