Tanggalan sa San Miguel Logistics, inalmahan ng manggagawa
Tinutulan ng mga samahang manggagawa ang pagtanggal ng San Miguel Integrated Logistics Services Inc. sa nasa 800 regular na manggagawa sa sangay nito sa Sta. Rosa City, Laguna.
Tinutulan ng mga samahang manggagawa ang pagtanggal ng San Miguel Integrated Logistics Services Inc. (SMILSI) sa nasa 800 regular na manggagawa sa sangay nito sa Sta. Rosa City, Laguna.
Noong Hulyo 5, biglaang nilagay ng manedsment sa “floating status” ang mga manggagawa at inabisuhan na huwag nang pumasok sa susunod na araw. Pinangangasiwaan ng SMILSI Sta. Rosa ang warehousing at transport ng karatig na San Miguel Foods Inc. (SMFI), pagawaan ng prepared and packaged foods ng Purefoods at Magnolia.
Ayon sa labor rights group na Defend Workers Southern Tagalog, dinadahilan ng SMILSI ang pagkatalo ng bid nito sa mga serbisyo para sa SMFI na kapwa mga subsidiary ng San Miguel Corporation (SMC).
“Kung totoo man, hindi pa rin ito dapat agarang pinapatupad dahil paglabag na iyon sa legal procedures ng termination,” sabi ni Kamz Deligente, executive director ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR).
Noong 2023, nagkaroon din ng malawakang tanggalan sa mga sangay ng SMILSI sa Valenzuela City at San Fernando, Pampanga dahil sa parehong dahilan.
Hinuha ng CTUHR, pagdurog sa mga organisadong manggagawa ang tunay na rason ng tanggalan. Dagdag ni Deligente, dapat imbestigahan ng Department of Labor and Employment ang tanggalan para maitaguyod ang karapatan sa seguridad sa trabaho at kalayaang magorganisa.
Kasalukuyang kumikilos ang Liga ng Manggagawa sa San Miguel at Unyon ng mga Manggagawa sa San Miguel Logistics-Independent upang bigyang-boses ang mga manggagawa ng San Miguel sa Sta. Rosa.
Panawagan ng Defend Workers Southern Tagalog, dapat kilalanin ng kompanya ang karapatang mag-unyon ng mga manggagawa. Anila, hindi kikita ng $3.4 bilyon ang SMC at hindi magiging isa sa pinakamayamang Pilipino si Ramon Ang kung wala ang mga manggagawa ng SMILSI.