Dignidad ng tao sa panahon ng AI

Isa ang artificial intelligence sa mga usaping tinatalakay ng Magnifica Humanitas, maaaring isipin na isa itong dokumentong nagbababala laban dito o nananawagang iwasan ito. Ngunit hindi iyon ang punto ni Papa Leon XIV.

Mahigit isang taon na ang nakalipas nang humarap sa mundo mula sa balkonahe ng St. Peter’s Basilica ang Agustinong si Robert Francis Cardinal Prevost bilang bagong Santo Papa ng Simbahang Katolika. Sa unang mga sandali ng kanyang papado, isang detalye agad ang umagaw ng pansin: pinili niyang tawagin ang sarili bilang Papa Leon XIV, ang ikalabing-apat na Santo Papa na gumamit ng pangalang Leon.

Oo, ito’y nakaugalian na, ang bagong Santo Papa ay nagpapalit ng pangalan upang bigyang-diin ang bagong misyong kanyang tinatanggap. Pero anong meron kay Leon? Maaari rin nating sipatin na ito’y malinaw na pahiwatig ng direksiyong nais niyang tahakin, lalo na sa mga babad sa kasaysayan ng Simbahang Katolika.

At noong Mayo 15, lalo pa niyang pinagtibay ang pahiwatig na iyon nang lagdaan niya ang kanyang unang ensiklikal, Magnifica Humanitas (Magnificent Humanity). Isa itong dokumentong agad nag-anyaya sa mundo na muling pag-isipan kung ano ang kahulugan ng pagiging tao sa panahon ng artificial intelligence (AI) at mabilis na pagbabagong teknolohikal.

Sa unang tingin, maaaring isipin na isa lang itong karaniwang pagpapatuloy ng tradisyong papal. Ngunit sa pagpili pa lang ng pangalang “Leon,” malinaw nang ipinahiwatig ng Santo Papa ang direksiyong nais niyang tahakin. Hindi nagkataon na pinili niya ang pangalang minsang ginamit ni Papa Leon XIII, ang may-akda ng 1891 na ensiklikal na Rerum Novarum (Of New Things), ang dokumentong kinikilala bilang pundasyon ng makabagong Catholic Social Teaching.

Sa katunayan, ipinaliwanag mismo ni Papa Leon XIV na ang kanyang pagpili ng pangalan ay nakaugat sa inspirasyon mula kay Leon XIII na tumugon sa “social question” ng unang rebolusyong industriyal. May kanya-kanya silang konteksto at obhetibong kondisyong ginagalawan, na may kanya-kanyang usaping kailangang bigyan ng linaw o kasagutan mula sa Simbahan.

Ang naunang Leon, si Leon XIII, ay humarap sa mga hamon ng industriyalisasyon, mekanisasyon, kapitalismo at pagsasamantala sa mga manggagawa noong ika-19 na siglo. Ang kasalukuyang Leon naman ay humaharap sa panibagong rebolusyong teknolohikal na pinangungunahan ng AI, automation at digital transformation.

Ang mga sulatin ng mga Santo Papa ay dapat laging tinitingnan sa kanilang sariling konteksto at historikal na lente. Ang Magnifica Humanitas ay hindi lang biglaang sulpot na dokumento. Bahagi ito ng mahabang tradisyon ng Catholic Social Teaching, isang koleksiyon ng mga aral na nakaugat sa Banal na Kasulatan at hinubog ng mga ensiklikal at opisyal na turo ng Simbahan. Nakatuon ito sa pagtataguyod ng dignidad ng tao, kabutihang panlahat, katarungang panlipunan, karapatan ng manggagawa, at pananagutan sa kapwa at sa sangnilikha.

Sa kabila ng lalim at lawak ng impluwensiya nito, madalas pa rin itong tinatawag na “best-kept secret” ng Simbahang Katolika. Marami ang pamilyar sa mga usaping doktrinal at moral, ngunit kakaunti ang lubos na nakababatid sa mayamang panlipunang pananaw ng Simbahan hinggil sa ekonomiya, politika, paggawa at pag-unlad ng lipunan.

Siyempre, bilang Leon ang pangalang dala ng may-akda ng ensiklikal na ito, at ngayo’y itinuturing na bahagi ng patuloy na lumalawak na kalipunan ng panlipunang turo ng Simbahan, maaaring ituring ang Magnifica Humanitas bilang isang uri ng Rerum Novarum para sa ika-21 siglo. Parehong isinilang sa panahon ng malalaking pagbabagong teknolohikal at panlipunan.

