Tunay na silbi ng Unified Multi-Purpose ID
Dalawang buwan bago ang eleksiyon, nangunguna ang Government Service Insurance System sa pagpapatupad ng isang proyektong may silbi lamang umano kay Pangulong Arroyo, at hindi sa kawani ng gobyerno.

Sa darating na Lunes, Marso 15, ilulunsad na ng Government Service Insurance System (GSIS) ang unang batch ng Unified Multi-Purpose ID (UMID). Pero sa halip na tuwa, kilos-protesta ang isasalubong dito ng mga kawani ng gobyerno. Naniniwala silang walang silbi ang naturang ID at isa lamang iskema para makalikom ng pansariling pondo ang administrasyong Arroyo ngayong eleksiyon.
“Sa unang tingin, parang napakasimpleng bagay lamang. Bakit ayaw namin sa isang ID?,” sabi ni Ferdinand Gaite, tagapangulo ng Confederation for the Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees (Courage), na mangunguna sa kilos-protesta.
“Pero ang totoo, habang kami ay nagtitiis sa kakarampot na mga benepisyo, maglalaan ng P270-Milyon para sa ID na ito. Ang pinaghirapan naming pondo ay gagastusin na naman sa isang proyekto na wala namang maidudulot na signipikanteng alwan para sa amin,” aniya.
UMID, ‘di mareresolba ang problema
Ang UMID ang ikatlo na sa mga ID na inilabas ng GSIS sa loob lamang ng anim na taon. Noong 2004, unang ipinatupad ng GSIS ang e-card; at noong 2007 naman, ang e-card Plus. Ang naunang e-card ay nagsilbing identipikasyon at Automated Teller Machine (ATM); habang ang e-card Plus ay dinagdagan ng kakayahang makapag-aplay ng mga pautang at benepisyo gamit ang ID.
Ayon sa GSIS, mananatili ang lahat ng mga ito sa UMID Ang tanging dinagdag lamang, isang Common Reference Number para sa sentralisadong mga transaksiyon.
Nakatakda ring maglabas ngayong buwan ng UMID ang Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG), na layong pabilisin ang mga transaksiyon at isentralisa ang mga impormasyon ng bawat miyembro.
Pero ayon sa Courage, na kumakatawan sa 1.5 milyong kawani ng gobyerno, hindi mareresolba ng bagong ID ang umano’y inutil na serbisyo na matagal nang problema ng mga miyembro ng GSIS.
“Mababawasan ba nito ang mga delay sa posting ng aming mga kontribusyon at loan payment? Masasagot ba nito ang iregularidad sa aming mga rekord? Mapapabilis ba nito ang pagproseso sa aming mga loan? Madadagdagan ba nito ang aming mga benepisyo, dibidendo at pensiyon? Kung hindi, wala kaming nakikitang magandang dahilan para ipagpilitan ang UMID. Hindi masasagot ang aming mga hinaing sa GSIS sa simpleng pagpapalit lamang ng ID,” sabi ni Gaite.
‘Isang malaking raket’
Noon lamang Pebrero, naglabas ng Board Resolution ang GSIS na nilimitahan ang survivorship pension ng mga miyembro nito. Nakasaad sa resolusyon na hindi na makakatanggap ng pensiyon ang dependent na mga asawang may trabaho o may ibang pinagkakakitaan.
Ayon sa Courage, labag ito mismo sa GSIS Act of 1997. Umano’y gaya ng UMID, isa na naman itong pamamaraan ng GSIS para dayain ang mga miyembro sa kanilang sariling pondo at sa halip ay palihim na ilaan ito para sa administrasyong Arroyo.
Malapit na kaalyado ni Pangulong Arroyo si Winston Garcia, general manager ng GSIS, na kumaharap ng iba’t ibang kaso ng korupsiyon simula noong 2004. Appointee rin ni Arroyo ang lahat ng mga miyembro ng Board of Trustees ng GSIS.