Magsasaka

Magsasakang tumutulong sa mga biktima ng bagyong Glenda pinaslang


Kinondena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang pagpaslang sa isang magsasaka sa Candelaria, Quezon kahapon. Pinagbabaril ng dalawang hindi nakilalang salarin na nakasakay ng motorsiklo ang biktimang si Gil Fernandez miyembro ng Pagkakaisa ng mga Magsasaka at Tagapagtaguyod sa Ikalawang Distrito ng Quezon (Pamatid-Quezon). Nagtamo ng tama ng bala si Fernandez sa ulo, mukha, […]

Candelaria, Quezon
Candelaria, Quezon

Kinondena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang pagpaslang sa isang magsasaka sa Candelaria, Quezon kahapon.

Pinagbabaril ng dalawang hindi nakilalang salarin na nakasakay ng motorsiklo ang biktimang si Gil Fernandez miyembro ng Pagkakaisa ng mga Magsasaka at Tagapagtaguyod sa Ikalawang Distrito ng Quezon (Pamatid-Quezon). Nagtamo ng tama ng bala si Fernandez sa ulo, mukha, leeg at katawan na sanhi ng kanyang kamatayan.

Malakas ang hinala ng KMP na armadong mga puwersa ng estado ang mga salarin. “Mariin naming kinukondena ang brutal na pagpaslang kay Fernandez na tumutulong sa mga biktima ng bagyong Glenda,” ani Antonio Flores, pangakalahtang kalihim ng KMP.

Ayon sa grupo, si Fernandez na isa ring organisador ng maliliit na magniniyog sa Quezon ay kasamang naghahanda para sa relief operations ng Pamatid-Quezon nang maganap ang pamamaslang.

Sabi ni Flores, halata daw na ang intensiyon ng pamamaslang ay dahil sa kaugnayan ng biktimang si Fernandez sa progresibong mga organisasyon. Isinisisi ng grupo sa kontra-insurhensiyang programang Oplan Bayanihan ng gobyerno ang pagpaslang.

“Lumalabas ang mabangis na pangil ng Oplan Bayanihan laban sa mga magsasaka,” ani Flores.

Idinagdag pa ng grupo na matindi ang militarisasyon sa probinsiya ng Quezon.

“Kasalukuyang nag-ooperasyon sa Candelaria ang 710th Special Air Force Wing at ang 741st Special Operations Squadron na may saklaw sa Central Quezon,” sabi pa ni Flores.

Ayon naman sa datos ng grupong Karapatan, mayroong 108 na biktimang magsasaka ang pinaslang mula Hunyo 30, 2010 hanggang noong Marso 2014.

Nananawagan ang KMP sa Kongreso na agarang imbestigahan ang tumitinding pamamaslang ng mga magsasaka sa ilalim ng adminsitrasyong Aquino.

“Gawain na ng mga panginoong maylupa ang paggamit ng dahas para lamang mapanatili nila ang kontrol nila sa lupa. Nakakaalarma na ang pamamaslang sa mga magsasaka,” pagtatapos ni Flores.