Sa panahon ni Leon XIII, ang pangunahing suliranin ay ang kalagayan ng manggagawa sa ilalim ng industriyal na kapitalismo; sa panahon naman ni Leon XIV, ang hamon ay ang mabilis na pag-unlad ng AI, automation at digital transformation. Magkaiba man ang konteksto, iisa ang tanong na kanilang hinaharap: paano mananatiling sentro ang tao sa mundong patuloy na binabago ng teknolohiya?

Pinirmahan ni Papa Leon XIV ang Magnifica Humanitas, unang ensiklikal ng kanyang papado, noong Mayo 15, 2026 sa Apostolic Palace sa Vatican City. Tinatalakay nito ang pagpapanatili at pagsusulong sa dignidad ng tao sa gitna ng mga pangyayari sa mundo sa kasalukyan. Larawan mula sa Vatican Media

Dahil isa ang AI sa mga pangunahing usaping tinatalakay ng ensiklikal, maaaring isipin ng ilan na isa itong dokumentong nagbababala laban dito o nananawagang iwasan ito. Ngunit hindi iyon ang punto ni Papa Leon XIV.

Hindi kinokondena ng Magnifica Humanitas ang AI. Hindi rin nito hinihikayat ang pagtanggi sa teknolohiya. Sa halip, ginagamit nito ang AI bilang pagkakataon upang muling itanong ang isang mas malalim na usapin: habang patuloy na umuunlad ang ating mga makina, umuunlad din ba ang ating pag-unawa sa tao? Nananatiling sentral para kay Papa Leon XIV ang dignidad ng tao at kung paano ito mapangangalagaan sa gitna ng mabilis na pagbabagong dulot ng teknolohiya.

Ano ba ang laman ng Magnifica Humanitas? Matapos ilarawan ang mga res novae o “mga bagong bagay” ng ating panahon, gaya ng digitalization, AI, robotics at iba pang teknolohiyang humuhubog sa lipunan, ipinaalala ni Papa Leon XIV na ang dapat bigyang-pansin ay kung paano ginagamit ang mga ito. Sa tradisyon ng Simbahan, ang teknolohiya mismo ay hindi likas na mabuti o masama. Ang tanong ay laging nakasentro sa tao: paano ito ginagamit at para kanino ito ginagamit?

Kaya ginamit ng ensiklikal ang makapangyarihang imaheng biblikal ng Tore ng Babel (Genesis 11:1-9) at ng Banal na Lungsod ng Jerusalem (Nehemias 2-9). Magandang tingnan ang pagsasalarawan ng tensiyon sa paggamit ng teknolohiya.

Tayo ang tinatanong kung gagamitin ba natin ito upang magtayo ng panibagong Babel, isang mundong nakabatay sa kapangyarihan, kontrol at pansariling interes, o upang maitayo ang isang lipunang nakaugat sa pagkakaisa, katarungan, at kabutihang panlahat, tulad ng Banal na Lungsod ng Jerusalem.

Sa ikalawang kabanata, nilinaw ng Santo Papa ang isang mahalagang punto tungkol sa Catholic Social Teaching mismo. Madalas itong iniuugnay lang sa mga posisyon sa politika o ekonomiya. Ngunit malinaw, mula pa kay Leon XIII hanggang sa kasalukuyan, ang katuruang panlipunan ng Simbahan ay isang buhay na tradisyon ng pagninilay sa “signs of the times,” isang paraan ng pagtingin sa kasaysayan sa liwanag ng Ebanghelyo.

Hindi layunin ng Simbahan na magbigay ng teknikal na solusyon sa AI, lalo na’t hindi rin layunin ni Leon XIV sa Magnifica Humanitas na maglatag ng regulasyon para sa mga programmer o kompanya ng teknolohiya. Bagkus, nag-aalok ito ng mga prinsipyo para mag-isip, mga pamantayan para sa paghusga at mga gabay para sa pagkilos.

Isa sa pinakamahalagang ambag ng ensiklikal ay ang pagbabalik nito sa sentro ng diskurso ng tao mismo. Sa gitna ng napakaraming pag-aaral tungkol sa AI at kakayahan ng makina, pinipili nitong magsimula sa tanong tungkol sa tao: sino ang tao, saan nagmumula ang kanyang dignidad at bakit siya dapat igalang?

