Balik-Tanaw

Stonewall Manila ng 1994


Sa Pilipinas naikasa ang kauna-unahang Pride March sa Asya noong Hunyo 26, 1994.

Sa Pilipinas naikasa ang kauna-unahang Pride March sa Asya noong Hunyo 26, 1994. Tinaguriang Stonewall Manila ang pagtitipon ng higit sa 30 katao mula sa Progressive Organizations of Gays at Metropolitan Community Church Philippines upang ipagdiwang ang ika-25 anibersaryo ng Stonewall Riots.

“Ating tandaan na ang unang Pride ay paglaban at pagtindig,” sabi ni Murphy Red, isa sa mga organisador ng Stonewall Manila, sa kanyang Facebook. “?Makakamtan lamang ang ganap na kalayaan at hustisyang pangkasarian sa paglaya ng sambayanan at pag-iral ng pambansang demokrasya at kalayaan.”

Kaya tuwing Hunyo, bida ang mga bandila ng bahaghari sa buong mundo bilang pagdiriwang sa Pride Month. Ito’y bilang pag-alala sa Stonewall Riots ng Hunyo 28, 1969, isang pag-aalsa ng mga Amerikanong LGBTQ+ (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer at iba pa) laban sa diskriminasyon at karahasan ng pulis.

Talamak noon ang pananalakay ng mga pulis sa mga gay bar para pahiyain ang komunidad sa pamamagitan ng pagpapalabas ng mga empleyado sa gay bar. Inakusahan pa sila ng mga gawa-gawang krimen. 

Isa sa mga gay bar na nakaranas ng panunupil ay ang Stonewall Inn sa Greenwich Village, New York City. Ngunit, sa araw ng Hun. 28, 1969 sa halip na manood ang mga residente, sama-sama silang nag-aklas. Simboliko ang samahang pakikipaglaban ng komunidad at ng mga LGBTQ+ na siyang nagpasiklab sa pagkilos ng sangkabaklaan sa buong mundo.

Ang matapang na pag-aalsa sa Stonewall Inn ang siyang nag-udyok sa mga progresibong bakla at tomboy na kumilos sa gitna ng paglala ng sosyo-ekonomikong krisis noon. 

Malayo man ang inabot ng mga pagkilos na ito para sa pagkilala ng  LGBTQ+ sa bansa, hindi pa rin tuluyang natatapos ang pakikibaka ng sangkabaklaan kontra diskriminasyon. Ang Sexual Orientation, Gender Identity, and Expression (SOGIE) Equality bill na isinulat upang protektahan ang mga karapatan ng LGBTQ+ ay nananatiling nakabinbin sa Kongreso may 26 taon na.