Isulong ang GE
Sa loob pa lang pamantasan, nararamdaman na nila ang kalkulasyon sa kanilang halaga batay sa mga metrikong malayo sa sikmura.
Mainit na usapin nitong mga nagdaang linggo ang panukalang Reframed General Education (GE) na inihapag ng Technical Panel on General Education ng Commission on Higher Education (CHED) sa isang public hearing noong ika-5 ng Mayo. Nilalayon ng Reframed GE na ito na bawasan ang mga kursong GE at palitan ng ilang integratibong kurso.
Samu’t sari ang pagtutol na inani ng panukala mula sa mga institusyon at organisasyong akademiko, at maging mga unyon. Pinuna ng mga pahayag ang paglabag ng panukala sa proseso ng demokratikong konsultasyon, ang banta ng pagkawala ng trabaho ng libo-libong guro at ang pagpapalabnaw nito sa liberal na pamantayan sa edukasyon upang iayon sa kahingian ng mga industriya. Dahil na rin sa malawakang pagtutol, inanunsiyo ang suspensiyon ng pilot implementation ng panukala.
Hindi na bago ang pagtatangkang pahinain ang GE. Ito’y bahagi ng dekada-dekadang kasaysayan ng tuloy-tuloy na pag-atake sa GE at sa holistikong edukasyon sa antas tersyarya.
Nang pumasok ako sa University of the Philippines (UP) noong 2006, ipinapatupad na ang RGEP na umani rin ng kritisismo dahil ginawang opsiyonal na lang ang mga susing kurso gaya ng Kasaysayan, Filipino at Panitikan. Sa disenyo ng malayang pagpili sa mga kursong maaaring kunin, nabibigyan ng ilusyon ang mag-aaral ng akademikong kalayaan habang pinagkakaitan ng pagkakataong mapalalim ang kritikal na pag-iisip at panlipunang kamalayan.
Nang nagturo ako noong 2010, malaking usapin naman ang walang konsultasyong pagpapatupad ng large lecture class policy sa mga kursong GE sa Humanidades at Agham Panlipunan sa UP Los Baños. Austerity measure ang isa sa dahilan sa patakaran, bukod pa sa dikta raw ito ng absorptive capacity ng unibersidad na tumanggap ng mas maraming mag-aaral.
Bukod pa sa nadobleng workload ng mga guro, nawalan ng oportunidad ang mga guro at estudyante sa mas tutok na akademikong interaksiyon, talakayan at masusing bahaginan ng ideya dahil ginawang 120 hanggang 180 mag-aaral ang mga klase sa mga kursong ito. Kalauna’y naibasura ang patakarang ito dahil sa pagsusumikap ng mga guro sa pamantasan.
Hindi iilang beses na narinig ko sa mga estudyante na gusto nila ng mas maraming kurso sa Kasaysayan at Humanidades upang mas mapalalim ang kanilang pag-unawa sa kanilang sarili at lipunan. Batid nila na ipinapakete sila sa pandaigdigang merkado na bilang mga lakas-paggawang pipigain sa ngalan ng kita.
Sa panukalang transisyon sa K-12, nariyan na ang kontrobersiyal na CHED Memorandum 20 na nagtanggal na sa mga kurso sa Filipino at Panitikan. Ang inihapag na balangkas ng CMO 20 ang kasalukuyang ipinapatupad sa mga pamantasan, kabilang na sa UP. Kalunos-lunos ang kasalukuyang disenyo nito, partikular na sa Humanidades kung saan pilit pinagkakasya sa Arts Appreciation course ang lahat ng mga pagtalakay sa iba’t ibang anyong sining.
Hindi iilang beses na narinig ko sa mga estudyante na gusto nila ng mas maraming kurso sa Kasaysayan at Humanidades upang mas mapalalim ang kanilang pag-unawa sa kanilang sarili at lipunan. Batid nila na ipinapakete sila sa pandaigdigang merkado na bilang mga lakas-paggawang pipigain sa ngalan ng kita.
Sa loob pa lang pamantasan—sa dikta ng internasyonalisasyon, quality assurance at outcomes-based na pagtatasa—nararamdaman na nila ang kalkulasyon sa kanilang halaga batay sa mga metrikong malayo sa sikmura.
Ang pagpapalabnaw ng GE at pagbibigay ng priyoridad sa espesyalisasyon ay bahagi ng pagbibigay ng premium sa kanilang halaga batay sa mga kakayahang maiaambag nila sa mga industriya. Tanggal na sa pagtatantos na ito ang kakayang mag-isip nang kritikal, maging makabayan at makisangkot sa mga isyung panlipunan.
Ito ang henerasyong babad sa fake news at generative AI at nagiging depolitisisado dahil sa attention economy na inihahatid ng social media. Ito ang henerasyong saksi sa muling pagbabalik ng mga Kanang puwersa sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Ito ang henerasyong sinusubukang gagapin ang gampanin ng pamahalaan bilang institusyong panlipunan habang nakatambad sa madla kung paanong ginagamit ang mga institusyon gaya ng Senado upang ipagtanggol ang mga berdugo mula sa pananagutan.
Ito ang henerasyong nangangailangan ng malalim na pag-uugat sa kasaysayan at pag-uusisa sa kasalukuyang pag-iral.
Tuloy-tuloy pa rin ang pagmamatyag sa mga posibleng maniobra upang pahinain ang GE. At inaasahang tutugunan ito ng nagkakaisang hanay ng mga guro at mag-aaral ng mas masigasig na paggigiit para sa mapagpalayang edukasyon.