Ang tao ay nilikha sa larawan ng Diyos na Santatlo, kaya’t likas siyang nakalaan sa pakikipag-ugnayan at pakikipagkomunyon. Mula rito, ang dignidad ng tao ay hindi nakasalalay sa kakayahan, produktibidad, antas ng edukasyon, estado sa buhay o ambag sa lipunan. Ito ay ontological dignity, isang dignidad na taglay ng tao dahil sa kanyang pag-iral.

Sa panahong ang mga algorithm ang nag-uuri, nagsusukat, nagra-rank at nag-e-evaluate ng tao, mahalagang paalala na ang dignidad ay hindi nasusukat, hindi na-o-optimize at hindi natatanggal, sapagkat ito ay kaloob ng Diyos.

Ang pagkilalang ito ang pundasyon ng Catholic Social Teaching, at dito nagmumula ang iba pang prinsipyo gaya ng kabutihang panlahat, unibersal na destinasyon ng mga biyaya, subsidiarity, solidarity at social justice.

Hindi ito mga bagong ideya, ngunit muling inilalagay ni Leon XIV sa harap ng mga bagong tanong ng ating panahon. Ano ang kahulugan ng common good sa mundong pinapatakbo ng data at algorithms? Paano maisasabuhay ang solidarity sa panahon ng digital fragmentation at online polarization? Paano mapangangalagaan ang subsidiarity sa gitna ng lumalawak na kapangyarihan ng malalaking teknolohikal na korporasyon?

Mula rito, dumadaloy ang mga susunod na kabanata bilang mga kongkretong aplikasyon ng mga prinsipyong ito. Tinutukoy nito ang katotohanan sa panahon ng misinformation at digital manipulation.

Binibigyang-diin din nito ang paggawa, na ang teknolohiya ay dapat maglingkod sa manggagawa, hindi ang manggagawa ang mag-aadjust sa bilis ng makina. Pinagninilayan din nito ang kalayaan sa panahon ng surveillance, data collection, at algorithmic influence, kung saan unti-unting nahuhubog ang mga desisyon ng tao nang hindi niya namamalayan.

Para sa akin, isa sa pinakakawili-wiling ambag ng Magnifica Humanitas ay ang pagtatanggol nito sa limitasyon ng tao. Sa kulturang nagnanais lampasan ang kahinaan sa pamamagitan ng teknolohiya, ipinapaalala nito na ang pagiging limitado ay hindi kapintasan ng pagkatao.

Sa katunayan, ang pag-ibig, pagtitiwala, pag-aaruga, pakikiramay at pananampalataya ay hindi umuusbong sa kabila ng kahinaan kundi dahil dito. Ang tao ay hindi nagiging ganap sa pagiging parang makina; nagiging ganap siya sa kakayahang magmahal at makipag-ugnayan.

Sa mga huling bahagi, pinalalawak pa ni Leon XIV ang usapan sa kapangyarihan, digmaan at pandaigdigang politika. Walang teknolohiya ang maaaring magtanggal sa tao ng kanyang moral na pananagutan.

Kahit gaano pa katalino ang algorithm, hindi nito kayang akuin ang konsensiya ng tao. Walang algorithm ang maaaring gawing moral ang digmaan. Walang makina ang maaaring pumalit sa desisyon ng tao na piliin ang kabutihan.

Kaya ang Magnifica Humanitas ay hindi lang tungkol sa artificial intelligence, ito’y isang panawagan tungo sa isang sibilisasyon ng pag-ibig. Kung sinikap ni Leon XIII na gawing higit na makatao ang industriyal na kaayusan ng kanyang panahon, sinisikap naman ni Leon XIV na gawing higit na makatao ang digital na kaayusan ng ating panahon.

Kung sa Rerum Novarum ay ipinagtanggol ang mga manggagawa laban sa pang-aabuso ng industriyal na kapitalismo, sa Magnifica Humanitas nama’y ipinagtatanggol ang tao laban sa anumang pagtatangkang gawing numero, datos, produkto o kasangkapan lang ang kanyang pagkatao.

Tayo’y inaanyayahan ni Leon na maging mga “tagapagtatag ng pakikipagniig, hindi mga arkitekto ng Babel,” para sa kawan ng Diyos. Sapagkat sa kabila ng mga kahanga-hangang pag-unlad ng teknolohiya, kabilang na ang AI, huwag sana nating malimutan na ang tunay na kahanga-hanga ay ang pagkatao mismo.

Ang tao ay nananatiling dakila at marangal, sapagkat maging ang Diyos ay nakitang karapat-dapat itong yakapin. Siya ay nagkatawang-tao, nanirahan sa ating piling at nakipagniig sa atin.